EXODO 28
28
Ang Damit ni Aaron
(Exo. 39:1-7)
1“Ilapit mo sa iyo si Aaron na iyong kapatid at ang kanyang mga anak na kasama niya, mula sa mga anak ni Israel, upang makapaglingkod sa akin bilang mga pari—si Aaron at ang mga anak ni Aaron na sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar.
2Igagawa mo ng mga banal na kasuotan si Aaron na iyong kapatid para sa kaluwalhatian at kagandahan.
3At sabihin mo sa lahat ng may kakayahan na aking pinagkalooban ng kasanayan na kanilang gawin ang kasuotan ni Aaron, upang siya'y italaga sa pagkapari para sa akin.
4Ito ang mga kasuotang kanilang gagawin: isang pektoral, isang efod, isang balabal, isang tunika na tinahing guhit-guhit na anyong parisukat, isang turbante at isang pamigkis; at kanilang igagawa ng mga banal na kasuotan si Aaron na iyong kapatid, at ang kanyang mga anak, upang maglingkod sa akin bilang mga pari.
5“Gagamit sila ng ginto, at ng telang asul, kulay-ube, at pula, at ng hinabing pinong lino.
Ang Efod at ang Pektoral
(Exo. 39:8-21)
6Kanilang gagawin ang efod na ginto, at may telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino, na ginawa ng isang bihasang manggagawa.
7Magkakaroon ito ng dalawang pambalikat na nakakabit sa dalawang dulo niyon; upang magkadugtong.
8Ang mahusay na hinabing pamigkis na nasa ibabaw ng efod upang ibigkis ay gagawing gaya ng pagkagawa at kagamitan sa efod, na ginto, telang asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino.
9Kukuha ka ng dalawang batong onix, at iyong iuukit sa ibabaw ng mga iyon ang mga pangalan ng mga anak ni Israel—
10anim sa kanilang mga pangalan ay sa isang bato, at ang mga pangalan ng anim na natitira ay sa isa pang bato, ayon sa kanilang kapanganakan.
11Tulad ng pag-ukit ng pantatak ng mang-uukit sa bato, iyong iuukit sa dalawang bato ang mga pangalan ng mga anak ni Israel; iyong kukulungin sa enggasteng ginto.
12Iyong ilalagay ang dalawang bato sa ibabaw ng pambalikat ng efod, upang maging mga batong alaala para sa mga anak ni Israel; at papasanin ni Aaron ang kanilang mga pangalan sa harapan ng Panginoon, sa ibabaw ng kanyang dalawang balikat, upang maging alaala.
13Gagawa ka ng mga enggasteng ginto,
14at ng dalawang tanikalang lantay na ginto, pinilipit tulad ng lubid; at iyong ikakabit ang nilubid na tanikala sa enggaste.
15“Gagawa ka ng pektoral ng kahatulan, na gawa ng bihasang manggagawa. Gagawin mo iyon na gaya ng pagkagawa sa efod; gagawin mo iyon na yari sa ginto, telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino.
16Iyon ay magiging parisukat at nakatiklop; isang dangkal ang haba at isang dangkal ang luwang niyon.
17Maglalagay ka roon ng apat na hanay ng mga bato. Sa unang hanay ay sardio, topacio, at karbungko;
18sa ikalawang hanay ay esmeralda, zafiro, at diamante;
19sa ikatlong hanay ay jacinto, agata, at ametista;
20sa ikaapat na hanay ay berilo, onix, at jaspe; ang mga ito ay pawang nakalagay sa gintong enggaste.
21Magkakaroon ng labindalawang bato na may mga pangalan ayon sa mga pangalan ng anak ni Israel; magiging tulad ng mga pantatak, bawat isa'y may ukit na pangalan, na ukol sa labindalawang lipi.
22Gagawa ka sa ibabaw ng pektoral ng mga tanikalang pinilipit na parang lubid na yari sa lantay na ginto;
23at igagawa mo ang ibabaw ng pektoral ng dalawang singsing na ginto, at ilalagay mo ang dalawang singsing sa dalawang sulok ng pektoral.
24Iyong ilalagay ang dalawang nilubid na tanikalang ginto sa dalawang singsing sa mga sulok ng pektoral.
25Ang dalawang dulo ng dalawang tanikala ay iyong ilalapat sa dalawang enggaste, at iyong ilalagay sa mga pambalikat ng efod, sa harapan.
