GENESIS 25
25
Iba pang mga Naging Anak ni Abraham
(1 Cro. 1:32, 33)
1Si Abraham ay nag-asawa ng iba at ang kanyang pangalan ay Ketura.
2Naging mga anak nito sina Zimram, Jokshan, Medan, Midian, Isbak, at Shua.
3Naging anak ni Jokshan sina Seba at Dedan. At ang mga anak na lalaki ni Dedan ay sina Assurim, Letusim, at Leummim.
4Ang mga ito ang naging anak ni Midian: Efa, Efer, Hanoc, Abida, at Eldaa. Lahat ng ito ay mga anak ni Ketura.
5At ibinigay ni Abraham ang lahat ng kanyang pag-aari kay Isaac.
6Subalit ang mga anak ng naging mga asawang-lingkod ni Abraham ay binigyan ni Abraham ng mga kaloob. Habang nabubuhay pa siya ay inilayo niya ang mga ito kay Isaac na kanyang anak. Kanyang pinapunta sila sa lupaing silangan.
7At ito ang haba ng buhay ni Abraham, isandaan at pitumpu't limang taon.
Namatay at Inilibing si Abraham
8Nalagot ang hininga ni Abraham at namatay sa mabuting katandaan, matanda at puspos ng mga taon; at naging kasama ng kanyang bayan.
9Inilibing siya ng kanyang mga anak na sina Isaac at Ismael sa yungib ng Macpela, sa parang ni Efron na anak ni Zohar na Heteo, na nasa tapat ng Mamre,
10sa#Gen. 23:3-16 parang na binili ni Abraham sa mga anak ni Het. Doon inilibing si Abraham at si Sara na kanyang asawa.
11Pagkamatay ni Abraham, pinagpala ng Diyos si Isaac na kanyang anak; at si Isaac ay nanirahan sa may Beer-lahai-roi.
Ang mga Anak ni Ismael
(1 Cro. 1:28-31)
12Ang mga ito ang salinlahi ni Ismael, na anak ni Abraham, na naging anak kay Abraham ni Hagar na taga-Ehipto, na alila ni Sara.
13Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Ismael, ayon sa pagkakasunud-sunod ng kanilang kapanganakan: ang panganay ni Ismael ay si Nebayot, pagkatapos ay sina Kedar, Adbeel, Mibsam,
14Misma, Duma, Massa,
15Hadad, Tema, Jetur, Nafis, at si Kedema.
16Ito ang mga anak ni Ismael, at ito ang kanya-kanyang pangalan, ayon sa kanya-kanyang nayon, at ayon sa kanya-kanyang kampo; labindalawang pinuno ayon sa kanilang bansa.
17At ito ang haba ng buhay ni Ismael, isandaan at tatlumpu't pitong taon; at nalagot ang hininga at namatay; at siya'y naging kasama ng kanyang bayan.
18Nanirahan sila mula sa Havila hanggang sa Shur, na tapat ng Ehipto, kapag patungo sa Asiria; siya'y nanirahang kasama ng lahat niyang mga kababayan.
Ipinanganak sina Esau at Jacob
19Ito ang mga salinlahi ni Isaac, na anak ni Abraham: naging anak ni Abraham si Isaac,
20at si Isaac ay apatnapung taon nang siya'y mag-asawa kay Rebecca, na anak ni Betuel na Arameo sa Padan-aram, kapatid na babae ni Laban na Arameo.
21Nanalangin si Isaac sa Panginoon para sa kanyang asawa, sapagkat siya'y baog; at dininig ng Panginoon ang kanyang panalangin at si Rebecca na kanyang asawa ay naglihi.
22Ang mga bata sa loob niya ay naglaban at kanyang sinabi, “Kung ito ay tama, bakit ako mabubuhay?” Kaya't siya'y humayo upang magtanong sa Panginoon.
23Sinabi#Ro. 9:12 sa kanya ng Panginoon,
“Dalawang bansa ang nasa iyong bahay-bata,
at ang dalawang bayan na ipapanganak mo ay magiging hati;
ang isa ay magiging higit na malakas kaysa isa,
at ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.”
Panganganak kay Esau at kay Jacob
24Nang dumating ang panahon ng kanyang panganganak, kambal ang nasa kanyang bahay-bata.
25Ang unang lumabas ay mapula na ang buong katawa'y parang mabalahibong damit; kaya't siya'y pinangalanang ng Esau.#25:25 Ang kahulugan ay mabalahibo.
26Pagkatapos ay lumabas ang kanyang kapatid, at ang kanyang kamay ay nakakapit sa sakong ni Esau; kaya't ang ipinangalan sa kanya ay Jacob.#25:26 Ang kahulugan ay Siya'y humawak sa sakong. Si Isaac ay may animnapung taon na nang sila'y ipanganak ni Rebecca.
Ipinagbili ni Esau ang Kanyang Pagkapanganay
27Nang lumaki ang mga bata, si Esau ay naging sanay sa pangangaso, isang lalaki sa parang; samantalang si Jacob ay lalaking tahimik, na naninirahan sa mga tolda.
28Minahal ni Isaac si Esau, sapagkat siya'y kumakain ng mula sa kanyang pangangaso, at minahal naman ni Rebecca si Jacob.
29Minsan, nagluto si Jacob ng nilaga. Dumating si Esau mula sa parang at siya'y gutom na gutom.
30Sinabi ni Esau kay Jacob, “Pakainin mo naman ako nitong mapulang nilaga sapagkat ako'y gutom na gutom.” Dahil dito ay tinawag ang kanyang pangalan na Edom.#25:30 Sa Hebreo ay pula.
31Sinabi ni Jacob, “Ipagbili mo muna sa akin ngayon ang iyong pagkapanganay.”
32Sinabi ni Esau, “Ako'y malapit nang mamatay. Ano ang mapapakinabang ko sa pagkapanganay?”
33Sinabi#Heb. 12:16 ni Jacob, “Isumpa mo muna sa akin.” At sumumpa siya sa kanya at kanyang ipinagbili ang kanyang pagkapanganay kay Jacob.
34At binigyan ni Jacob si Esau ng tinapay at nilaga na lentehas. Siya'y kumain, uminom, tumayo, at umalis. Ganyan hinamak ni Esau ang kanyang pagkapanganay.
Kasalukuyang Napili:
GENESIS 25: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001