Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 4

4
Ang mga Tanda at Pangako
1Si Moises ay sumagot at nagsabi, “Ngunit hindi nila ako papaniwalaan o papakinggan man sapagkat kanilang sasabihin, ‘Ang Panginoon ay hindi nagpakita sa iyo.’”
2Sinabi naman sa kanya ng Panginoon, “Ano iyang nasa iyong kamay?” Kanyang sinabi, “Isang tungkod.”
3Kanyang sinabi, “Ihagis mo sa lupa.” Kanyang inihagis ito sa lupa at ito'y naging isang ahas. Si Moises ay lumayo sa ahas.
4Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay at hawakan mo sa buntot.” Kanyang iniunat ang kanyang kamay, kanyang hinawakan, at naging isang tungkod sa kanyang kamay.
5“Nangyari ito upang sila'y maniwala na ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob ay nagpakita sa iyo.”
6Sinabi pa sa kanya ng Panginoon, “Ipasok mo ang iyong kamay sa iyong dibdib.” Kanyang ipinasok ang kamay niya sa kanyang dibdib at nang kanyang ilabas, ang kanyang kamay ay ketongin, maputing parang niyebe.
7Sinabi ng Diyos, “Ipasok mo uli ang iyong kamay sa iyong dibdib.” Kanyang muling ipinasok ang kamay niya sa kanyang dibdib at nang kanyang ilabas sa kanyang dibdib, nanumbalik ito gaya ng iba niyang laman.
8“Kung sila'y hindi maniwala sa iyo, ni makinig sa unang tanda, kanilang paniniwalaan ang huling tanda.
9Kung sila'y hindi maniwala sa dalawang tandang ito, ni hindi makinig sa iyo, kukuha ka ng tubig mula sa Nilo at iyong ibubuhos sa tuyong lupa. At ang tubig na iyong kukunin mula sa Nilo ay magiging dugo sa tuyong lupa.”
10Ngunit sinabi ni Moises sa Panginoon, “O Panginoon, ako'y hindi mahusay magsalita, mula pa noon o kahit na mula nang magsalita ka sa iyong lingkod; sapagkat ako'y makupad sa pananalita at umid ang dila.”
11Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Sino bang gumawa ng bibig ng tao? O sinong gumagawa ng pipi, o bingi, o may paningin, o bulag sa tao? Hindi ba akong Panginoon?
12Kaya ngayon ay humayo ka, ako'y sasaiyong bibig at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasabihin.”
13Ngunit kanyang sinabi, “O Panginoon, iba na ang iyong suguin.”
14Ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban kay Moises at kanyang sinabi, “Wala ba si Aaron, ang kapatid mong Levita? Alam kong siya'y nakakapagsalitang mabuti. Siya'y dumarating upang salubungin ka. Pagkakita niya sa iyo ay matutuwa ang kanyang puso.
15Ikaw ay magsasalita sa kanya at iyong ilalagay sa kanyang bibig ang mga salita; at ako'y sasaiyong bibig at sasakanyang bibig. Aking ituturo sa inyo kung ano ang inyong gagawin.
16Siya ang magiging tagapagsalita mo sa mga tao; siya'y magiging bibig para sa iyo at ikaw ay magiging parang Diyos sa kanya.
17Dadalhin mo sa iyong kamay ang tungkod na ito na gagamitin mo sa paggawa ng mga tanda.”
Nagbalik si Moises sa Ehipto
18Si Moises ay bumalik kay Jetro na kanyang biyenan at nagsabi sa kanya, “Pahintulutan mo akong bumalik sa aking mga kapatid sa Ehipto at titingnan ko kung sila'y buháy pa.” Sinabi ni Jetro kay Moises, “Humayo kang payapa.”
19Sinabi ng Panginoon kay Moises sa Midian, “Humayo ka, bumalik ka sa Ehipto; sapagkat patay na ang lahat ng tao na nagtatangka sa iyong buhay.”
20Kaya't isinama ni Moises ang kanyang asawa at ang kanyang mga anak; kanyang pinasakay sila sa isang asno at siya'y bumalik sa lupain ng Ehipto. Dinala ni Moises ang tungkod ng Diyos sa kanyang kamay.
21Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pagkabalik mo sa Ehipto, iyong gawin sa harap ng Faraon ang lahat ng kababalaghan na aking ipinagkatiwala sa iyong kamay. Ngunit aking papatigasin ang kanyang puso at hindi niya papayagang umalis ang bayan.
22Iyong sasabihin sa Faraon, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Israel ang aking panganay na anak,
23at#Exo. 12:29 aking sinasabi sa iyo, “Pahintulutan mong umalis ang aking anak upang siya'y makasamba sa akin.” Kung ayaw mo siyang paalisin, aking papatayin ang iyong anak na panganay.’”
24Sa daan, sa isang lugar na pinagpalipasan nila ng gabi, sinalubong siya ng Panginoon at tinangka siyang patayin.
25Ngunit kumuha si Zifora ng isang batong matalim, pinutol ang balat sa ari ng kanyang anak na lalaki at ipinahid sa mga paa ni Moises. Kanyang sinabi, “Tunay na ikaw ay isang asawa sa dugo sa akin.”
26Sa gayo'y kanyang binitiwan siya. Nang magkagayo'y kanyang sinabi, “Ikaw ay isang asawa sa dugo sa akin, sa pamamagitan ng pagtutuli.”
Sinalubong ni Aaron si Moises
27Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Pumaroon ka sa ilang upang salubungin si Moises.” Siya'y pumaroon at kanyang nasalubong si Moises sa bundok ng Diyos, at kanyang hinagkan ito.
28Isinalaysay ni Moises kay Aaron ang lahat ng salita ng Panginoon na ipinagbilin sa kanya na sabihin, at ang lahat ng mga tandang ipinagbilin sa kanyang gawin.
29Sina Moises at Aaron ay naparoon at tinipon ang lahat ng matatanda sa mga anak ni Israel.
30Sinabi ni Aaron ang lahat ng salita na sinabi ng Panginoon kay Moises at ginawa ang mga tanda sa harap ng taong-bayan.
31Ang taong-bayan ay naniwala at nang kanilang marinig na dinalaw ng Panginoon ang mga anak ni Israel at kanyang nakita ang kanilang paghihirap, sila'y yumukod at sumamba.

Kasalukuyang Napili:

EXODO 4: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya