Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Efeso 1:1-23

Mga Taga-Efeso 1:1-23 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Mula kay Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, Para sa mga hinirang ng Diyos na nasa Efeso at tapat na sumasampalataya kay Cristo Jesus: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal at makalangit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo. Bago pa likhain ang sanlibutan, pinili na niya tayo upang maging kanya sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo, upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo'y kanyang pinili upang maging anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak! Tinubos tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang dugo, at sa gayon ay pinatawad na ang ating mga kasalanan. Ganoon kadakila ang kanyang kagandahang-loob na ibinigay sa atin. Sa pamamagitan ng kanyang karunungan at kaalaman, ipinaunawa sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kanyang kalooban na isasakatuparan sa pamamagitan ni Cristo pagdating ng takdang panahon. Layunin niyang tipunin ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa, at ipasailalim ang mga ito kay Cristo. Dahil kay Cristo, tayo rin ay naging pag-aari ng Diyos na siyang nagsagawa ng lahat ng bagay ayon sa layunin ng kanyang kalooban. Tayong mga unang umasa sa kanya ay pinili niya upang parangalan ang kanyang kaluwalhatian. Kayo man ay naging bayan ng Diyos matapos ninyong marinig ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita na nagdudulot ng kaligtasan. Sumampalataya kayo kay Cristo, kaya't ipinagkaloob sa inyo ang Espiritu Santo na ipinangako ng Diyos bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. Ang Espiritu ang katibayan na makakamit natin ang mga pangako ng Diyos para sa atin, hanggang sa makamtan natin ang lubos na kaligtasan. Purihin natin ang kanyang kaluwalhatian! Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng kanyang mga banal, walang tigil ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo tuwing ipinapanalangin ko kayo. Hinihiling ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang maluwalhating Ama, na ipagkaloob niya sa inyo ang Espiritu na nagbibigay ng karunungan at nagpapahayag tungkol sa Diyos upang lubos ninyo siyang makilala. Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong isip upang malaman ninyo kung ano ang inyong inaasahan sa kanyang pagkatawag sa inyo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal, at kung ano ang di-masukat na kapangyarihang kaloob niya sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang kapangyarihan ding iyon ang muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan. Kaya't nasa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo ang lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan sa kalangitan. Higit na dakila ang kanyang pangalan kaysa sa lahat, hindi lamang sa panahong ito kundi maging sa darating. Ipinailalim ng Diyos sa paa ni Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya. Ang iglesya ang katawan at kapuspusan ni Cristo, na siya namang pumupuno sa lahat ng bagay.

Mga Taga-Efeso 1:1-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios. Mahal kong mga pinabanal sa Efeso, mga matatapat na nakay Cristo Jesus: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Purihin natin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo, ibinigay niya sa atin ang lahat ng pagpapalang espiritwal mula sa langit. Bago pa man niya likhain ang mundo, pinili na niya tayo para maging banal at walang kapintasan sa paningin niya. Dahil sa pag-ibig niya, noong una paʼy itinalaga na niya tayo para maging mga anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ayon na rin ito sa kanyang layunin at kalooban. Purihin natin ang Dios dahil sa kamangha-mangha niyang biyaya na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak. Sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, tinubos tayo, na ang ibig sabihin ay pinatawad ang mga kasalanan natin. Napakalaki ng biyayang ipinagkaloob sa atin ng Dios. Binigyan niya tayo ng karunungan at pang-unawa para maunawaan ang kanyang lihim na plano na nais niyang matupad sa pamamagitan ni Cristo pagdating ng itinakdang panahon. At ang plano niyaʼy pag-isahin ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, at ipasailalim sa kapangyarihan ni Cristo. Ginagawa ng Dios ang lahat ng bagay ayon sa plano niya at kalooban. At ayon nga sa plano niya noon pang una, pinili niya kami para maging kanya sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo. Ginawa niya ito para kaming mga naunang sumampalataya kay Cristo ay magbigay-puri sa kanya. Kayo man ay napabilang na kay Cristo nang marinig ninyo ang katotohanan, ang Magandang Balita kung paano kayo maliligtas. Sa pagsampalataya ninyo sa kanya, ibinigay niya ang Banal na Espiritu na kanyang ipinangako bilang tanda na pagmamay-ari na niya kayo. Ang Banal na Espiritu ang katibayan na matatanggap natin mula sa Dios ang ipinangako niya sa atin bilang mga anak niya, hanggang sa matanggap natin ang lubos na kaligtasan. At dahil dito, papupurihan siya! Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang pananampalataya nʼyo sa ating Panginoong Jesus at ang pag-ibig nʼyo sa lahat ng mga pinabanal, walang tigil ang pasasalamat ko sa Dios dahil sa inyo. At lagi ko kayong ipinapanalangin. Hinihiling ko sa Dios, ang dakilang Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na bigyan niya kayo ng karunungan at pang-unawa mula sa Banal na Espiritu, para lalo nʼyo pa siyang makilala. Ipinapanalangin ko rin na maliwanagan ang inyong pusoʼt isipan para maunawaan nʼyo ang pag-asa na inilaan niya sa atin, ang napakahalaga at napakasaganang pagpapala na ipinangako niya sa mga pinabanal. Ipinapanalangin ko rin na malaman nʼyo ang napakadakilang kapangyarihan ng Dios para sa ating mga sumasampalataya sa kanya. Ang kapangyarihan ding ito ang ginamit niya nang buhayin niyang muli si Cristo at nang paupuin sa kanyang kanan sa langit. Kaya nasa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo ang lahat ng espiritung naghahari at namamahala, mga espiritung namumuno at may kapangyarihan. Ang titulo niya ay hindi mapapantayan ninuman, hindi lang sa panahong ito kundi sa darating pang panahon. Ipinailalim ng Dios kay Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang pangulo ng lahat para sa ikabubuti ng iglesya na siyang katawan ni Cristo. Ang iglesya ay ang kabuuan ni Cristo na siyang bumubuo sa lahat.

