EZEKIEL 33
33
Ang Tungkulin ng Bantay
(Ez. 3:16-21)
1At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2“Anak ng tao, magsalita ka sa iyong mga kababayan, at sabihin mo sa kanila, Kapag aking dinala ang tabak sa lupain, at ang taong-bayan ng lupain ay kumuha ng isang lalaki sa gitna nila bilang bantay nila;
3at kung makita ng bantay na dumarating ang tabak sa lupain at kanyang hipan ang trumpeta at bigyan ng babala ang taong-bayan;
4sinumang makarinig ng tunog ng trumpeta at hindi pinansin ang babala, at ang tabak ay dumating at mapatay siya, ang kanyang dugo ay mapapasa-kanyang sariling ulo.
5Narinig niya ang tunog ng trumpeta at hindi niya pinansin; ang kanyang dugo ay sasakanya. Ngunit kung kanyang pinansin, ay nailigtas sana niya ang kanyang buhay.
6Ngunit kung makita ng bantay na dumarating ang tabak at hindi humihip ng trumpeta, at ang taong-bayan ay hindi nabigyan ng babala, at ang tabak ay dumating, at pinatay ang sinuman sa kanila; ang taong iyon ay kinuha sa kanyang kasamaan, ngunit ang kanyang dugo ay sisingilin ko sa kamay ng bantay.
7“Kaya't ikaw, anak ng tao, inilagay kitang bantay sa sambahayan ni Israel; tuwing maririnig mo ang salita mula sa aking bibig, bigyan mo sila ng babala mula sa akin.
8Kapag aking sinabi sa masama, O masamang tao, ikaw ay tiyak na mamamatay, at ikaw ay hindi nagsalita upang bigyang babala ang masama sa kanyang lakad, ang masamang iyon ay mamamatay sa kanyang kasamaan, ngunit ang kanyang dugo ay sisingilin ko sa iyong kamay.
9Ngunit kung iyong bigyan ng babala ang masama upang tumalikod sa kanyang lakad at hindi siya tumalikod sa kanyang lakad, mamamatay siya sa kanyang kasamaan, ngunit iniligtas mo ang iyong buhay.
Tungkulin ng Bawat Isa
10“At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang iyong sinabi: ‘Ang aming mga pagsuway at mga kasalanan ay nasa amin, at nanghihina kami dahil sa mga ito; paano ngang kami ay mabubuhay?’
11Sabihin mo sa kanila, Kung paanong buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, wala akong kasiyahan sa kamatayan ng masama, kundi ang masama ay tumalikod sa kanyang lakad at mabuhay. Manumbalik kayo, manumbalik kayo mula sa inyong masasamang lakad; sapagkat bakit kayo mamamatay, O sambahayan ni Israel?
12At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa iyong bayan, Ang pagiging matuwid ng taong matuwid ay hindi makapagliligtas sa kanya sa araw ng kanyang pagsuway. At tungkol sa kasamaan ng taong masama, hindi siya mabubuwal sa pamamagitan niyon kapag siya'y tumalikod sa kanyang kasamaan; at ang matuwid ay hindi mabubuhay sa kanyang pagiging matuwid kapag siya'y nagkakasala.
13Bagaman aking sinabi sa matuwid na siya'y tiyak na mabubuhay; gayunma'y kung siya'y nagtitiwala sa kanyang pagiging matuwid at gumawa ng kasamaan, anuman sa kanyang matutuwid na gawa ay hindi aalalahanin; kundi sa kasamaan na kanyang nagawa ay mamamatay siya.
14Ngunit, bagaman aking sinabi sa masama, ‘Ikaw ay tiyak na mamamatay;’ ngunit kung iwan niya ang kanyang kasalanan, at gawin ang ayon sa katarungan at katuwiran;
15kung isauli ng masama ang sangla, ibalik ang kinuha sa pagnanakaw, at lumakad sa tuntunin ng buhay, na di gumagawa ng kasamaan, siya'y tiyak na mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.
16Wala sa alinman sa mga kasalanan na kanyang nagawa ang aalalahanin laban sa kanya; kanyang ginawa ang ayon sa katarungan at katuwiran; siya'y tiyak na mabubuhay.
