EZEKIEL 32
32
Inihambing sa Buwaya ang Faraon
1Nang unang araw ng ikalabindalawang buwan ng ikalabindalawang taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2“Anak ng tao, managhoy ka dahil kay Faraong hari ng Ehipto, at sabihin mo sa kanya:
“Itinuturing mo ang iyong sarili bilang isang leon sa gitna ng mga bansa,
gayunman, ikaw ay parang dragon sa mga dagat;
at ikaw ay lumitaw sa iyong mga ilog,
at nilabo mo ng iyong mga paa ang tubig,
at dinumihan mo ang kanilang mga ilog.
3Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
Aking ilaladlad ang aking lambat sa iyo
na kasama ng isang pulutong ng maraming tao;
at iaahon ka nila sa aking lambat.
4At ihahagis kita sa lupa,
ihahagis kita sa malawak na parang,
at aking padadapuin sa iyo ang lahat ng mga ibon sa himpapawid,
at aking bubusugin sa iyo ang mga hayop ng buong lupa.
5At aking ilalagay ang iyong laman sa ibabaw ng mga bundok,
at pupunuin ko ang mga libis ng iyong mga kataasan.
6Aking didiligin ang lupain ng iyong dumadaloy na dugo
maging sa mga bundok;
at ang mga daan ng tubig ay mapupuno dahil sa iyo.
7Kapag#Isa. 13:10; Mt. 24:29; Mc. 13:24, 25; Lu. 21:25; Apoc. 6:12, 13; 8:12 ikaw ay aking inalis, aking tatakpan ang langit,
at padidilimin ko ang kanilang mga bituin;
aking tatakpan ng ulap ang araw,
at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag.
8Lahat na maningning na liwanag sa langit
ay aking padidilimin sa iyo,
at tatakpan ko ng kadiliman ang iyong lupain,
sabi ng Panginoong Diyos.
9“Aking guguluhin ang puso ng maraming bayan, kapag dinala kitang bihag sa gitna ng mga bansa, patungo sa mga lupain na hindi mo nalalaman.
10Dahil sa akin, ang maraming bayan ay mamamangha sa iyo, at ang kanilang mga hari ay lubhang matatakot sa iyo, kapag ikinumpas ko ang aking tabak sa harapan nila. Sila'y manginginig bawat sandali, bawat tao dahil sa kanyang sariling buhay, sa araw ng iyong pagbagsak.
11Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang tabak ng hari ng Babilonia ay darating sa iyo.
12Sa pamamagitan ng mga tabak ng makapangyarihan ay aking pababagsakin ang iyong karamihan, silang lahat na kakilakilabot sa mga bansa.
“Kanilang pawawalan ng halaga ang kapalaluan ng Ehipto,
at ang buong karamihan niyon ay malilipol.
13Aking lilipulin ang lahat ng mga hayop niyon
mula sa tabi ng maraming tubig;
at hindi sila guguluhin pa ng paa ng tao,
ni guguluhin man sila ng mga kuko ng mga hayop.
14Kung magkagayo'y aking palilinawin ang kanilang tubig,
at aking paaagusin ang kanilang mga ilog na parang langis, sabi ng Panginoong Diyos.
15Kapag aking ginawang giba ang lupain ng Ehipto,
at kapag ang lupain ay nawalan ng kanyang laman,
kapag aking sasaktan silang lahat na nagsisitahan doon,
kung magkagayon ay kanila ngang malalaman na ako ang Panginoon.
16Ito ang panaghoy na kanilang itataghoy; itataghoy ito ng mga anak na babae ng mga bansa; sa Ehipto, at sa lahat ng kanyang karamihan ay itataghoy nila ito, sabi ng Panginoong Diyos.”
Ang Daigdig ng mga Patay
17Nang ikalabinlimang araw ng unang buwan ng ikalabindalawang taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
18“Anak ng tao, iyakan mo ang karamihan ng Ehipto, at ibaba mo ito, siya at ang mga anak na babae ng mga makapangyarihang bansa, hanggang sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, na kasama ng mga bumaba sa hukay.
