Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Deuteronomio 4:1-13

Deuteronomio 4:1-13 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)

At ngayon, Oh Israel, dinggin mo ang mga palatuntunan at ang mga kahatulan, na aking itinuturo sa inyo, upang sundin ninyo; upang kayo'y mabuhay, at pumasok, at inyong ariin ang lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang. Huwag ninyong daragdagan ni babawasan ang salita na aking iniuutos sa inyo, upang inyong maingatan ang mga utos ng Panginoon ninyong Dios na aking iniuutos sa inyo. Nakita ng inyong mga mata ang ginawa ng Panginoon tungkol kay Baal-peor; sapagka't lahat ng mga tao na sumunod kay Baal-peor, ay nilipol ng Panginoon mong Dios sa gitna mo. Nguni't kayong umayon sa Panginoon ninyong Dios ay nangabubuhay pa ang bawa't isa sa inyo sa araw na ito. Narito, aking tinuruan kayo ng mga palatuntunan at ng mga kahatulan, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon kong Dios upang inyong gawing gayon sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang ariin. Ingatan nga ninyo at inyong isagawa; sapagka't ito ang inyong karunungan at ang inyong kaalaman sa paningin ng mga tao, na makakarinig ng mga palatuntunang ito, at magsasabi, Tunay na ang dakilang bansang ito ay isang pantas at maalam na bayan. Sapagka't anong dakilang bansa nga ang may dios na napakalapit sa kanila, na gaya ng Panginoon nating Dios kailan man tayo'y tumawag sa kaniya? At anong dakilang bansa nga, ang may mga palatuntunan at mga kahatulang napaka-tuwid na gaya ng buong kautusang ito, na aking inilalagda sa harap ninyo sa araw na ito? Magingat ka lamang sa iyong sarili, at ingatan mo ang iyong kaluluwa ng buong sikap, baka iyong malimutan ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata, at baka mangahiwalay sa iyong puso ang lahat ng araw ng iyong buhay; kundi iyong ipakilala sa iyong mga anak at sa mga anak ng iyong mga anak; Yaong araw na ikaw ay tumayo sa harap ng Panginoon mong Dios sa Horeb, nang sabihin sa akin ng Panginoon, Papagpisanin mo sa akin ang bayan, at aking iparirinig sa kanila ang aking mga salita, upang sila'y magaral na matakot sa akin sa lahat ng araw na kanilang ikabubuhay sa ibabaw ng lupa, at upang kanilang maituro sa kanilang mga anak. At kayo'y lumapit at tumayo sa ibaba ng bundok; at ang bundok ay nagningas sa apoy hanggang sa kaibuturan ng langit, sangpu ng kadiliman, ulap, at salisalimuot na kadiliman. At ang Panginoo'y nagsalita sa inyo mula sa gitna ng apoy; inyong narinig ang tinig ng mga salita, nguni't wala kayong anyong nakita; ang inyo lamang narinig ay isang tinig. At kaniyang ipinahayag sa inyo ang kaniyang tipan, na kaniyang iniutos sa inyong ganapin, sa makatuwid baga'y ang sangpung utos; at kaniyang isinulat sa dalawang tapyas na bato.

