Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II SAMUEL 23

23
Mga Huling Salita ni David
1Ngayon, ito ang mga huling salita ni David:
Ang mga sinabi ni David na anak ni Jesse,
ang sinabi ng lalaking inilagay sa itaas,
ang hinirang#23:1 o binuhusan ng langis. ng Diyos ni Jacob,
ang matamis na mang-aawit ng Israel:
2“Ang Espiritu ng Panginoon ay nagsasalita sa pamamagitan ko,
ang kanyang salita ay nasa aking dila.
3Ang Diyos ng Israel ay nagsalita,
sinabi sa akin ng Malaking Bato ng Israel:
Kapag ang isang tao ay may katarungang namumuno sa mga tao,
na namumunong may takot sa Diyos,
4siya'y sisikat sa kanila gaya ng liwanag sa umaga,
gaya ng araw na sumisikat sa isang umagang walang ulap,
gaya ng ulan na nagpapasibol ng damo sa lupa.
5Hindi ba't ang aking sambahayan ay natatag nang gayon sa harapan ng Diyos?
Sapagkat siya'y nakipagtipan sa akin ng isang walang hanggang tipan,
maayos sa lahat ng mga bagay at matatag.
Sapagkat hindi ba niya pasasaganain
lahat ng aking tulong at aking nais?
6Ngunit ang mga taong masasama ay gaya ng mga tinik na itinatapon;
sapagkat sila ay hindi makukuha ng kamay;
7ngunit ang taong humihipo sa kanila,
ay nagsasandata ng bakal at ng puluhan ng sibat;
at sila'y lubos na tinutupok ng apoy.”
8Ito ang mga pangalan ng mga mandirigma ni David: Si Josheb-bashebet na Takemonita, na pinuno ng mga kapitan;#23:8 o tatlo. ginamit niya ang kanyang sibat sa walong daan na pinatay niya nang minsanan.
9At kasunod niya sa tatlong magigiting na mandirigma ay si Eleazar, na anak ni Dodo, na anak ng isang Ahohita. Siya ay kasama ni David nang hamunin nila ang mga Filisteo na nagkakatipon doon upang makipaglaban, at ang mga tauhan ng Israel ay umalis.
10Siya'y bumangon at nilabanan ang mga Filisteo hanggang sa ang kanyang kamay ay nangalay, at ang kanyang kamay ay dumikit sa tabak; at ang Panginoon ay gumawa ng dakilang pagtatagumpay sa araw na iyon; at ang hukbo ay bumalik na kasunod niya, upang manamsam lamang sa mga napatay.
11At kasunod niya'y si Shammah na anak ni Age, na Hararita. Ang mga Filisteo ay nagtipun-tipon sa Lehi, na kinaroroonan ng isang pirasong lupa na punô ng lentehas; at ang mga tauhan ay tumakas sa mga Filisteo.
12Ngunit siya'y nanatili sa gitna ng taniman at ipinagtanggol ito, at pinatay ang mga Filisteo; at ang Panginoon ay gumawa ng isang dakilang tagumpay.
13At tatlo sa tatlumpung pinuno ay lumusong at pumunta kay David sa panahon ng pag-aani sa yungib ng Adullam nang ang isang pulutong ng mga Filisteo ay nakahimpil sa libis ng Refaim.
14Si David noon ay nasa kuta, at ang pulutong noon ng mga Filisteo ay nasa Bethlehem.
15May pananabik na sinabi ni David, “O may magbigay sana sa akin ng tubig na maiinom mula sa balon ng Bethlehem, na nasa tabi ng pintuang-bayan!”
16At ang tatlong mandirigma ay pumasok sa kampo ng mga Filisteo, at umigib ng tubig sa balon ng Bethlehem, na nasa tabi ng pintuang-bayan, kumuha ng tubig at dinala kay David. Ngunit ayaw niyang inumin iyon, kundi kanyang ibinuhos na alay sa Panginoon,
17at kanyang sinabi, “Malayo nawa sa akin, O Panginoon, na aking gawin ito. Iinumin ko ba ang dugo ng mga lalaki na pumaroon at itinaya ang kanilang buhay?” Kaya't ayaw niya itong inumin. Ang mga bagay na ito ay ginawa ng tatlong mandirigma.
18At si Abisai, na kapatid ni Joab, na anak ni Zeruia ay pinuno ng tatlumpu.#23:18 Sa ibang kasulatan ay tatlo. At kanyang ginamit ang kanyang sibat laban sa tatlong daan at kanyang pinatay sila, at nagkamit ng pangalan bukod sa tatlo.
19Siya ang pinakabantog sa tatlumpu,#23:19 Sa ibang kasulatan ay tatlo. at naging kanilang pinuno; subalit hindi siya umabot sa tatlo.
20Si Benaya, na anak ni Jehoiada ay isang matapang na lalaki na taga-Kabzeel, isang gumagawa ng mga dakilang gawa; na kanyang pinatay ang dalawang anak ni Ariel#23:20 Sa Hebreo ay walang anak ni … ng Moab. Siya'y lumusong din at pumatay ng isang leon sa isang hukay nang araw na bumagsak ang niyebe.
21Siya'y pumatay ng isang Ehipcio na isang magandang lalaki. Ang Ehipcio ay may sibat sa kanyang kamay; ngunit si Benaya ay lumusong sa kanya na may tungkod, at inagaw niya ang sibat sa kamay ng Ehipcio, at kanyang pinatay siya ng kanyang sariling sibat.
22Ang mga bagay na ito ay ginawa ni Benaya, na anak ni Jehoiada, at nagkamit ng pangalan bukod sa tatlong magigiting na mandirigma.
23Siya'y bantog sa tatlumpu, ngunit hindi siya umabot sa tatlo. At inilagay siya ni David na pinuno sa kanyang bantay.
24At si Asahel na kapatid ni Joab ay isa sa tatlumpu; si Elhanan na anak ni Dodo, na taga-Bethlehem,
25si Shammah na Harodita, si Elica na Harodita,
26si Heles na Paltita, si Ira na anak ni Ikkes na Tekoita,
27si Abiezer na Anatotita, si Mebunai na Husatita,
28si Zalmon na Ahohita, si Maharai na Netofatita,
29si Heleb na anak ni Baana, na Netofatita, si Itai na anak ni Ribai, na taga-Gibea, sa mga anak ni Benjamin,
30si Benaya na Piratonita, si Hiddai sa mga batis ng Gaas,
31si Abialbon na Arbatita, si Azmavet ng Bahurim,
32si Eliaba ng Saalbon, ang mga anak ni Jassen, si Jonathan,
33si Shammah na Hararita, si Ahiam na anak ni Sarar, na Hararita,
34si Elifelet na anak ni Asbai, na anak ni Maaca, si Eliam na anak ni Ahitofel ng Gilo,
35si Hesrai ng Carmel, si Farai na Arbita;
36si Igal na anak ni Natan na taga-Soba, si Bani na Gadita,
37si Selec na Ammonita, si Naharai ng Beerot, na mga tagadala ng sandata ni Joab na anak ni Zeruia;
38si Ira na Itreo, si Gareb na Itreo,
39si Urias na Heteo: silang lahat ay tatlumpu't pito.

Kasalukuyang Napili:

II SAMUEL 23: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in