EXODO 29
29
Ang Pagtatalaga
(Lev. 8:1-36)
1“Ito ang iyong gagawin sa kanila upang italaga sila, at makapaglingkod sa akin bilang mga pari. Kumuha ka ng isang guyang toro at ng dalawang lalaking tupa na walang kapintasan,
2at ng tinapay na walang pampaalsa, mga bibingkang walang pampaalsa na hinaluan ng langis, at maninipis na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis. Gagawin mo ang mga ito sa piling harinang trigo.
3Isisilid mo ito sa isang bakol, at dadalhin mo ang mga ito na nasa bakol, kasama ang toro at ang dalawang lalaking tupa.
4Si Aaron at ang kanyang mga anak ay iyong dadalhin sa pintuan ng toldang tipanan, at iyong huhugasan sila ng tubig.
5Kukunin mo ang mga kasuotan, at iyong isusuot kay Aaron ang tunika at ang balabal ng efod, at ang efod, ang pektoral, at bibigkisan mo ng mainam na hinabing pamigkis ng efod:
6at ipapatong mo ang turbante sa kanyang ulo, at ipapatong mo ang banal na korona sa turbante.
7Saka mo kukunin ang langis na pambuhos, at ibubuhos mo sa ibabaw ng kanyang ulo, at bubuhusan mo siya ng langis.
8Pagkatapos, iyong dadalhin ang kanyang mga anak, at susuotan mo sila ng mga tunika,
9at iyong bibigkisan ng mga pamigkis si Aaron at ang kanyang mga anak, at itatali mo ang mga turbante sa kanilang ulo, at mapapasakanila ang pagkapari sa pamamagitan ng isang panghabam-panahong batas. Gayon mo itatalaga si Aaron at ang kanyang mga anak.
Ang Handog ng Pagtatalaga para sa mga Pari
10“Pagkatapos, iyong dadalhin ang toro sa harap ng toldang tipanan at ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng toro.
11Papatayin mo ang toro sa harapan ng Panginoon, sa pintuan ng toldang tipanan.
12Kukuha ka ng bahagi ng dugo ng toro, at ilalagay mo iyon sa pamamagitan ng iyong daliri sa ibabaw ng mga sungay ng dambana; at iyong ibubuhos ang lahat ng dugo sa paanan ng dambana.
13Kukunin mo lahat ng taba na nakabalot sa bituka, at ang mga taba ng atay, at ang dalawang bato at ang taba ng mga iyon, at susunugin mo sa ibabaw ng dambana.
14Subalit ang laman ng toro, ang balat, at ang dumi ay iyong susunugin sa apoy sa labas ng kampo; ito ay handog pangkasalanan.
15“Kukunin mo rin ang isa sa mga lalaking tupa, at ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng lalaking tupa.
16Papatayin mo ang lalaking tupa, kukunin mo ang dugo, at iyong iwiwisik sa palibot sa ibabaw ng dambana.
17Pagpuputul-putulin mo ang tupa at huhugasan mo ang mga lamang-loob at ang mga hita, at ipapatong mo sa mga piraso at sa ulo nito.
18Susunugin#Ef. 5:2; Fil. 4:18 mo ang buong tupa sa ibabaw ng dambana; ito ay handog na sinusunog para sa Panginoon. Ito ay mabangong samyo, isang handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.
19“Kukunin mo ang isa pang lalaking tupa at ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa.
20Papatayin mo ang tupa, kukunin mo ang dugo, at ilalagay mo sa dulo ng kanang tainga ni Aaron, at sa dulo ng kanang tainga ng kanyang mga anak, at sa hinlalaki ng kanilang kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanilang kanang paa, at iwiwisik mo ang natirang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot.
21Kukuha ka ng bahagi ng dugo na nasa ibabaw ng dambana, at ng langis na pambuhos, at iwiwisik mo kay Aaron at sa kanyang mga kasuotan, at sa kanyang mga anak na kasama niya; pati ang mga kasuotan nila at magiging banal siya at ang kanyang mga kasuotan, at ang kanyang mga anak, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak na kasama niya.
22“Kukunin mo rin ang taba ng lalaking tupa, at ang matabang buntot, at ang tabang nakabalot sa mga bituka, ang mga taba ng atay, ang dalawang bato, ang taba na nasa ibabaw ng mga iyon, at ang kanang hita (sapagkat iyon ay isang lalaking tupa na itinatalaga),
23isang malaking tinapay, at isang munting tinapay na may langis, at isang manipis na tinapay sa bakol ng tinapay na walang pampaalsa na nasa harapan ng Panginoon.
