Inyong nakita ang aking ginawa sa mga Ehipcio, at kung paanong dinala ko kayo sa mga pakpak ng agila, at kayo'y inilapit ko sa akin.
Kaya't ngayon, kung tunay na inyong susundin ang aking tinig at tutuparin ang aking tipan, kayo ay magiging aking sariling pag-aari na higit sa lahat ng bayan; sapagkat ang buong daigdig ay akin.
Sa akin kayo ay magiging isang kaharian ng mga pari at isang banal na bansa. Ito ang mga salitang sasabihin mo sa mga anak ni Israel.”
Kaya't dumating si Moises at ipinatawag ang matatanda sa bayan at ipinahayag sa harap nila ang lahat ng salitang ito na iniutos ng PANGINOON sa kanya.
Ang buong bayan ay nagkaisang sumagot at nagsabi, “Ang lahat ng sinabi ng PANGINOON ay aming gagawin.” At iniulat ni Moises ang mga salita ng bayan sa PANGINOON.
Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Ako'y darating sa iyo sa isang makapal na ulap, upang marinig ng bayan kapag ako'y nakikipag-usap sa iyo, at paniwalaan ka rin nila magpakailanman.” At sinabi ni Moises ang mga salita ng bayan sa PANGINOON.
Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Pumaroon ka sa bayan at italaga mo sila ngayon at bukas, at labhan nila ang kanilang mga kasuotan,
at humanda sa ikatlong araw, sapagkat sa ikatlong araw ay bababa ang PANGINOON sa paningin ng buong bayan sa ibabaw ng bundok ng Sinai.
Lalagyan mo ng mga hangganan ang bayan sa palibot, at iyong sasabihin, ‘Mag-ingat kayo, kayo'y huwag umakyat sa bundok, o humipo sa hangganan; sinumang humipo sa bundok ay papatayin.
Walang kamay na hihipo sa kanya, kundi siya'y babatuhin o papanain; maging hayop o tao ay hindi mabubuhay!’ Kapag ang tambuli ay tumunog nang mahaba, aakyat sila sa bundok.”
Bumaba si Moises sa bayan mula sa bundok, at pinabanal ang bayan, at nilabhan nila ang kanilang mga kasuotan.
Kanyang sinabi sa bayan, “Humanda kayo sa ikatlong araw; huwag kayong lalapit sa babae.”
Sa umaga ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may isang makapal na ulap sa ibabaw ng bundok, at ang tunog ng trumpeta ay napakalakas; at ang buong bayan na nasa kampo ay nanginig.
Inilabas ni Moises ang bayan sa kampo upang katagpuin ang Diyos; at sila'y tumayo sa paanan ng bundok.
Ang buong bundok ng Sinai ay nabalot sa usok, sapagkat ang PANGINOON ay bumaba sa ibabaw niyon na nasa apoy; at ang usok niyon ay pumailanglang na parang usok ng isang hurno, at nayanig nang malakas ang buong bundok.
Nang papalakas nang papalakas ang tunog ng trumpeta ay nagsalita si Moises, at sinagot siya ng Diyos sa pamamagitan ng kulog.
Ang PANGINOON ay bumaba sa ibabaw ng bundok ng Sinai, sa taluktok ng bundok; at tinawag ng PANGINOON si Moises sa taluktok ng bundok; at si Moises ay umakyat.
Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Bumaba ka, balaan mo ang bayan, baka sila'y lumampas upang panoorin ang PANGINOON, at mamatay ang marami sa kanila.
Gayundin ang mga pari na lumalapit sa PANGINOON ay pabanalin mo, baka ang PANGINOON ay hindi makapagpigil sa kanila.”
Sinabi ni Moises sa PANGINOON, “Ang bayan ay hindi makakaakyat sa bundok ng Sinai, sapagkat ikaw mismo ang nagbilin sa amin na iyong sinasabi, ‘Lagyan mo ng hangganan sa palibot ang bundok, at iyong ariing banal ito.’”
Sinabi ng PANGINOON sa kanya, “Bumaba ka, at ikaw ay umakyat kasama si Aaron, ngunit ang mga pari at ang taong-bayan ay huwag mong palampasin sa mga hangganan upang umakyat sa PANGINOON, baka siya ay hindi makapagpigil sa kanila.”
Sa gayo'y bumaba si Moises sa taong-bayan at sinabi sa kanila.