“At ngayon, O Israel, pakinggan mo ang mga tuntunin at ang mga batas, na aking itinuturo at inyong gawin ang mga ito upang kayo'y mabuhay, at pumasok at angkinin ang lupaing ibinibigay sa inyo ng PANGINOONG Diyos ng inyong mga ninuno. Huwag ninyong daragdagan ni babawasan ang salita na aking iniuutos sa inyo, upang inyong matupad ang mga utos ng PANGINOON ninyong Diyos na aking iniuutos sa inyo. Nakita ng inyong mga mata ang ginawa ng PANGINOON sa Baal-peor; sapagkat lahat ng mga tao na sumunod kay Baal-peor ay pinuksa ng PANGINOON mong Diyos sa gitna mo. Ngunit kayong humawak ng matatag sa PANGINOON ninyong Diyos ay buháy na lahat sa araw na ito.’ Tinuruan ko kayo ng mga tuntunin at ng mga batas, na gaya ng iniutos sa akin ng PANGINOON kong Diyos upang inyong gawin sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang angkinin. Tuparin ninyo at inyong gawin, sapagkat ito ang inyong magiging karunungan at kaalaman sa paningin ng mga tao na makakarinig ng mga tuntuning ito, at magsasabi, ‘Tunay na ang dakilang bansang ito ay matalino at may pagkaunawa.’ Sapagkat aling dakilang bansa ang may Diyos na napakalapit sa kanila, na gaya ng PANGINOON nating Diyos tuwing tumatawag tayo sa kanya? At aling dakilang bansa ang may mga tuntunin at mga batas na napakatuwid na gaya ng buong kautusang ito na aking inilagay sa harapan ninyo sa araw na ito? “Mag-ingat ka lamang sa iyong sarili, at ingatan mo ang iyong kaluluwa ng buong sikap, baka malimutan mo ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata, at baka mahiwalay sa iyong puso ang lahat ng araw ng iyong buhay. Ipaalam mo ito sa iyong mga anak at sa mga anak ng iyong mga anak. Nang araw na ikaw ay tumayo sa harapan ng PANGINOON mong Diyos sa Horeb, nang sabihin sa akin ng PANGINOON, ‘Tipunin mo sa akin ang bayan, at aking iparirinig sa kanila ang aking mga salita, upang sila'y matutong matakot sa akin sa lahat ng araw ng kanilang buhay sa lupa, at upang kanilang maituro sa kanilang mga anak.’ Kayo'y lumapit at tumayo sa ibaba ng bundok samantalang ito ay nagningas sa apoy hanggang sa langit, at nabalot ng dilim, ulap, at makapal na kadiliman. Ang PANGINOON ay nagsalita sa inyo mula sa gitna ng apoy. Narinig ninyo ang tunog ng mga salita, ngunit wala kayong anyong nakita; tanging tinig lamang. At kanyang ipinahayag sa inyo ang kanyang tipan na kanyang iniutos na inyong ganapin, samakatuwid ay ang sampung utos; at kanyang isinulat ang mga ito sa dalawang tapyas na bato.
Basahin DEUTERONOMIO 4
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: DEUTERONOMIO 4:1-13
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas