Si Abraham ay matanda na at lipas na sa panahon; at pinagpala ng PANGINOON si Abraham sa lahat ng mga bagay.
At sinabi ni Abraham sa kanyang alipin, sa pinakamatanda sa kanyang bahay na namamahala ng lahat niyang ari-arian, “Pakilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita,
at ikaw ay aking panunumpain sa ngalan ng PANGINOON, ang Diyos ng langit at lupa, na hindi mo ikukuha ng asawa ang aking anak sa mga anak na babae ng mga Cananeo na siyang aking tinitirhan,
kundi ikaw ay pupunta sa aking lupain, at sa aking kamag-anak, at ikukuha mo roon ng asawa ang aking anak na si Isaac.”
Sinabi sa kanya ng alipin, “Sakaling hindi pumayag ang babae na sumama sa akin sa lupaing ito; dapat ko bang ibalik ang anak mo sa lupaing pinanggalingan mo?”
Sinabi naman sa kanya ni Abraham, “Huwag mong ibabalik doon ang aking anak.
Ang PANGINOON, ang Diyos ng langit, na kumuha sa akin sa sambahayan ng aking ama, at sa lupaing aking tinubuan ay nagsalita at sumumpa sa akin na nagsasabi, ‘Sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lupaing ito;’ magsusugo siya ng kanyang anghel sa unahan mo, at ikukuha mo roon ng asawa ang aking anak.
Subalit kung ang babae ay ayaw sumama sa iyo, ikaw ay magiging malaya sa aking sumpa; huwag mo lamang pabalikin ang aking anak doon.”
Inilagay ng alipin ang kanyang kamay sa ilalim ng hita ni Abraham na kanyang panginoon, at sumumpa sa kanya tungkol sa bagay na ito.
Kumuha ang alipin ng sampung kamelyo mula sa kanyang panginoon, at umalis na dala ang pinakamabuti sa lahat ng pag-aari ng kanyang panginoon. At pumunta siya sa Mesopotamia, sa bayan ni Nahor.
Kanyang pinaluhod ang mga kamelyo sa labas ng bayan, sa tabi ng balon ng tubig nang papalubog na ang araw, panahon nang paglabas ng mga babae upang umigib ng tubig.
At kanyang sinabi, “O PANGINOON, Diyos ng aking panginoong si Abraham, hinihiling ko sa iyong pagkalooban mo ako ng tagumpay ngayon, at ikaw ay magmagandang-loob sa aking panginoong si Abraham.
Ako'y nakatayo sa tabi ng balon ng tubig at ang mga anak na babae ng mga tao sa bayan ay darating upang umigib ng tubig.
At mangyari na ang dalagang aking pagsabihan, ‘Pakibaba mo ang iyong banga upang ako'y makainom;’ at kanyang sasabihin, ‘Uminom ka, at paiinumin ko pati ang iyong mga kamelyo;’ ay siyang pinili mo para sa iyong lingkod na si Isaac; at sa ganito ay malalaman kong nagpakita ka ng tapat na pag-ibig sa aking panginoon.”
Bago pa man siya nakatapos ng pagsasalita, si Rebecca na ipinanganak kay Betuel, na anak ni Milca, na asawa ni Nahor na kapatid ni Abraham ay lumabas na pasan ang banga sa kanyang balikat.
Ang babae ay may magandang anyo, dalaga na hindi pa nasisipingan ng lalaki. Siya ay lumusong sa bukal, pinuno ang kanyang banga, at umahon.