Mga Taga-Efeso 1:1-23 Ang Biblia (TLAB)

Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, sa mga banal na nangasa Efeso, at sa mga tapat kay Cristo Jesus: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo. Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na siyang nagpala sa atin ng bawa't pagpapalang ukol sa espiritu sa sangkalangitan kay Cristo: Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pagibig: Na tayo'y itinalaga niya nang una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya, ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban, Sa ikapupuri ng kaluwalhatian ng kaniyang biyaya, na sa atin ay ipinagkaloob na masagana sa Minamahal: Na sa kaniya'y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya, Na pinasagana niya sa atin, sa buong karunungan at katalinuhan, Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin. Sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya, sinasabi ko, Tayo rin naman sa kaniya ay ginawang mana, na itinalaga na niya tayo nang una pa ayon sa pasiya niyaong gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa pasiya ng kaniyang kalooban; Upang tayo'y maging kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian, tayong nagsiasa nang una kay Cristo: Na sa kaniya'y kayo rin naman, pagkarinig ng aral ng katotohanan, ng evangelio ng inyong kaligtasan, na sa kaniya rin naman, mula nang kayo'y magsisampalataya, ay kayo'y tinatakan ng Espiritu Santo, na ipinangako, Na siyang patotoo sa ating mana, hanggang sa ikatutubos ng sariling pag-aari ng Dios, sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian. Dahil dito ako rin naman, pagkarinig ng pananampalataya sa Panginoong Jesus na nasa inyo, at ng pagibig na inyong ipinakita sa lahat ng mga banal, Ay hindi ako tumitigil ng pagpapasalamat dahil sa inyo, na aking binabanggit kayo sa aking mga panalangin; Upang ipagkaloob sa inyo ng Dios ng ating Panginoong Jesucristo, ng Ama ng kaluwalhatian, ang espiritu ng karunungan at ng pahayag sa pagkakilala sa kaniya; Yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang maalaman ninyo kung ano ang pagasa sa kaniyang pagtawag, kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa mga banal, At kung ano ang dakilang kalakhan ng kaniyang kapangyarihan sa ating nagsisisampalataya, ayon sa gawa ng kapangyarihan ng kaniyang lakas, Na kaniyang ginawa kay Cristo, nang ito'y kaniyang buhaying maguli sa mga patay, at pinaupo sa kaniyang kanan sa sangkalangitan, Sa kaibaibabawan ng lahat na pamunuan, at kapamahalaan, at kapangyarihan, at pagkasakop, at sa bawa't pangalan na ipinangungusap, hindi lamang sa sanglibutang ito, kundi naman sa darating: At ang lahat ng mga bagay ay pinasuko niya sa ilalim ng kaniyang mga paa, at siyang pinagkaloobang maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa iglesia, Na siyang katawan niya, na kapuspusan niyaong pumupuspos ng lahat sa lahat.

