Si Moises ay sumagot at nagsabi, “Ngunit hindi nila ako papaniwalaan o papakinggan man sapagkat kanilang sasabihin, ‘Ang PANGINOON ay hindi nagpakita sa iyo.’”
Sinabi naman sa kanya ng PANGINOON, “Ano iyang nasa iyong kamay?” Kanyang sinabi, “Isang tungkod.”
Kanyang sinabi, “Ihagis mo sa lupa.” Kanyang inihagis ito sa lupa at ito'y naging isang ahas. Si Moises ay lumayo sa ahas.
Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay at hawakan mo sa buntot.” Kanyang iniunat ang kanyang kamay, kanyang hinawakan, at naging isang tungkod sa kanyang kamay.
“Nangyari ito upang sila'y maniwala na ang PANGINOON, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob ay nagpakita sa iyo.”
Sinabi pa sa kanya ng PANGINOON, “Ipasok mo ang iyong kamay sa iyong dibdib.” Kanyang ipinasok ang kamay niya sa kanyang dibdib at nang kanyang ilabas, ang kanyang kamay ay ketongin, maputing parang niyebe.
Sinabi ng Diyos, “Ipasok mo uli ang iyong kamay sa iyong dibdib.” Kanyang muling ipinasok ang kamay niya sa kanyang dibdib at nang kanyang ilabas sa kanyang dibdib, nanumbalik ito gaya ng iba niyang laman.
“Kung sila'y hindi maniwala sa iyo, ni makinig sa unang tanda, kanilang paniniwalaan ang huling tanda.
Kung sila'y hindi maniwala sa dalawang tandang ito, ni hindi makinig sa iyo, kukuha ka ng tubig mula sa Nilo at iyong ibubuhos sa tuyong lupa. At ang tubig na iyong kukunin mula sa Nilo ay magiging dugo sa tuyong lupa.”
Ngunit sinabi ni Moises sa PANGINOON, “O Panginoon, ako'y hindi mahusay magsalita, mula pa noon o kahit na mula nang magsalita ka sa iyong lingkod; sapagkat ako'y makupad sa pananalita at umid ang dila.”
Sinabi sa kanya ng PANGINOON, “Sino bang gumawa ng bibig ng tao? O sinong gumagawa ng pipi, o bingi, o may paningin, o bulag sa tao? Hindi ba akong PANGINOON?
Kaya ngayon ay humayo ka, ako'y sasaiyong bibig at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasabihin.”