Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 36

36
1Sina Bezaleel at Aholiab at lahat ng mahuhusay na lalaki na pinagkalooban ng Panginoon ng kakayahan at katalinuhan na malaman kung paanong gumawa ng lahat ng gawain sa pagtatayo ng santuwaryo ay gagawa ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon.”
Ang mga Handog ay Tinanggap
2Tinawag ni Moises sina Bezaleel at Aholiab, at lahat ng marurunong na pinagkalooban ng Panginoon ng kakayahan, lahat ng may pusong napukaw na pumaroon upang gawin ang gawain;
3at kanilang tinanggap mula kay Moises ang lahat ng handog na dinala ng mga anak ni Israel na magagamit sa gawang paglilingkod sa santuwaryo upang gawin. Kanilang patuloy silang dinalhan ng kusang handog tuwing umaga,
4kaya't dumating ang lahat ng mga taong may kakayahan na gumagawa ng lahat na gawain sa santuwaryo, na bawat isa'y mula sa kanyang gawain na kanyang ginagawa,
5at kanilang sinabi kay Moises, “Ang bayan ay nagdadala nang higit kaysa kailangan sa gawaing iniutos ng Panginoon na ating gawin.”
6Kaya't si Moises ay nagbigay ng utos at ipinahayag nila sa buong kampo na sinasabi, “Huwag nang gumawa ang lalaki o babae man ng anumang higit pa para sa handog sa santuwaryo.” Kaya't pinigilan ang taong-bayan sa pagdadala;
7sapagkat ang nadala nila ay sapat na sa paggawa ng lahat ng gagawin, at higit pa.
Ang Paggawa ng Tabing
(Exo. 26:1-37)
8Lahat ng mga bihasang lalaki sa mga manggagawa ay gumawa ng tabernakulo na may sampung tabing; gawa ang mga ito sa hinabing pinong lino, asul, kulay-ube, at pulang tela na may mga kerubin na ginawa ng bihasang manggagawa.
9Ang haba ng bawat tabing ay dalawampu't walong siko, at ang luwang ng bawat tabing ay apat na siko; lahat ng tabing ay magkakapareho ang sukat.
10Pinagkabit-kabit niya ang limang tabing at ang iba pang limang tabing ay pinagkabit-kabit niya.
11Siya'y gumawa ng mga silong asul sa gilid ng tabing, sa gilid ng pinakadulong tabing ng unang pangkat, gayundin ang ginawa niya sa mga gilid ng tabing na nasa dulo ng ikalawang pangkat.
12Limampung silo ang ginawa niya sa isang tabing, at limampung silo ang ginawa niya sa gilid ng tabing na nasa ikalawang pangkat: ang mga silo ay magkakatapat sa isa't isa.
13Siya'y gumawa ng limampung kawit na ginto, at pinagdugtong ang mga tabing sa isa't isa sa pamamagitan ng mga kawit; sa gayo'y naging isa ang tabernakulo.
14Gumawa rin siya ng mga tabing na balahibo ng mga kambing para sa tolda na nasa ibabaw ng tabernakulo; labing-isang tabing ang ginawa niya.
15Ang haba ng bawat tabing ay tatlumpung siko, at apat na siko ang luwang ng bawat tabing; ang labing-isang tabing ay magkakapareho ng sukat.
16Kanyang pinagdugtong ang limang tabing at ang anim na tabing ay bukod.
17Siya'y gumawa ng limampung silo sa gilid ng unang tabing, na nasa dulo ng pagkakadugtong, at limampung silo ang ginawa niya sa gilid ng tabing na nasa dulo ng ikalawang pagkakadugtong.
18Siya'y gumawa ng limampung kawit na tanso upang pagdugtung-dugtungin ang tolda, upang ang mga iyon ay maging isa.
19Siya'y gumawa ng isang pantakip sa tolda na balat ng mga tupa na kinulayan ng pula, at ng isang takip na balat ng kambing sa ibabaw.
Ang Paggawa ng Tabla at Biga; ng Lambong; at ng Kaban
20Siya'y gumawa ng mga patayong haliging yari sa kahoy na akasya para sa tabernakulo.
21Sampung siko ang haba ng isang haligi, at isang siko't kalahati ang luwang ng bawat haligi.
22Bawat haligi ay mayroong dalawang mitsa na nagdudugtong sa isa't isa; gayon ang ginawa niya sa lahat ng haligi ng tabernakulo.
23At kanyang iginawa ng mga haligi ang tabernakulo: dalawampung haligi sa gawing timog;
24at siya'y gumawa ng apatnapung patungang pilak sa ilalim ng dalawampung haligi: dalawang patungan sa ilalim ng isang tabla na ukol sa kanyang dalawang mitsa; at dalawang tuntungan sa ilalim ng isang tabla na ukol sa kanyang dalawang mitsa.
25Sa ikalawang panig ng tabernakulo sa dakong hilaga ay gumawa siya ng dalawampung haligi.
26At ng kanilang apatnapung patungang pilak; dalawang patungan sa ilalim ng isang haligi, at dalawang patungan sa ilalim ng ibang haligi.
27At sa dakong hulihan, sa gawing kanluran ng tabernakulo ay gumawa siya ng anim na haligi.
28Dalawang haligi ang ginawa niya para sa mga sulok ng tabernakulo sa dakong hulihan.
29At ang mga iyon ay magkahiwalay sa ilalim ngunit magkakabit at nauugnay na mainam sa itaas, sa unang argolya. Gayon ang ginawa niya sa dalawa para sa dalawang sulok.
30Mayroong walong tabla at ang mga patungang pilak ay labing-anim na patungan; sa ilalim ng bawat tabla ay may dalawang patungan.
31At siya'y gumawa ng mga bigang kahoy na akasya; lima sa mga tabla ng isang panig ng tabernakulo,
32at limang biga sa mga tabla ng kabilang panig ng tabernakulo, at limang biga sa mga tabla ng tabernakulo sa dakong hulihan pakanluran.
33Kanyang pinaraan ang gitnang biga sa gitna ng mga tabla, mula sa isang dulo hanggang sa kabila.
34Kanyang binalot ang mga tabla ng ginto, at gumawa ng mga gintong argolya na mga daraanan ng mga biga, at binalot ang mga biga ng ginto.
35Kanyang ginawa ang lambong na telang asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino na may mga kerubin na gawa ng bihasang manggagawa.
36At kanyang iginawa iyon ng apat na haliging akasya, at binalot ang mga ito ng ginto, ang kanilang mga kawit ay ginto rin at naghulma siya para sa mga ito ng apat na patungang pilak.
37Kanya ring iginawa ng tabing ang pintuan ng tolda ng telang asul, kulay-ube at pula, hinabing pinong lino, na ginawa ng mambuburda;
38at iginawa niya ng limang haligi kasama ang kanilang mga kawit. Kanyang binalot ang mga kapitel at ang kanilang mga pilete ng ginto; at ang kanilang limang patungan ay tanso.

Kasalukuyang Napili:

EXODO 36: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in