Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EFESO 1:1-23

EFESO 1:1-23 ABTAG01

Si Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, sa mga banal [na nasa Efeso], at sa mga mananampalataya kay Cristo Jesus: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na siyang nagpapala sa atin kay Cristo ng bawat pagpapalang espirituwal sa sangkalangitan, ayon sa pagkapili niya sa atin sa kanya bago itinatag ang sanlibutan, upang tayo'y maging banal at walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig. Tayo'y itinalaga sa pagkukupkop upang maging kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban, para sa ikapupuri ng kanyang maluwalhating biyaya, na ipinagkaloob niya ng walang bayad sa atin sa pamamagitan ng Minamahal. Sa kanya'y mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya, na pinasagana niya sa atin sa lahat ng karunungan at pagkaunawa, na ipinaalam niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban, ayon sa mabuting layunin na kanyang itinakda kay Cristo, bilang katiwala ng kaganapan ng panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa; sa kanya ay tumanggap din tayo ng isang mana, na itinalaga nang una pa ayon sa layunin niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa kanyang pasiya at kalooban; upang tayo na unang umasa kay Cristo ay mabuhay upang purihin ang kanyang kaluwalhatian. Sa kanya'y kayo rin naman, na nakarinig ng salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan, at kayo na sumampalataya sa kanya, ay tinatakan ng ipinangakong Espiritu Santo. Siya ang katibayan ng ating mana, hanggang sa ikatutubos ng pag-aari, sa ikapupuri ng kanyang kaluwalhatian. Dahil dito, sapagkat narinig ko rin naman ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus, at ang inyong pag-ibig sa lahat ng mga banal, hindi ako tumitigil ng pagpapasalamat para sa inyo, na binabanggit kayo sa aking mga panalangin, upang ang Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, ay magkaloob sa inyo ng espiritu ng karunungan at ng pahayag sa isang ganap na pagkakilala sa kanya, yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang malaman ninyo kung ano ang pag-asa sa kanyang pagtawag, kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng kanyang pamana sa mga banal, at kung ano ang di-masukat na kadakilaan ng kanyang kapangyarihan sa atin na sumasampalataya, ayon sa paggawa ng kapangyarihan ng kanyang lakas. Kanyang isinagawa ito kay Cristo, nang kanyang muling buhayin siya mula sa mga patay, at pinaupo sa kanyang kanan sa sangkalangitan, higit na mataas kaysa lahat ng pamunuan, kapamahalaan, kapangyarihan, at paghahari, at sa bawat pangalan na pinangalanan, hindi lamang sa panahong ito, kundi maging sa darating na panahon. At kanyang inilagay ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa, at ginawa siyang ulo ng lahat ng mga bagay sa iglesya, na siyang katawan niya, ang kapuspusan niya na pumupuspos ng lahat sa lahat.