EXODO 37
37
1Ginawa ni Bezaleel ang kaban na yari sa kahoy na akasya; dalawang siko at kalahati ang haba niyon, at isang siko't kalahati ang luwang at may isang siko at kalahati ang taas niyon.
2Kanyang binalot iyon ng lantay na ginto sa loob at sa labas, at iginawa ng isang moldeng ginto sa palibot.
3Naghulma siya para dito ng apat na argolyang ginto, sa apat na sulok niyon; dalawang argolya sa isang tagiliran, at dalawang argolya sa kabilang tagiliran.
4Siya'y gumawa ng mga pasanang kahoy na akasya, at binalutan ang mga ito ng ginto.
5Isinuot niya ang mga pasanan sa mga argolya, sa mga tagiliran ng kaban, upang mabuhat ang kaban.
6Gumawa rin siya ng isang luklukan ng awa na lantay na ginto na dalawang siko at kalahati ang haba, at isang siko at kalahati ang luwang.
7Siya'y gumawa ng dalawang kerubing yari sa pinitpit na ginto; sa dalawang dulo ng luklukan ng awa niya ginawa ang mga ito,
8isang kerubin sa isang dulo, at isang kerubin sa kabilang dulo; na kaisang piraso ng luklukan ng awa ginawa niya ang mga kerubin sa dalawang dulo.
9Ibinubuka ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak paitaas, na nalililiman ng kanilang mga pakpak ang luklukan ng awa, magkakaharap ang kanilang mga mukha; nakaharap sa dakong luklukan ng awa ang mga mukha ng mga kerubin.
Ang Paggawa ng Hapag
(Exo. 25:23-30)
10Ginawa rin niya ang hapag na yari sa kahoy na akasya, na dalawang siko ang haba at isang siko ang luwang at isang siko at kalahati ang taas niyon.
11Binalot niya iyon ng lantay na ginto, at iginawa niya ng isang moldeng ginto sa palibot.
12Iginawa niya iyon ng isang gilid na isang dangkal ang luwang sa palibot, at iginawa ng isang moldeng ginto ang gilid sa palibot.
13Naghulma siya para doon ng apat na argolyang ginto at inilagay ang mga argolya sa apat na sulok na ukol sa apat na paa niyon.
14Malapit sa gilid ang mga argolya, na daraanan ng mga pasanan upang mabuhat ang hapag.
15Ginawa niya ang mga pasanang kahoy na akasya at binalot ng ginto, upang mabuhat ang hapag.
16At ginawa niyang lantay na ginto ang mga kasangkapang nasa ibabaw ng hapag, ang mga pinggan niyon at ang mga kutsaron niyon, at ang mga tasa niyon, at ang mga kopa niyon na ginagamit sa inuming handog.
Ang Paggawa ng Ilawan
(Exo. 25:31-40)
17Kanya ring ginawa ang ilawan na lantay na ginto. Ang patungan at ang haligi ng ilawan ay ginawa sa pinitpit na metal; ang mga kopa niyon, ang mga usbong, at ang mga bulaklak niyon ay iisang piraso.
18May anim na sangang lumalabas sa mga tagiliran niyon; ang tatlong sanga ng ilawan ay sa isang tagiliran, at ang tatlong sanga ng ilawan ay sa kabilang tagiliran;
19tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa isang sanga, isang usbong at bulaklak; at tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa kabilang sanga, isang usbong at isang bulaklak—gayon nga sa anim na sangang lumalabas sa ilawan.
20At sa ilawan mismo ay may apat na kopang anyong bulaklak ng almendro, kasama ang mga usbong niyon, at ng mga bulaklak niyon,
21at isang usbong na kakabit niyon sa ilalim ng bawat pares na sanga na lumalabas doon.
22Ang mga usbong at ang mga sanga ay iisang piraso ng ilawan; ang kabuuan nito ay isang piraso na yari sa pinitpit na lantay na ginto.
23Kanyang ginawa ang pitong ilawan niyon, at ang mga sipit at ang mga pinggan niyon, na lantay na ginto.
24Ginawa niya iyon at ang lahat ng mga kasangkapan niyon mula sa isang talentong lantay na ginto.
Ang Paggawa ng Dambana ng Insenso
(Exo. 30:1-5)
25At kanyang ginawa ang dambana ng insenso na yari sa kahoy na akasya; isang siko ang haba at isang siko ang luwang niyon; parisukat iyon, at dalawang siko ang taas; ang mga sungay niyon ay kaisang piraso niyon.
26Kanyang binalot iyon ng lantay na ginto, ang ibabaw niyon, at ang mga tagiliran niyon sa palibot, ang mga sungay niyon at kanyang iginawa ng isang moldeng ginto sa palibot.
27Iginawa niya iyon ng dalawang gintong argolya sa ilalim ng molde, sa dakong itaas ng dalawang panig, sa ibabaw ng dalawang panig, na pagsusuotan ng mga pasanan upang mabuhat.
28Gumawa siya ng mga pasanang kahoy na akasya, at binalot ang mga ito ng ginto.
29Ginawa#Exo. 30:22-38 rin niya ang banal na langis na pambuhos, at ang purong mabangong insenso ayon sa timpla ng manggagawa ng pabango.
Kasalukuyang Napili:
EXODO 37: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001