Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EZRA 3:7-13

EZRA 3:7-13 ABTAG01

Kaya't sila'y nagbigay ng salapi sa mga kantero at sa mga karpintero; at ng pagkain, inumin, at langis sa mga taga-Sidon at sa mga taga-Tiro upang magdala ng mga kahoy na sedro mula sa Lebanon patungo sa dagat, hanggang sa Joppa, ayon sa pahintulot na tinanggap nila buhat kay Ciro na hari ng Persia. Nang ikalawang taon ng kanilang pagdating sa bahay ng Diyos sa Jerusalem, sa ikalawang buwan, sina Zerubabel na anak ni Shealtiel at si Jeshua na anak ni Jozadak ay nagpasimulang maglingkod, kasama ang iba pa nilang mga kapatid, ang mga pari at mga Levita at silang lahat na dumating sa Jerusalem mula sa pagkabihag. Kanilang hinirang ang mga Levita, mula sa dalawampung taong gulang pataas, upang mamahala sa gawain sa bahay ng PANGINOON. Si Jeshua at ang kanyang mga anak at mga kamag-anak, si Cadmiel pati ang kanyang mga anak na lalaki, at ang mga anak ni Juda, ay magkasamang namahala sa mga manggagawa sa bahay ng Diyos, kasama ng mga anak ni Henadad at ng mga Levita, at ng kanilang mga anak at mga kamag-anak. Nang ilagay ng mga manggagawa ang pundasyon ng templo ng PANGINOON, ang mga pari sa kanilang kasuotan ay lumapit na may mga trumpeta, at ang mga Levita, ang mga anak ni Asaf na may mga pompiyang, upang magpuri sa PANGINOON, ayon sa mga tagubilin ni David na hari ng Israel. At sila'y nag-awitan sa isa't isa na pinupuri at pinapasalamatan ang PANGINOON, “Sapagkat siya'y mabuti, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman sa Israel.” Ang buong bayan ay sumigaw nang malakas nang kanilang purihin ang PANGINOON, sapagkat ang pundasyon ng bahay ng PANGINOON ay nailagay na. Ngunit marami sa mga pari at mga Levita, at sa mga puno ng mga sambahayan, na mga matatandang nakakita sa unang bahay nang ito ay itayo, ang umiyak nang malakas nang kanilang nakita ang bahay, bagaman marami ang sumigaw nang malakas dahil sa kagalakan. Dahil dito, hindi makilala ng taong-bayan ang kaibahan ng ingay ng sigaw ng kagalakan sa ingay ng iyak ng bayan, sapagkat ang taong-bayan ay sumigaw nang malakas, at ang ingay ay narinig sa malayo.