Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodus 8:6-32

Exodus 8:6-32 ASND

Kaya iniunat ni Aaron ang kanyang baston sa mga tubig ng Egipto, at lumabas ang mga palaka at napuno ang buong Egipto. Pero ginawa rin ito ng mga salamangkero sa pamamagitan ng kanilang salamangka. Napalabas din nila ang mga palaka sa tubig ng Egipto. Ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron, at sinabi sa kanila, “Manalangin kayo sa PANGINOON na tanggalin niya ang mga palakang ito sa aking bansa, at paaalisin ko ang mga kababayan nʼyo para makapaghandog sila sa PANGINOON.” Sinabi ni Moises sa Faraon, “Sabihin mo sa akin kung kailan ako mananalangin para sa inyo, sa mga opisyal at sa mga mamamayan mo, para mawala ang mga palakang ito sa inyo at sa mga bahay ninyo. At ang matitira na lang na palaka ay ang mga nasa Ilog ng Nilo.” Sumagot ang Faraon, “Ipanalangin mo ako bukas.” Sinabi ni Moises, “Matutupad ito ayon sa sinabi nʼyo, para malaman nʼyo na walang ibang katulad ng PANGINOON naming Dios. Mawawala ang lahat ng palaka sa inyo maliban sa nasa Ilog ng Nilo.” Pag-alis nila Moises at Aaron sa harap ng Faraon, nanalangin si Moises sa PANGINOON na alisin na ang mga palaka na ipinadala niya sa Egipto. At ginawa ng PANGINOON ang ipinakiusap ni Moises. Namatay ang mga palaka sa mga bahay, mga hardin at sa mga bukid. Tinipon ito ng mga Egipcio at ibinunton, dahil ditoʼy bumaho ang buong Egipto. Pero nang makita ng Faraon na wala na ang mga palaka, nagmatigas na naman siya, at ayaw niyang makinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng PANGINOON. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na ihampas niya ang kanyang baston sa lupa, at magiging lamok ang mga alikabok sa buong lupain ng Egipto.” Sinunod nila ito, kaya nang hampasin ni Aaron ng kanyang baston ang lupa, naging lamok ang mga alikabok sa buong lupain ng Egipto. At dumapo ang mga ito sa mga tao at mga hayop. Tinangka rin ng mga salamangkero na gayahin ito sa pamamagitan ng kanilang salamangka pero nabigo sila. Patuloy na nagsidapo ang mga lamok sa mga tao at mga hayop. Sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Ang Dios ang may gawa nito!” Pero matigas pa rin ang puso ng Faraon, at hindi siya nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng PANGINOON. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Bumangon ka nang maaga bukas at abangan mo ang Faraon habang papunta siya sa ilog. Sabihin mo sa kanya na ito ang sinasabi ko, ‘Paalisin mo ang mga mamamayan ko para makasamba sila sa akin. Kung hindi mo sila paaalisin, padadalhan kita ng maraming langaw, pati na ang mga opisyal at mga mamamayan mo. Mapupuno ng mga langaw ang mga bahay ninyo, at matatabunan ng mga ito ang lupa. Pero hindi ito mararanasan sa lupain ng Goshen kung saan naninirahan ang mga mamamayan ko; hindi dadapo ang mga langaw sa lugar na iyon, para malaman nila na akong PANGINOON ay nasa lupaing iyon. Hindi magiging pareho ang trato ko sa mga mamamayan ko at sa iyong mga mamamayan. Ang himalang ito ay mangyayari bukas.’ ” Nagpadala nga ang PANGINOON ng maraming langaw sa palasyo ng Faraon at sa mga bahay ng kanyang mga opisyal, at naminsala ang mga ito sa buong lupain ng Egipto. Kaya ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron, at sinabi, “Sige, maghandog na kayo sa Dios ninyo, pero rito lang sa Egipto.” Sumagot si Moises, “Hindi pwedeng dito kami maghandog sa Egipto, dahil ang mga handog namin sa PANGINOON naming Dios ay kasuklam-suklam sa mga Egipcio. At kung maghahandog kami ng mga handog na kasuklam-suklam sa kanila, siguradong babatuhin nila kami. Kailangang umalis kami ng tatlong araw papunta sa ilang para maghandog sa PANGINOON naming Dios, gaya ng iniutos niya sa amin.” Sinabi ng Faraon, “Papayagan ko kayong maghandog sa PANGINOON na inyong Dios sa ilang pero huwag kayong lalayo. Ngayon, ipanalangin ninyo ako.” Sumagot si Moises, “Pag-alis ko rito, mananalangin ako sa PANGINOON. At bukas, mawawala ang mga langaw sa inyo, at sa mga opisyal at mamamayan mo. Pero siguraduhin mo na hindi mo na kami lolokohing muli at pipigilang umalis para maghandog sa PANGINOON.” Umalis sila Moises at nanalangin sa PANGINOON, at ginawa ng PANGINOON ang pakiusap ni Moises. Umalis ang mga langaw sa lahat ng Egipcio. Walang natira kahit isa. Pero nagmatigas pa rin ang Faraon at hindi niya pinaalis ang mga Israelita.