Ito ang mga anak na lalaki ni Jacob na sumama sa kanya sa Egipto, kasama ang kanilang mga pamilya: sina Reuben, Simeon, Levi, Juda, Isacar, Zebulun, Benjamin, Dan, Naftali, Gad, at Asher. Si Jose ay matagal nang nasa Egipto. Ang bilang ng lahat ng lahi ni Jacob na sumama sa kanya sa Egipto ay 70.
Dumating ang panahon na namatay si Jose at ang lahat ng kanyang kapatid, at lumipas na ang kanilang henerasyon pero mabilis na dumami ang lahi nila. Sa sobrang dami nila, nangalat sila sa buong lupain ng Egipto.
Ngayon, nagkaroon ng bagong hari ang Egipto, na walang alam tungkol kay Jose. Sinabi niya sa kanyang mga mamamayan, “Tingnan ninyo. Masyado nang marami ang mga Israelita at nanganganib tayo. Dahil baka magkaroon ng digmaan at kumampi sila sa mga kaaway natin, at lumaban sa atin para makaalis sa ating bansa. Kaya maghanap tayo ng paraan para hindi na sila dumami pa.”
Kaya naglagay sila ng mahihigpit na tao na mamamahala sa mga Israelita para pahirapan sila at pagtrabahuhin nang mabigat. Ipinagawa sa mga Israelita ang mga lungsod ng Pitom at Rameses para magkaroon dito ng mga bodega ang Faraon. Pero habang patuloy silang pinahihirapan, lalo naman silang dumarami at nangangalat sa Egipto. Kaya lalong natakot ang mga taga-Egipto sa kanila. Dahil dito, lalo pa nilang pinagmalupitan ang mga Israelita. Wala silang awa sa mga ito. Pinahirapan nila ang mga Israelita sa paggawa ng mga tisa at pangsemento nito, at pinagtrabaho nang matindi sa bukid.
Pagkatapos, sinabi ng hari ng Egipto sa mga Hebreong kumadrona na sina Shifra at Pua, “Kung magpapaanak kayo ng mga babaeng Hebreo, patayin ninyo kung lalaki ang anak, pero kung babae, huwag nʼyo nang patayin.” Pero dahil may takot sa Dios ang mga kumadrona, hindi nila sinunod ang iniutos ng hari. Sa halip, hinahayaan nilang mabuhay ang mga sanggol na lalaki.
Kaya ipinatawag ng hari ng Egipto ang mga kumadrona at tinanong, “Bakit ninyo ito ginawa? Bakit hinahayaan ninyong mabuhay ang mga sanggol na lalaki?” Sumagot sila, “Ang mga babaeng Hebreo ay hindi tulad ng mga babaeng Egipcio; madali silang manganak at bago pa po kami dumating, nakapanganak na sila.”
Kaya pinagpala ng Dios ang mga kumadrona at dumami pa nang dumami ang mga Israelita. At dahil sa iginagalang ng mga kumadrona ang Dios, binigyan sila ng Dios ng sarili nilang pamilya.
Nang bandang huli, nag-utos ang Faraon sa lahat ng mamamayan niya, “Itapon ninyo sa Ilog ng Nilo ang lahat ng bagong panganak na sanggol na lalaki ng mga Israelita, pero pabayaan ninyong mabuhay ang mga batang babae.”