Deuteronomio 4:1-13 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

“Ngayon, O Israel, pakinggan ninyong mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyo upang mabuhay kayo nang matagal at mapasainyo ang lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, na inyong Diyos. Huwag ninyo itong daragdagan ni babawasan. Sundin ninyo ang mga utos na ibinigay ko sa inyo mula kay Yahweh. Nakita ninyo ang ginawa ni Yahweh sa Baal-peor; nilipol niya ang lahat ng sumamba kay Baal, ngunit kayong nanatiling tapat kay Yahweh na inyong Diyos ay buháy pa hanggang ngayon. “Ngayon nga'y itinuturo ko sa inyo ang mga batas at tuntunin na ito gaya ng ipinag-utos sa akin ni Yahweh na ating Diyos. Sundin ninyo ang mga ito sa lupaing malapit na ninyong sakupin at tirhan. Unawain ninyo ito at sunding mabuti. Sa gayon makikita ng ibang bansa ang inyong karunungan at pang-unawa. Kaya't masasabi nila: ‘Ang dakilang bansang ito'y matalino at may malawak na pagkaunawa.’ “Sinong diyos ng ibang bansa ang handang tumulong anumang oras liban kay Yahweh? Aling bansa ang may makatarungang tuntunin at kautusan tulad ng ibinigay ko sa inyo ngayon? Ngunit mag-ingat kayo. Huwag ninyong kakalimutan o babale-walain ang mga bagay na inyong nasaksihan, habang kayo'y nabubuhay. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo. Huwag ninyong kalilimutan ang sinabi ni Yahweh nang kayo'y nasa harap ng Bundok ng Sinai: ‘Tipunin mo sa harapan ko ang buong bayan. Ituturo ko sa kanila ang aking mga utos upang magkaroon sila ng takot sa akin habang sila'y nabubuhay; ituturo naman nila ito sa kanilang mga anak.’ “At kayo'y nagtipon sa paanan ng bundok; ito'y naglagablab nang abot sa langit. Pagkatapos, nabalot ito ng ulap at kadiliman. Mula sa gitna ng apoy, nagsalita sa inyo si Yahweh; narinig ninyo ang kanyang tinig ngunit hindi ninyo siya nakita. Ipinahayag niya ang mga tuntunin ng kasunduang ginawa niya sa inyo, ang sampung utos na isinulat niya sa dalawang tapyas ng bato.

Deuteronomio 4:1-13 Ang Salita ng Dios (ASND)

Pagkatapos, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Pakinggan ninyo ang mga utos at tuntunin na ituturo ko sa inyo. Sundin ninyo ito para mabuhay kayo at makapanirahan sa lupaing ibinibigay sa inyo ng PANGINOON, ang Dios ng inyong mga ninuno. Huwag ninyong dadagdagan o babawasan ang mga utos na ibinigay ko sa inyo, mula sa PANGINOON na inyong Dios. Dapat ninyo itong sundin. Nakita ninyo ang ginawa ng PANGINOON sa Baal Peor. Pinatay ng PANGINOON na inyong Dios ang mga kapwa ninyo Israelita na sumamba kay Baal. Pero kayo na matapat sa PANGINOON na inyong Dios ay buhay pa hanggang ngayon. “Itinuturo ko sa inyo ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay sa akin ng PANGINOON na aking Dios para inyong sundin pagdating ninyo sa lupaing pupuntahan ninyo at titirhan. Sundin ninyo ito nang buong tapat, dahil sa pamamagitan nitoʼy maipapakita ninyo ang inyong kaalaman at pang-unawa sa ibang mga bansa. Kung maririnig nilang lahat ang tuntuning ito, sasabihin nila, ‘Totoo nga na marunong at may pang-unawa ang mga tao ng makapangyarihang bansang ito.’ Wala nang iba pang makapangyarihang bansa na may dios na malapit sa kanila gaya ng PANGINOON na ating Dios na malapit sa atin sa mga panahong tumatawag tayo sa kanya. At wala nang iba pang makapangyarihang bansa na may mga utos at tuntunin na katulad ng itinuro ko sa inyo ngayon. Pero mag-ingat kayo! Huwag ninyong kalilimutan ang mga bagay na inyong nakita na ginawa ng PANGINOON. Kailangang manatili ito sa inyong mga puso habang nabubuhay kayo. Sabihin ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo. Alalahanin ninyo ang araw na tumayo kayo sa harap ng PANGINOON na inyong Dios sa Bundok ng Sinai, kung saan sinabi niya sa akin, ‘Tipunin mo ang mga mamamayan sa aking presensya para makinig sa aking mga salita upang matuto silang gumalang sa akin habang nabubuhay pa sila, at para maituro nila ito sa kanilang mga anak.’ Pagkatapos, lumapit kayo sa akin at tumayo sa ibaba ng bundok habang naglalagablab ito na abot hanggang langit, na binalutan ng kadiliman dahil sa maitim na ulap. Pagkatapos, nagsalita ang PANGINOON mula sa gitna ng apoy. Narinig ninyo ang kanyang boses, pero wala kayong nakita. Sinabi niya sa inyo ang mga bagay na gagawin ninyo sa pagtupad ng mga kasunduan niya sa inyo. Ito ay ang Sampung Utos na iniutos niyang sundin ninyo. At isinulat niya ito sa dalawang malalapad na bato.

