Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Israel na dumating sa Ehipto kasama si Jacob; bawat isa ay kasama ang kanya-kanyang sambahayan:
sina Ruben, Simeon, Levi, Juda,
Isacar, Zebulon, Benjamin,
Dan, Neftali, Gad, at Aser.
Lahat ng taong nagmula sa balakang ni Jacob ay pitumpung katao, at si Jose ay nasa Ehipto na.
Namatay si Jose at ang lahat ng kanyang mga kapatid at ang buong salinlahing iyon.
Ang mga anak ni Israel ay lumago at nadagdagang mabuti; sila'y dumami at naging napakalakas kaya't ang lupain ay napuno nila.
At may bumangong isang bagong hari sa Ehipto na hindi kilala si Jose.
Sinabi niya sa kanyang bayan, “Tingnan ninyo, ang sambayanan ng mga anak ni Israel ay mas marami at higit na malakas kaysa atin.
Halikayo, pakitunguhan natin sila nang may katusuhan, baka sila'y dumami at mangyari na kapag nagkaroon ng digmaan ay umanib sila sa ating mga kaaway, lumaban sa atin, at umalis sa lupain.”
Kaya't naglagay sila ng mga tagapangasiwa upang pahirapan sila sa kanilang mga sapilitang paggawa. Kanilang ipinagtayo si Faraon ng mga lunsod imbakan, ang Pitom at Rameses.
Subalit habang kanilang pinahihirapan sila, lalo silang dumarami at lalong lumalaganap. At kinasuklaman nila ang mga anak ni Israel.
Malupit na pinapaglingkod ng mga Ehipcio ang mga anak ni Israel;
at kanilang pinapait ang kanilang buhay sa pamamagitan ng mahirap na paglilingkod, sa luwad at sa tisa, at sa lahat ng uri ng gawain sa bukid; at sa lahat ng kanilang gawain ay malupit silang pinapaglingkod.
Ang hari ng Ehipto ay nagsalita sa mga hilot na mga Hebrea, na ang pangalan ng isa ay Sifra, at ang pangalan ng ikalawa ay Pua.
Kanyang sinabi, “Paghilot ninyo sa mga babaing Hebrea at pagtingin ninyo sa kanila sa upuang panganganakan, kung lalaki ay papatayin ninyo; ngunit kung babae ay mabubuhay ito.”
Subalit ang mga hilot ay natakot sa Diyos at hindi nila ginawa ang gaya nang iniutos sa kanila ng hari ng Ehipto, kundi hinayaan nilang mabuhay ang mga batang lalaki.
Ipinatawag ng hari ng Ehipto ang mga hilot at sinabi sa kanila, “Bakit ninyo ginawa ang bagay na ito at hinayaan ninyong mabuhay ang mga batang lalaki?”
Sinabi ng mga hilot sa Faraon, “Sapagkat ang mga babaing Hebrea ay hindi gaya ng mga babaing Ehipcia. Sila'y malalakas at nakapanganak na bago dumating ang hilot sa kanila.”
Kaya't ang Diyos ay naging mabuti sa mga hilot; at ang taong-bayan ay dumami at naging napakalakas.
Dahil ang mga hilot ay natakot sa Diyos, kanyang binigyan sila ng mga sambahayan.
Pagkatapos, iniutos ni Faraon sa kanyang buong bayan, “Itatapon ninyo sa ilog ang bawat lalaking ipanganak ngunit bawat babae ay hayaan ninyong mabuhay.”