‘Nakita nʼyo mismo kung ano ang ginawa ko sa mga Ehipsiyo, at kung paano ko kayo dinala rito sa akin, katulad ng pagdadala ng agila sa mga inakay niya sa pamamagitan ng kanyang pakpak. Kung lubos ninyo akong susundin at tutuparin ang aking kasunduan, pipiliin ko kayo sa lahat ng bansa upang maging mga mamamayan ko. Akin ang buong mundo, pero magiging pinili ko kayong mamamayan at magiging isang kaharian ng mga paring maglilingkod sa akin.’ Sabihin mo ito sa mga Israelita.”
Kaya bumaba si Moises mula sa bundok at ipinatawag niya ang mga pinuno ng Israel at sinabi sa kanila ang sinabi ng PANGINOON. At sabay-sabay na sumagot ang mga tao, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng PANGINOON.” At sinabi ni Moises sa PANGINOON ang sagot ng mga tao.
Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Darating ako sa iyo sa pamamagitan ng makapal na ulap upang marinig ng mga tao ang pakikipag-usap ko sa iyo, at nang lagi silang magtiwala sa iyo.” At sinabi ni Moises sa PANGINOON ang sagot ng mga tao.
At sinabi sa kanya ng PANGINOON, “Puntahan mo ang mga tao at sabihin sa kanilang linisin ang sarili nila ngayon at bukas. Kailangang labhan nila ang kanilang mga damit. Siguraduhing handa sila sa ikatlong araw, dahil sa araw na iyon, ako, ang PANGINOON ay bababa sa Bundok ng Sinai na kitang-kita ng mga tao. Maglagay ka ng hangganan sa paligid ng bundok, at sabihin mo sa kanila na huwag silang lalapit sa bundok o hawakan ang hangganan nito. Ang sinumang lalapit sa bundok ay papatayin. Ang sinumang lalapit sa bundok ay papatayin, tao man o hayop. Kung gagawin niya ito, babatuhin siya o kaya naman ay papanain; walang kamay na hihipo sa kanya. Makakaakyat lang ang mga tao sa bundok kapag pinatunog na nang matagal ang tambuli.”
Bumaba si Moises sa bundok at inutusan niya silang linisin ang mga sarili nila. At nilabhan ng mga tao ang kanilang mga damit. Sinabi ni Moises sa kanila, “Ihanda ninyo ang mga sarili ninyo para sa ikatlong araw; huwag muna kayong makipagtalik sa inyong asawa.”
Kinaumagahan ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may makapal na ulap na tumakip sa bundok at narinig ang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa kampo. Pagkatapos, dinala ni Moises sa labas ng kampo ang mga tao upang makipagkita sa Diyos, at tumayo sila sa paanan ng bundok. Nabalot ng usok ang Bundok ng Sinai dahil bumaba roon ang PANGINOON sa anyo ng apoy. Pumaitaas ang usok kagaya ng usok na nanggaling sa hurno at nayanig nang malakas ang bundok, at lalo pang lumakas ang tunog ng trumpeta. Nagsalita si Moises at sinagot siya ng Diyos sa pamamagitan ng kulog.
Bumaba ang PANGINOON sa ibabaw ng Bundok ng Sinai, at tinawag niya si Moises na umakyat sa ibabaw ng bundok. Kaya umakyat si Moises, at sinabi sa kanya ng PANGINOON, “Bumalik ka sa ibaba at balaan mo silang huwag na huwag lalampas sa hangganan upang tingnan ako, dahil kung gagawin nila ito, marami sa kanila ang mamamatay. Kahit na ang mga pari na palaging lumalapit sa aking presensya ay kailangang maglinis ng kanilang mga sarili dahil kung hindi, parurusahan ko rin sila.”
Sinabi ni Moises sa PANGINOON, “Hindi po makakaakyat ang mga tao sa bundok dahil kayo mismo ang nagbabala sa amin na maglagay ng hangganan sa paligid ng bundok at ituring itong banal.”
Sinabi sa kanya ng PANGINOON, “Bumaba ka at dalhin si Aaron dito. Ngunit ang mga pari at ang mga tao ay hindi dapat pumunta rito sa akin, upang hindi ko sila parusahan.”
Kaya bumaba si Moises at sinabihan ang mga tao.