19‘Sinong dinadaig mo sa kagandahan?
Bumaba ka, at malagay kang kasama ng mga di-tuli.’
20Sila'y mabubuwal sa gitna nila na napatay ng tabak, at kasama niya ang lahat niyang karamihan.
21Ang mga makapangyarihang pinuno ay magsasalita tungkol sa kanila, na kasama ng mga tumulong sa kanila, mula sa gitna ng Sheol. ‘Sila'y nagsibaba, sila'y nakatigil, samakatuwid ay ang mga hindi tuli na napatay ng tabak.’
22“Ang Asiria ay naroon at ang buo niyang pulutong; ang kanyang mga libingan ay nasa palibot niya, silang lahat na napatay, na nabuwal sa pamamagitan ng tabak;
23na ang mga libingan ay nakalagay sa pinakamalalim na bahagi ng hukay, at ang kanyang pulutong ay nasa palibot ng kanyang libingan; silang lahat na napatay, na nabuwal sa pamamagitan ng tabak, na naghasik ng takot sa lupain ng buháy.
24“Naroon ang Elam at ang buo niyang karamihan sa palibot ng kanyang libingan; silang lahat na napatay na nabuwal sa pamamagitan ng tabak, na nagsibabang hindi mga tuli sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, na naghasik ng takot sa kanila sa lupain ng buháy, at dinala ang kanilang kahihiyan na kasama ng nagsibaba sa hukay.
25Kanilang iginawa ang Elam#32:25 Sa Hebreo ay ito. ng higaan sa gitna ng mga napatay na kasama ang lahat niyang karamihan, ang kanilang mga libingan ay nasa palibot niya, silang lahat na di-tuli na napatay sa pamamagitan ng tabak. Ang pagkatakot sa kanila ay ikinalat sa lupain ng buháy, at dinala nila ang kanilang kahihiyan na kasama ng mga bumaba sa hukay. Sila'y inilagay na kasama ng mga napatay.
26“Naroon ang Meshec at Tubal, at ang lahat nilang karamihan. Ang mga libingan nila ay nasa palibot niya, silang lahat na hindi tuli, na napatay sa pamamagitan ng tabak; sapagkat sila'y naghasik ng takot sa lupain ng buháy.
27At sila'y hindi humigang kasama ng makapangyarihang lalaki nang una na nabuwal na nagsibaba sa Sheol na dala ang kanilang mga sandatang pandigma, na ang kanilang mga tabak ay inilagay sa ilalim ng kanilang mga ulo, ngunit ang parusa para sa kanilang kasamaan ay nasa kanilang mga buto; sapagkat ang pagkatakot sa mga makapangyarihang lalaki ay nasa lupain ng buháy.
28Ngunit ikaw ay mabubuwal sa gitna ng mga di-tuli, kasama nila na napatay sa pamamagitan ng tabak.
29“Naroon ang Edom, ang kanyang mga hari at lahat niyang mga pinuno, na sa kanilang kapangyarihan ay nahiga na kasama ng napatay ng tabak. Sila'y humigang kasama ng mga di-tuli, at niyong nagsibaba sa hukay.
30“Naroon ang mga pinuno sa hilaga, silang lahat, at lahat ng mga taga-Sidon, sa kabila ng lahat ng takot na ibinunga ng kanilang kapangyarihan ay nagsibabang may kahihiyan na kasama ng patay. Sila'y nahigang hindi tuli na kasama ng napatay sa pamamagitan ng tabak, at taglay ang kanilang kahihiyan na kasama ng nagsibaba sa hukay.
31“Kapag nakita sila ni Faraon, aaliwin niya ang sarili dahil sa lahat niyang karamihan—si Faraon at ng buo niyang hukbo na napatay ng tabak, sabi ng Panginoong Diyos.
32Bagama't naghasik ako ng takot sa kanya sa lupain ng buháy; at siya'y ihihiga sa gitna ng mga di-tuli, na kasama ng napatay ng tabak, si Faraon at ang karamihan niya, sabi ng Panginoong Diyos.”
Kasalukuyang Napili:
EZEKIEL 32: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001