“Kung ang isang tao ay magnakaw ng isang baka, o ng tupa at patayin, o ipagbili, siya'y magbabayad ng limang baka para sa isang baka, at ng apat na tupa para sa isang tupa. Ang magnanakaw ay gagawa ng pagsasauli; kung wala siyang maisauli, siya'y ipagbibili dahil sa kanyang pagnanakaw.
“Kung ang isang magnanakaw ay mahuling pumapasok at siya'y hinampas na kanyang ikinamatay, hindi magkakaroon ng pananagutan sa dugo ang nakapatay,
ngunit kung sikatan siya ng araw ay magkakaroon siya ng pananagutan sa dugo.
“Kung ang ninakaw ay matagpuang buháy sa kanyang kamay, maging baka o asno, o tupa, ay magbabayad siya ng doble.
“Kung ang sinuman ay magpastol sa isang bukid, o sa isang ubasan, at pakawalan ang kanyang hayop at manginain sa bukid ng iba, siya'y magsasauli mula sa pinakamainam sa kanyang sariling bukid, at mula sa kanyang sariling ubasan.
“Kung may magningas na apoy at umabot sa mga tinik, na anupa't ang mga mandala, o ang mga uhay, o ang bukid ay masunog, ang nagpaningas ng apoy ay magbabayad ng buo.
“Kung ang sinuman ay magpatago sa kanyang kapwa ng salapi o pag-aari, at ito'y ninakaw sa bahay ng taong iyon, at pagkatapos, kung matagpuan ang magnanakaw, magbabayad siya ng doble.
Kung hindi matagpuan ang magnanakaw, lalapit ang may-ari ng bahay sa Diyos, upang ipakita kung pinakialaman niya o hindi ang pag-aari ng kanyang kapwa.
“Sapagkat sa lahat ng pagsuway, maging para sa baka, sa asno, sa tupa, sa kasuotan, o sa anumang bagay na nawala, na may magsabi na iyon nga ay sa kanya, dadalhin sa harapan ng Diyos ang usapin ng dalawa; ang parurusahan ng Diyos ay magbabayad ng doble sa kanyang kapwa.
“Kung ang sinuman ay maghabilin sa kanyang kapwa ng isang asno, o ng isang baka, o ng isang tupa, o ng anumang hayop; at namatay ito, o nasaktan, o hinuli, na walang nakakakitang sinuman,
ang pagsumpa nilang dalawa sa PANGINOON ang mamamagitan sa kanila upang makita kung pinakialaman niya o hindi ang pag-aari ng kanyang kapwa; at tatanggapin ng may-ari ang sumpa, at siya'y hindi magsasauli.
Subalit kung ninakaw ito sa kanya ay isasauli niya iyon sa may-ari.
Kung nilapa ito ng mga hayop, dadalhin niya ito bilang katibayan; hindi siya magsasauli ng anumang nilapa.
“Kung ang sinuman ay humiram ng anuman sa kanyang kapwa, at nasaktan ito, o namatay, na hindi kaharap ang may-ari, ang humiram ay magsasauli ng buo.
Kung ang may-ari niyon ay kaharap, hindi siya magsasauli; kung ito'y inupahan, dumating ito para sa upa nito.