26Gagawa ka ng dalawang singsing na ginto, at ilalagay mo sa dalawang sulok ng pektoral sa laylayan niyon na nasa dakong kabaligtaran ng efod.
27Gagawa ka ng dalawang singsing na ginto, at iyong ikakabit sa dalawang pambalikat ng efod, sa dakong ibaba, sa harapan, na malapit sa dugtungan sa ibabaw ng mahusay na hinabing pamigkis ng efod.
28Kanilang itatali ang pektoral sa pamamagitan ng mga singsing niyon sa mga singsing ng efod na may taling asul, upang mamalagi sa ibabaw ng mahusay na hinabing pamigkis ng efod, at upang ang pektoral ay hindi makalag sa efod.
29Kaya't dadalhin ni Aaron ang mga pangalan ng mga anak ni Israel na nasa pektoral ng kahatulan sa tapat ng kanyang puso, kapag siya'y pumapasok sa dakong banal, upang dalhin sila sa patuloy na pag-alaala sa harapan ng Panginoon.
30At#Bil. 27:21; Deut. 33:8; Ezra 2:63; Neh. 7:65 ilalagay mo sa pektoral ng kahatulan ang Urim at ang Tumim; at ang mga iyon ay ilalagay sa tapat ng puso ni Aaron, kapag siya'y pumapasok sa harapan ng Panginoon, at dadalhing palagi ni Aaron sa harapan ng Panginoon ang kahatulan ng mga anak ni Israel sa kanyang puso.
Balabal ng Efod
(Exo. 39:22-31)
31“Gagawin mo ang balabal ng efod na purong asul.
32Magkakaroon ng isang suotan ng ulo na may tupi sa palibot ng suotan, gaya ng butas ng isang kasuotan upang hindi mapunit.
33Ang laylayan niyon ay igagawa mo ng mga bunga ng granadang asul, kulay-ube, at pula, sa palibot ng laylayan niyon, at mga kampanilyang ginto sa pagitan ng mga iyon,
34isang kampanilyang ginto at isang bunga ng granada, isang kampanilyang ginto at isang bunga ng granada, sa palibot ng laylayan ng kasuotan.
35Isusuot ito ni Aaron kapag siya'y nangangasiwa at ang tunog niyon ay maririnig kapag siya'y pumapasok sa dakong banal sa harapan ng Panginoon, at kapag siya'y lumalabas, upang siya'y huwag mamatay.
Ang Kasuotan ni Aaron
36“Gagawa ka ng isang pinggan na lantay na ginto, at doo'y iuukit mo na ayon sa ukit ng isang pantatak, ‘Banal sa Panginoon.’
37Iyong ikakabit ito sa ibabaw ng turbante sa pamamagitan ng taling asul, ito'y dapat nasa harapan ng turbante.
38Ilalagay ito sa noo ni Aaron, at dadalhin ni Aaron sa kanyang sarili ang anumang pagkakasalang napasalin sa banal na handog na itinalaga ng mga anak ni Israel bilang kanilang banal na kaloob; at ito'y ilalagay palagi sa kanyang noo, upang sila'y tanggapin sa harapan ng Panginoon.
39“Iyong hahabihin ang kasuotan na anyong parisukat mula sa pinong lino, at iyong gagawin ang turbante mula sa pinong lino, at iyong palalagyan ng burda ang pamigkis.
Ang Damit ng mga Pari
40“Iyong igagawa ang mga anak ni Aaron ng mga balabal, mga pamigkis, at mga turbante para sa kaluwalhatian at kagandahan.
41Iyong ipapasuot ang mga ito kay Aaron na iyong kapatid at sa kanyang mga anak na kasama niya, bubuhusan mo sila ng langis, itatalaga, ibubukod upang maglingkod sa akin bilang mga pari.
42Iyong igagawa sila ng mga salawal na lino, upang takpan ang kanilang hubad na katawan;#28:42 Sa Hebreo ay laman. mula sa mga balakang hanggang sa mga hita aabot ang mga ito.
43Isusuot ang mga ito ni Aaron at ng kanyang mga anak kapag sila'y pumapasok sa toldang tipanan, o kapag sila'y lumalapit sa dambana upang maglingkod sa dakong banal; upang sila'y hindi magdala ng kasalanan at mamatay. Ito ay magiging isang walang hanggang batas para sa kanya at sa kanyang mga anak na susunod sa kanya.
Kasalukuyang Napili:
EXODO 28: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001