EZRA 9
9
Nabalitaan ni Ezra ang Pag-aasawa sa mga Di-Judio
1Pagkatapos na magawa ang mga bagay na ito, nilapitan ako ng mga pinuno at sinabi, “Ang taong-bayan ng Israel at ang mga pari at mga Levita ay hindi pa humihiwalay sa mga taong-bayan ng mga lupain ayon sa kanilang mga karumihan, sa mga Cananeo, Heteo, Perezeo, Jebuseo, Ammonita, Moabita, Ehipcio, at mga Amoreo.
2Sapagkat kumuha sila sa kanilang mga anak na babae para mapangasawa nila at ng kanilang mga anak na lalaki, anupa't ang banal na lahi ay humalo sa mamamayan ng mga lupain. Sa ganitong kataksilan, ang kamay ng mga pinuno at ng mga punong lalaki ay nangunguna.”
3Nang marinig ko ito, pinunit ko ang aking suot at ang aking balabal, binatak ang buhok sa aking ulo at balbas, at ako'y umupong natitigilan.
4Lahat ng nanginig sa mga salita ng Diyos ng Israel, dahil sa kataksilan ng mga bumalik na bihag, ay nagtipun-tipon sa paligid ko habang ako'y nakaupong natitigilan hanggang sa oras ng paghahandog sa hapon.
5Sa panahon ng paghahandog sa hapon, bumangon ako sa aking pag-aayuno na punit ang aking suot at ang aking balabal, at ako'y lumuhod at iniunat ko ang aking mga kamay sa Panginoon kong Diyos,
6na sinasabi, “O Diyos ko, ako'y nahihiya at namumula na itaas ang aking mukha sa iyo, aking Diyos, sapagkat ang aming mga kasamaan ay tumaas nang higit kaysa aming ulo, at ang aming pagkakasala ay umabot hanggang sa langit.
7Mula sa mga araw ng aming mga ninuno hanggang sa araw na ito, kami ay nasa napakalaking pagkakasala. Dahil sa aming mga kasamaan, kami, ang aming mga hari, at ang aming mga pari ay ibinigay sa kamay ng mga hari ng mga lupain, sa tabak, sa pagkabihag, sa pagkasamsam, at sa ganap na kahihiyan gaya sa araw na ito.
8Subalit ngayon, sa maikling panahon ang biyaya ay ipinakita ng Panginoon naming Diyos, upang mag-iwan sa amin ng isang nalabi, at bigyan kami ng isang tulos sa loob ng kanyang dakong banal, upang palinawin ng aming Diyos ang aming mga mata, at bigyan kami ng kaunting ikabubuhay sa aming pagkaalipin.
9Bagaman kami ay mga alipin, gayunma'y hindi kami pinabayaan ng aming Diyos sa aming pagkaalipin, kundi ipinaabot sa amin ang kanyang tapat na pag-ibig sa harapan ng mga hari ng Persia, upang bigyan kami ng ikabubuhay sa pagtatayo ng bahay ng aming Diyos, at upang kumpunihin ang mga guho niyon, at upang bigyan kami ng pader sa Juda at sa Jerusalem.
10“At ngayon, O aming Diyos, ano ang aming sasabihin pagkatapos nito? Sapagkat tinalikuran namin ang iyong mga utos,
11na iyong iniutos sa pamamagitan ng iyong mga lingkod na mga propeta, na sinasabi, ‘Ang lupain na inyong pinapasok upang angkinin, ay isang maruming lupain na may karumihan ng mga mamamayan ng mga lupain, dahil sa kanilang karumihang pumunô sa magkabilang dulo ng kanilang mga kahalayan.
12Kaya't#Exo. 34:11-16; Deut. 7:1-5 huwag ninyong ibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, ni kunin man ninyo ang kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki, ni hanapin ang kanilang kapayapaan o pag-unlad, upang kayo'y lumakas at kainin ang buti ng lupain, at iwan ninyo bilang pamana sa inyong mga anak magpakailanman.’
13At pagkatapos ng lahat na sumapit sa amin dahil sa aming masamang mga gawa, at dahil sa aming napakalaking pagkakasala, yamang ikaw na aming Diyos ay nagparusa sa amin ng kaunti kaysa nararapat sa aming mga kasamaan at binigyan mo kami ng ganitong nalabi.
14Muli ba naming sisirain ang iyong mga utos at mag-aasawa sa mga taong gumagawa ng mga karumihan na ito? Hindi ka ba magagalit sa amin hanggang sa mapuksa mo kami, kaya't hindi magkakaroon ng nalabi, o ng sinumang makakatakas?
15O Panginoon, Diyos ng Israel, ikaw ay matuwid, sapagkat kami ay naiwan na isang nalabi na nakatakas, na gaya sa araw na ito. Narito, kami ay nasa harapan mo sa aming pagkakasala, sapagkat walang makakatayo sa harapan mo dahil dito.”
Kasalukuyang Napili:
EZRA 9: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001