17“Gayunma'y sinasabi ng iyong bayan, ‘Ang daan ng Panginoon ay hindi makatarungan;’ gayong ang kanilang daan ang hindi makatarungan.
18Kapag iniwan ng matuwid ang kanyang pagiging matuwid, at gumawa ng kasamaan, kanyang ikamamatay iyon.
19Kung tumalikod ang masama sa kanyang kasamaan, at gawin ang ayon sa katarungan at katuwiran, kanyang ikabubuhay iyon.
20Gayunma'y inyong sinasabi, ‘Ang daan ng Panginoon ay hindi makatarungan.’ O sambahayan ni Israel, aking hahatulan ang bawat isa sa inyo ayon sa kanyang mga lakad.”
Ang Pagbagsak ng Jerusalem
21Nang#2 Ha. 25:3-10; Jer. 39:2-8; 52:4-14 ikalimang araw ng ikasampung buwan ng ikalabindalawang taon ng ating pagkabihag, isang tao na nakatakas mula sa Jerusalem ang dumating sa akin, at nagsabi, “Ang lunsod ay bumagsak.”
22Ang kamay ng Panginoon ay sumaakin nang kinagabihan bago dumating ang nakatakas. At binuksan niya ang aking bibig kinaumagahan nang panahong dumating sa akin ang nakatakas. Kaya't ang aking bibig ay nabuksan at hindi na ako pipi.
Ang Kasamaan ng mga Tao
23Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
24“Anak ng tao, ang mga naninirahan sa mga gibang dakong iyon ng lupain ng Israel ay patuloy na nagsasabi, ‘Si Abraham ay iisa lamang, ngunit kanyang naging pag-aari ang lupain. Ngunit tayo'y marami; ang lupain ay tiyak na ibinigay sa atin upang angkinin!’
25Kaya't sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kayo'y nagsisikain ng lamang may dugo, at itinataas ninyo ang inyong mga mata sa inyong mga diyus-diyosan, at nagpapadanak ng dugo; inyo bang aariin ang lupain?
26Kayo'y nagtitiwala sa tabak, kayo'y gumagawa ng kasuklamsuklam, at dinudungisan ng bawat isa sa inyo ang asawa ng kanyang kapwa; inyo bang aariin ang lupain?
27Sabihin mo ang ganito sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kung paanong ako'y nabubuhay, tiyak na yaong mga nasa sirang dako ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak, at siyang nasa parang ay ibibigay ko sa mga hayop upang lamunin; at silang nasa mga muog at sa mga yungib ay mamamatay sa salot.
28Aking gagawing wasak at giba ang lupain, at ang kanyang palalong kapangyarihan ay magwawakas, at ang mga bundok ng Israel ay masisira anupa't walang daraan doon.
29Kung magkagayo'y malalaman nila na ako ang Panginoon, kapag aking ginawang wasak at giba ang lupain dahil sa lahat nilang kasuklamsuklam na ginawa.
Ang Bunga ng Pahayag ng Propeta
30“At tungkol sa iyo, anak ng tao, ang iyong bayan na sama-samang nag-uusap tungkol sa iyo sa tabi ng mga pader at sa mga pintuan ng mga bahay, na nagsasabi sa bawat isa sa kanyang kapatid, ‘Pumarito ka, at pakinggan mo kung ano ang salita na nanggagaling sa Panginoon.’
31Dumating sila sa iyo na gaya ng pagdating ng bayan, at sila'y nagsisiupo sa harapan mo na gaya ng aking bayan, at kanilang dinirinig ang iyong mga salita, ngunit hindi nila ginagawa. Sapagkat sa pamamagitan ng kanilang mga labi ay nagpapakita sila ng malaking pag-ibig, ngunit ang kanilang puso ay nasa kanilang pakinabang.
32Narito, ikaw ay parang umaawit sa kanila ng mga awit ng pag-ibig na may magandang tinig, nakatutugtog na mabuti sa panugtog; kanilang naririnig ang iyong sinasabi, ngunit hindi nila iyon gagawin.
33At kapag ito'y nangyari,—at ito'y darating—kanilang malalaman na isang propeta ang napasa gitna nila.”
Kasalukuyang Napili:
EZEKIEL 33: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001