EXODO 35
35
Ang Batas Ukol sa Sabbath
1Tinipon ni Moises ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel, at sinabi sa kanila, “Ito ang mga salita na iniutos ng Panginoon na inyong gagawin.
2Anim#Exo. 20:8-11; 23:12; 31:15; 34:21; Lev. 23:3; Deut. 5:12-14 na araw na gagawin ang gawain, subalit ang ikapitong araw ay banal na Sabbath na taimtim na pagpapahinga sa Panginoon; sinumang gumawa ng anumang gawa sa araw na iyon ay papatayin.
3Huwag kayong magpapaningas ng apoy sa lahat ng inyong tinitirhan sa araw ng Sabbath.”
Handog at mga Manggagawa sa Tabernakulo
(Exo. 25:1-9)
4Sinabi ni Moises sa buong sambayanan ng mga anak ni Israel, “Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon:
5Kumuha kayo sa inyo ng isang handog para sa Panginoon; sinumang may mapagbigay na puso ay magdala ng handog sa Panginoon: ginto, pilak, at tanso;
6lanang asul, kulay-ube at pula; hinabing pinong lino; balahibo ng kambing,
7mga balat ng tupang lalaki na kinulayan ng pula, mga balat ng kambing; at kahoy na akasya,
8langis para sa ilaw, mga pabango para sa langis na pambuhos at para sa mabangong insenso,
9at mga batong onix, at mga batong pang-enggaste, para sa efod at para sa pektoral.
10“Ang bawat taong may kakayahan sa inyo ay pumarito, at gawin ang lahat ng iniutos ng Panginoon:
11ang tabernakulo, ang tolda at ang takip niyon, ang mga kawit at ang mga tabla niyon, ang mga biga, ang mga haligi at ang mga patungan niyon;
12ang kaban kasama ang mga pasanan niyon, ang luklukan ng awa, at ang tabing;
13ang hapag kasama ang mga pasanan niyon, at ang lahat ng kasangkapan niyon at ang tinapay na handog;
14ang ilawan din para sa ilaw, kasama ang mga kasangkapan at ang mga ilawan niyon, at ang langis para sa ilaw;
15at ang dambana ng insenso, kasama ang mga pasanan niyon, ang langis na pambuhos, ang mabangong insenso, at ang tabing para sa pintuan na nasa pasukan ng tabernakulo;
16ang dambana ng handog na sinusunog, at ang parilyang tanso niyon, ang mga pasanan niyon, lahat ng mga kasangkapan niyon, ang hugasan at ang patungan niyon.
17Ang mga tabing sa bulwagan, ang mga haligi at ang mga patungan ng mga iyon, at ang tabing sa pasukan ng bulwagan;
18ang mga tulos ng tabernakulo, ang mga tulos ng bulwagan, at ang mga lubid ng mga iyon;
19ang mga kasuotang ginawang mainam para sa pangangasiwa sa dakong banal, ang mga banal na kasuotan para kay Aaron na pari, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak, para sa kanilang paglilingkod bilang mga pari.”
20Pagkatapos, ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel ay umalis sa harap ni Moises.
21At sila'y dumating, ang lahat ng taong napukaw ang kalooban, at lahat ng pinakilos ng kanyang espiritu at nagdala ng handog sa Panginoon upang gamitin sa toldang tipanan, at para sa lahat ng paglilingkod doon at para sa mga banal na kasuotan.
22Kaya't sila'y naparoon, mga lalaki at mga babae, ang lahat na mayroong kusang loob, at nagdala ng mga aspile, mga hikaw, mga singsing na pantatak, mga pulseras, at sari-saring alahas na ginto; samakatuwid, lahat na nag-alay ng handog na ginto sa Panginoon.
23At bawat taong may telang asul, o kulay-ube, o pula, o pinong lino, o balahibo ng mga kambing, o balat ng mga tupa na kinulayan ng pula, o mga balat ng kambing ay nagdala ng mga iyon.
24Ang lahat na nakapaghandog ng handog na pilak at tanso ay nagdala ng handog sa Panginoon at lahat ng taong may kahoy na akasya na magagamit sa anumang gawain ay nagdala nito.
25Lahat ng mga babaing may kakayahan ay naghabi sa pamamagitan ng kanilang mga kamay, at dinala ang kanilang mga hinabi na telang asul, kulay-ube at pula, at hinabing pinong lino.
26Lahat ng mga babae na ang mga puso ay pinakilos na may kakayahan ay naghabi ng balahibo ng kambing.
27At ang mga pinuno ay nagdala ng mga batong onix, mga batong pang-enggaste para sa efod at sa pektoral,
28ng mga pabango at langis para sa ilawan at para sa langis na pambuhos, at para sa mabangong insenso.
29Lahat ng lalaki at babae ng mga anak ni Israel na ang puso'y nagpakilos sa kanila na magdala ng anuman para sa gawain na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na gawin ay nagdala ng mga iyon bilang kusang-loob na handog sa Panginoon.
Ang Manggagawa ay Tinawag
(Exo. 31:1-11)
30Sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel, “Tingnan ninyo, tinawag ng Panginoon sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda.
31Kanyang pinuspos siya ng Espiritu ng Diyos, ng kakayahan, katalinuhan, kaalaman, at kahusayan sa lahat ng sari-saring gawain;
32upang gumawa ng magagandang dibuho, gumawa sa ginto, sa pilak, at sa tanso,
33sa pagputol ng mga batong pang-enggaste, at sa pag-ukit sa kahoy, upang gumawa sa lahat ng mahuhusay na gawa.
34At kanyang kinasihan siya upang makapagturo, siya at gayundin si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan.
35Sila'y kanyang pinuspos ng kakayahan upang gumawa ng lahat ng sari-saring gawa ng tagaukit o ng tagakatha o mambuburda sa telang asul, kulay-ube, pula, at sa hinabing pinong lino, o ng manghahabi, ng mga gumagawa ng anumang gawain, at ng mga kumakatha ng magagandang disenyo.
Kasalukuyang Napili:
EXODO 35: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001