24Ilalagay mo ang lahat ng ito sa mga kamay ni Aaron at sa mga kamay ng kanyang mga anak; at iyong iwawagayway ang mga ito bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.
25Kukunin mo sa kanilang mga kamay ang mga ito, at iyong susunugin sa dambana bilang karagdagan sa handog na sinusunog, bilang isang mabangong samyo sa harapan ng Panginoon; ito ay handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
26“At kukunin mo ang dibdib ng lalaking tupa na itinalaga ni Aaron, at iwawagayway mo ito bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon; at iyon ang magiging iyong bahagi.
27Iyong itatalaga ang dibdib ng handog na iwinawagayway, at ang hitang iwinawagayway na bahagi ng pari, mula sa lalaking tupa na itinalaga para kay Aaron at sa kanyang mga anak.
28Ito ay magiging kay Aaron at sa kanyang mga anak, na bahaging ukol sa kanila sa habang panahon na mula sa mga anak ni Israel, sapagkat ito ang bahagi ng mga pari na ihahandog ng mga anak ni Israel, na kinuha sa kanilang mga handog pangkapayapaan. Ito ay kanilang handog sa Panginoon.
29“Ang mga banal na kasuotan ni Aaron ay magiging sa kanyang mga anak pagkamatay niya, upang buhusan ng langis ang mga iyon, at upang italaga sa mga iyon.
30Pitong araw na isusuot ang mga ito ng anak na magiging pari kapalit niya, kapag siya'y pumapasok sa toldang tipanan upang maglingkod sa dakong banal.
31“At kukunin mo ang lalaking tupa na itinalaga at ilaga mo ang laman nito sa isang dakong banal.
32Kakainin ni Aaron at ng kanyang mga anak ang laman ng tupa, at ang tinapay na nasa bakol sa pintuan ng toldang tipanan.
33Kanilang kakainin ang mga bagay na iyon, na ipinantubos ng sala, upang italaga at pakabanalin sila, subalit hindi kakain niyon ang sinumang dayuhan, sapagkat banal ang mga ito.
34At kung may lumabis sa laman na itinalaga, o sa tinapay, hanggang sa kinaumagahan, ay iyo ngang susunugin sa apoy ang nalabi, hindi ito kakainin, sapagkat ito'y banal.
Ang mga Pang-araw-araw na Handog
(Bil. 28:1-8)
35“Ito ang gagawin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo; pitong araw mo silang itatalaga.
36Araw-araw ay maghahandog ka ng toro na handog pangkasalanan bilang pantubos. Maghahandog ka rin ng handog pangkasalanan para sa dambana, kapag iyong iginagawa ng katubusan iyon; at iyong bubuhusan ito ng langis upang ito'y maitalaga.
37Pitong araw na iyong gagawan ng katubusan ang dambana, at iyong pakakabanalin ito, at ang dambana ay magiging kabanal-banalan; anumang humipo sa dambana ay magiging banal.
38“Ito naman ang iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana: dalawang kordero na tig-iisang taong gulang, araw-araw sa habang panahon.
39Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa umaga; at ang isang kordero ay iyong ihahandog sa hapon;
40at kasama ng unang kordero ang ikasampung bahagi ng mainam na harina na may halong ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis na hinalo; at ang ikaapat na bahagi ng isang hin na alak, ang handog na inumin.
41Ang isa pang kordero ay iyong ihahandog sa hapon, at iyong ihahandog na kasama nito ang handog na butil at handog na inumin tulad ng sa umaga, na mabangong samyo, na isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
42Ito ay magiging isang patuloy na handog na sinusunog sa buong panahon ng inyong mga salinlahi sa pintuan ng toldang tipanan, sa harapan ng Panginoon; kung saan ko kayo tatagpuin, upang makipag-usap ako roon sa iyo.
43At doo'y makikipagtagpo ako sa mga anak ni Israel, at ito ay pakakabanalin ng aking kaluwalhatian.
44Aking pakakabanalin ang toldang tipanan, at ang dambana; gayundin si Aaron at ang kanyang mga anak ay aking pakakabanalin upang maglingkod sa akin bilang mga pari.
45Ako'y mananahan sa gitna ng mga anak ni Israel, at ako'y magiging kanilang Diyos.
46Kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Diyos na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto, upang ako'y manirahang kasama nila. Ako ang Panginoon nilang Diyos.
Kasalukuyang Napili:
EXODO 29: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001