Iniunat ni Aaron ang kanyang kamay sa tubig sa Ehipto at ang mga palaka ay nag-ahunan at tinakpan ang lupain ng Ehipto.
Ngunit ang mga salamangkero ay gumawa ng gayundin sa pamamagitan ng kanilang mga lihim na karunungan at nagpaahon ng mga palaka sa lupain ng Ehipto.
Nang magkagayo'y tinawag ni Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Pakiusapan ninyo ang PANGINOON na alisin ang mga palaka sa akin at sa aking bayan, at aking papayagang umalis ang bayan upang sila'y makapaghandog sa PANGINOON.”
Sinabi ni Moises kay Faraon, “Pakisabi mo sa akin kung kailan ako makikiusap para sa iyo, sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan upang ang mga palaka ay maalis mula sa iyo at sa inyong mga bahay, at manatili na lamang sa Nilo.”
Kanyang sinabi, “Bukas.” Sinabi ni Moises, “Mangyayari ayon sa iyong salita upang iyong malaman na walang tulad ng PANGINOON naming Diyos.
Ang mga palaka ay aalis sa iyo at sa iyong mga bahay, sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan; mananatili na lamang sila sa Nilo.”
Kaya't sina Moises at Aaron ay umalis sa harapan ni Faraon; at si Moises ay nanawagan sa PANGINOON tungkol sa mga palaka na kanyang dinala kay Faraon.
Ginawa ng PANGINOON ang ayon sa salita ni Moises; at ang mga palaka ay namatay sa mga bahay, sa mga looban at sa mga kabukiran.
Kanilang tinipon ang mga ito nang buntun-bunton at ang lupain ay bumaho.
Ngunit nang makita ni Faraon na nagkaroon ng sandaling ginhawa, pinagmatigas niya ang kanyang puso, at hindi niya dininig sila, gaya ng sinabi ng PANGINOON.
Pagkatapos, sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron; ‘Iunat mo ang iyong tungkod, at hampasin mo ang alabok ng lupa, upang ito ay maging mga kuto sa buong lupain ng Ehipto.’”
Gayon ang ginawa nila. Iniunat ni Aaron ang kanyang kamay hawak ang kanyang tungkod, at hinampas ang alabok ng lupa, at nagkaroon ng kuto sa tao at sa hayop. Ang lahat ng alabok ng lupa ay naging mga kuto sa buong lupain ng Ehipto.
Ang mga salamangkero ay nagsikap sa pamamagitan ng kanilang mga lihim na kaalaman na magpalabas ng mga kuto, ngunit hindi nila nagawa. Kaya't nagkaroon ng kuto sa tao at sa hayop.
Nang magkagayo'y sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Ito ay daliri ng Diyos.” Ngunit ang puso ni Faraon ay nagmatigas at hindi niya pinakinggan sila, gaya nang sinabi ng PANGINOON.
Pagkatapos ay sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Bumangon ka nang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harapan ni Faraon habang siya ay patungo sa tubig, at sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng PANGINOON, “Pahintulutan mong umalis ang aking bayan upang sila'y makasamba sa akin.
Sapagkat kung hindi mo papayagang umalis ang aking bayan ay magsusugo ako ng pulu-pulutong na langaw sa iyo, sa iyong mga lingkod, sa iyong bayan, at sa loob ng inyong mga bahay. Ang mga bahay ng mga Ehipcio ay mapupuno ng pulu-pulutong na langaw, at gayundin ang lupang kinaroroonan nila.
Subalit aking ibubukod sa araw na iyon ang lupain ng Goshen na tinitirhan ng aking bayan, upang huwag magkaroon doon ng pulu-pulutong na langaw, upang iyong malaman na ako ang PANGINOON sa lupaing ito.
Lalagyan ko ng pagkakaiba ang aking bayan at ang iyong bayan. Kinabukasan, mangyayari ang tandang ito.” ’ ”
Gayon ang ginawa ng PANGINOON, at pumasok ang pulu-pulutong na langaw sa bahay ng Faraon, sa bahay ng kanyang mga lingkod; at sa buong lupain ng Ehipto ay nasira ang lupain dahil sa mga pulu-pulutong na langaw.
Pagkatapos, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Humayo kayo, maghandog kayo sa inyong Diyos sa loob ng lupain.”
Ngunit sinabi ni Moises, “Hindi tama na gayon ang aming gawin, sapagkat aming iaalay sa PANGINOON naming Diyos ang mga handog na karumaldumal sa mga Ehipcio. Kung ihahandog ba namin ang mga handog na karumaldumal sa mga Ehipcio sa harap ng kanilang paningin, hindi ba nila kami babatuhin?
Kami ay hahayo sa tatlong araw na paglalakbay sa ilang at maghahandog sa PANGINOON naming Diyos, ayon sa kanyang ipag-uutos sa amin.”
Kaya't sinabi ni Faraon, “Papayagan kong umalis kayo upang kayo'y makapaghandog sa PANGINOON ninyong Diyos sa ilang. Huwag lamang kayong masyadong lalayo. Idalangin ninyo ako.”
Sinabi ni Moises, “Pagkaalis ko sa harapan mo ay aking hihilingin sa PANGINOON na bukas ay umalis ang mga pulu-pulutong na langaw mula sa Faraon, sa kanyang mga lingkod, at sa kanyang bayan; ngunit huwag nang mandaya pang muli ang Faraon sa hindi pagpayag na humayo ang bayan upang maghandog sa PANGINOON.”
Kaya't iniwan ni Moises ang Faraon at nanalangin sa PANGINOON.
Ginawa ng PANGINOON ang ayon sa salita ni Moises: inalis niya ang mga pulu-pulutong na langaw mula sa Faraon, sa kanyang mga lingkod, at sa kanyang bayan; walang natira kahit isa.
Ngunit pinatigas na muli ng Faraon ang kanyang puso at hindi pinayagang umalis ang taong-bayan.