Mga Taga-Efeso 1:1-23 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)

Mula kay Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, Para sa mga hinirang ng Diyos na nasa Efeso at tapat na sumasampalataya kay Cristo Jesus: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal at makalangit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo. Bago pa likhain ang sanlibutan, pinili na niya tayo upang maging kanya sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo, upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo'y kanyang pinili upang maging anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak! Tinubos tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang dugo, at sa gayon ay pinatawad na ang ating mga kasalanan. Ganoon kadakila ang kanyang kagandahang-loob na ibinigay sa atin. Sa pamamagitan ng kanyang karunungan at kaalaman, ipinaunawa sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kanyang kalooban na isasakatuparan sa pamamagitan ni Cristo pagdating ng takdang panahon. Layunin niyang tipunin ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa, at ipasailalim ang mga ito kay Cristo. Dahil kay Cristo, tayo rin ay naging pag-aari ng Diyos na siyang nagsagawa ng lahat ng bagay ayon sa layunin ng kanyang kalooban. Tayong mga unang umasa sa kanya ay pinili niya upang parangalan ang kanyang kaluwalhatian. Kayo man ay naging bayan ng Diyos matapos ninyong marinig ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita na nagdudulot ng kaligtasan. Sumampalataya kayo kay Cristo, kaya't ipinagkaloob sa inyo ang Espiritu Santo na ipinangako ng Diyos bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. Ang Espiritu ang katibayan na makakamit natin ang mga pangako ng Diyos para sa atin, hanggang sa makamtan natin ang lubos na kaligtasan. Purihin natin ang kanyang kaluwalhatian! Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng kanyang mga banal, walang tigil ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo tuwing ipinapanalangin ko kayo. Hinihiling ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang maluwalhating Ama, na ipagkaloob niya sa inyo ang Espiritu na nagbibigay ng karunungan at nagpapahayag tungkol sa Diyos upang lubos ninyo siyang makilala. Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong isip upang malaman ninyo kung ano ang inyong inaasahan sa kanyang pagkatawag sa inyo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal, at kung ano ang di-masukat na kapangyarihang kaloob niya sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang kapangyarihan ding iyon ang muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan. Kaya't nasa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo ang lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan sa kalangitan. Higit na dakila ang kanyang pangalan kaysa sa lahat, hindi lamang sa panahong ito kundi maging sa darating. Ipinailalim ng Diyos sa paa ni Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya. Ang iglesya ang katawan at kapuspusan ni Cristo, na siya namang pumupuno sa lahat ng bagay.

Mga Taga-Efeso 1:1-23 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)

Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, sa mga banal na nangasa Efeso, at sa mga tapat kay Cristo Jesus: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo. Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na siyang nagpala sa atin ng bawa't pagpapalang ukol sa espiritu sa sangkalangitan kay Cristo: Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pagibig: Na tayo'y itinalaga niya nang una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya, ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban, Sa ikapupuri ng kaluwalhatian ng kaniyang biyaya, na sa atin ay ipinagkaloob na masagana sa Minamahal: Na sa kaniya'y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya, Na pinasagana niya sa atin, sa buong karunungan at katalinuhan, Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin. Sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya, sinasabi ko, Tayo rin naman sa kaniya ay ginawang mana, na itinalaga na niya tayo nang una pa ayon sa pasiya niyaong gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa pasiya ng kaniyang kalooban; Upang tayo'y maging kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian, tayong nagsiasa nang una kay Cristo: Na sa kaniya'y kayo rin naman, pagkarinig ng aral ng katotohanan, ng evangelio ng inyong kaligtasan,—na sa kaniya rin naman, mula nang kayo'y magsisampalataya, ay kayo'y tinatakan ng Espiritu Santo, na ipinangako, Na siyang patotoo sa ating mana, hanggang sa ikatutubos ng sariling pagaari ng Dios, sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian. Dahil dito ako rin naman, pagkarinig ng pananampalataya sa Panginoong Jesus na nasa inyo, at ng pagibig na inyong ipinakita sa lahat ng mga banal, Ay hindi ako tumitigil ng pagpapasalamat dahil sa inyo, na aking binabanggit kayo sa aking mga panalangin; Upang ipagkaloob sa inyo ng Dios ng ating Panginoong Jesucristo, ng Ama ng kaluwalhatian, ang espiritu ng karunungan at ng pahayag sa pagkakilala sa kaniya; Yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang maalaman ninyo kung ano ang pagasa sa kaniyang pagtawag, kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa mga banal, At kung ano ang dakilang kalakhan ng kaniyang kapangyarihan sa ating nagsisisampalataya, ayon sa gawa ng kapangyarihan ng kaniyang lakas, Na kaniyang ginawa kay Cristo, nang ito'y kaniyang buhaying maguli sa mga patay, at pinaupo sa kaniyang kanan sa sangkalangitan, Sa kaibaibabawan ng lahat na pamunuan, at kapamahalaan, at kapangyarihan, at pagkasakop, at sa bawa't pangalan na ipinangungusap, hindi lamang sa sanglibutang ito, kundi naman sa darating: At ang lahat ng mga bagay ay pinasuko niya sa ilalim ng kaniyang mga paa, at siyang pinagkaloobang maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa iglesia, Na siyang katawan niya, na kapuspusan niyaong pumupuspos ng lahat sa lahat.