Deuteronomio 4:1-13 Ang Biblia (TLAB)

At ngayon, Oh Israel, dinggin mo ang mga palatuntunan at ang mga kahatulan, na aking itinuturo sa inyo, upang sundin ninyo; upang kayo'y mabuhay, at pumasok, at inyong ariin ang lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang. Huwag ninyong daragdagan ni babawasan ang salita na aking iniuutos sa inyo, upang inyong maingatan ang mga utos ng Panginoon ninyong Dios na aking iniuutos sa inyo. Nakita ng inyong mga mata ang ginawa ng Panginoon tungkol kay Baal-peor, sapagka't lahat ng mga tao na sumunod kay Baal-peor, ay nilipol ng Panginoon mong Dios sa gitna mo. Nguni't kayong umayon sa Panginoon ninyong Dios ay nangabubuhay pa ang bawa't isa sa inyo sa araw na ito. Narito, aking tinuruan kayo ng mga palatuntunan at ng mga kahatulan, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon kong Dios upang inyong gawing gayon sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang ariin. Ingatan nga ninyo at inyong isagawa; sapagka't ito ang inyong karunungan at ang inyong kaalaman sa paningin ng mga tao, na makakarinig ng mga palatuntunang ito, at magsasabi, Tunay na ang dakilang bansang ito ay isang pantas at maalam na bayan. Sapagka't anong dakilang bansa nga ang may dios na napakalapit sa kanila, na gaya ng Panginoon nating Dios kailan man tayo'y tumawag sa kaniya? At anong dakilang bansa nga, ang may mga palatuntunan at mga kahatulang napaka-tuwid na gaya ng buong kautusang ito, na aking inilalagda sa harap ninyo sa araw na ito? Magingat ka lamang sa iyong sarili, at ingatan mo ang iyong kaluluwa ng buong sikap, baka iyong malimutan ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata, at baka mangahiwalay sa iyong puso ang lahat ng araw ng iyong buhay; kundi iyong ipakilala sa iyong mga anak at sa mga anak ng iyong mga anak; Yaong araw na ikaw ay tumayo sa harap ng Panginoon mong Dios sa Horeb, nang sabihin sa akin ng Panginoon, Papagpisanin mo sa akin ang bayan, at aking iparirinig sa kanila ang aking mga salita, upang sila'y magaral na matakot sa akin sa lahat ng araw na kanilang ikabubuhay sa ibabaw ng lupa, at upang kanilang maituro sa kanilang mga anak. At kayo'y lumapit at tumayo sa ibaba ng bundok; at ang bundok ay nagningas sa apoy hanggang sa kaibuturan ng langit, sangpu ng kadiliman, ulap, at salisalimuot na kadiliman. At ang Panginoo'y nagsalita sa inyo mula sa gitna ng apoy; inyong narinig ang tinig ng mga salita, nguni't wala kayong anyong nakita; ang inyo lamang narinig ay isang tinig. At kaniyang ipinahayag sa inyo ang kaniyang tipan, na kaniyang iniutos sa inyong ganapin, sa makatuwid baga'y ang sangpung utos; at kaniyang isinulat sa dalawang tapyas na bato.

Deuteronomio 4:1-13 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)