Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II SAMUEL 22

22
Awit ng Pagtatagumpay ni David
(Awit 18)
1At binigkas ni David sa Panginoon ang mga salita ng awit na ito nang araw na iligtas siya ng Panginoon mula sa kamay ng lahat ng kanyang mga kaaway, at sa kamay ni Saul.
2At kanyang sinabi,
“Ang Panginoon ang aking malaking bato, ang aking tanggulan, at tagapagligtas ko,
3ang aking Diyos, ang aking malaking bato, na sa kanya'y nanganganlong ako,
ang aking kalasag, at sungay ng aking kaligtasan,
ang aking matayog na muog at aking kanlungan.
Tagapagligtas ko, ikaw ang nagliligtas sa akin mula sa karahasan.
4Ako'y tatawag sa Panginoon na siyang karapat-dapat papurihan,
at ako'y inililigtas sa aking mga kaaway.
5“Sapagkat pumalibot sa akin ang mga alon ng kamatayan,
dumaluhong sa akin ang mga agos ng kapahamakan,
6ang mga panali ng Sheol ay nagkabuhul-buhol sa akin,
ang mga silo ng kamatayan ay humarap sa akin.
7“Tumawag ako sa Panginoon sa aking kagipitan,
sa aking Diyos ako'y nanawagan.
Mula sa kanyang templo ay narinig niya ang aking tinig,
at ang aking daing ay umabot sa kanyang mga pandinig.
8“Nang magkagayo'y ang lupa'y umuga at nayanig,
ang mga saligan ng mga langit ay nanginig
at nilindol, sapagkat siya'y nagalit.
9Ang usok ay pumaitaas mula sa kanyang ilong,
at mula sa kanyang bibig ay ang apoy na lumalamon;
nag-aalab na mga baga mula sa kanya ay umapoy.
10Kanyang pinayukod ang langit, at bumaba;
makakapal na kadiliman ang nasa ilalim ng kanyang mga paa.
11Siya'y sumakay sa isang kerubin at lumipad;
siya'y nakita sa mga pakpak ng hangin.
12Ang kadilimang nasa paligid niya ay ginawa niyang kanyang lambong,
makakapal na ulap, tubig na nagtipun-tipon.
13Mula sa kaningningan sa kanyang harapan,
mga bagang apoy ay nag-alab.
14Ang Panginoon ay kumulog mula sa langit,
at ang Kataas-taasan ay bumigkas ng kanyang tinig.
15At siya'y nagpakawala ng mga palaso, at pinapangalat sila;
kumidlat, at pinuksa sila.
16Kaya't ang mga daluyan sa dagat ay lumitaw,
nalantad ang mga saligan ng sanlibutan,
dahil sa saway ng Panginoon,
sa hihip ng hininga ng kanyang ilong.
17“Siya'y bumaba mula sa itaas, ako'y kanyang sinagip,
iniahon niya ako mula sa maraming tubig.
18Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
mula sa mga napopoot sa akin;
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
19Sila'y dumating sa akin sa araw ng aking kapahamakan,
ngunit ang Panginoon ay siya kong sanggalang.
20Dinala niya ako sa isang malawak na dako;
sapagkat siya'y nalulugod sa akin, iniligtas niya ako.
21“Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ay kanya akong ginantihan.
22Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
at mula sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
23Sapagkat ang lahat niyang batas ay nasa aking harapan,
at mula sa kanyang mga tuntunin ay hindi ako humiwalay.
24Ako'y walang kapintasan sa harapan niya,
at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
25Kaya't ginantihan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
ayon sa aking kalinisan sa kanyang harapan.
26“Sa tapat ay nagpapakita ka ng katapatan;
sa taong walang kapintasan ay nagpapakita ka ng pagiging walang kapintasan;
27sa dalisay ay magpapakita ka ng kadalisayan;
at sa mga liko ay magpapakita ka ng kalikuan.
28Inililigtas mo ang isang bayang mapagpakumbaba,
ngunit ang iyong mga mata ay nasa mga mapagmataas upang sila'y iyong maibaba.
29Oo, ikaw ang aking ilawan, O Panginoon:
at tinatanglawan ng aking Diyos ang aking kadiliman.
30Oo, sa pamamagitan mo ang isang pangkat ay aking mapupuksa,
at sa pamamagitan ng aking Diyos ay aking malulukso ang isang kuta.
31Ang Diyos na ito—sakdal ang kanyang daan;
ang pangako ng Panginoon ay subok na tunay;
sa lahat ng kumakanlong sa kanya, siya'y pananggalang.
32“Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang Panginoon?
At sino ang malaking bato, liban sa ating Diyos?
33Ang Diyos ay aking matibay na tanggulan,
at ginawa niyang ligtas ang aking daan.
34Ginawa#Heb. 3:19 niyang gaya ng sa mga usa ang mga paa ko;
at pinatatag niya ako sa matataas na dako.
35Kanyang sinasanay ang aking mga kamay sa pakikidigma.
upang mabaluktot ng aking mga kamay ang tansong pana.
36Binigyan mo ako ng kalasag ng iyong kaligtasan,
at pinadakila ako ng iyong kaamuan.#22:36 o tulong.
37Binigyan mo ng malawak na dako, ang aking mga hakbang sa ilalim ko,
at ang aking mga paa ay hindi nadulas;
38Tinugis ko ang aking mga kaaway at pinuksa sila,
at hindi ako bumalik hanggang sa sila'y nalipol.
39Nilipol ko sila; inulos ko, anupa't sila'y hindi nakabangon;
sila'y nabuwal sa paanan ko.
40Sapagkat ako'y binigkisan mo ng lakas para sa pakikipaghamok,
ang aking mga kaaway, sa ilalim ko ay iyong pinalubog.
41Iyong pinatalikod sa akin ang mga kaaway ko,
yaong mga napopoot sa akin, at sila'y pinuksa ko.
42Sila'y tumingin, ngunit walang magliligtas;
sila'y dumaing sa Panginoon, ngunit sila'y hindi niya tinugon.
43Binayo ko silang gaya ng alabok sa lupa;
dinurog ko sila at niyurakang gaya ng putik sa mga lansangan.
44“Iniligtas mo ako sa mga alitan sa aking bayan;
iningatan mo ako bilang puno ng mga bansa;
naglingkod sa akin ang mga taong hindi ko kilala.
45Ang mga dayuhan ay dumating na sumusuko sa akin,
pagkarinig nila sa akin, sila'y sumunod sa akin.
46Ang mga dayuhan ay nanlulupaypay,
at lumabas na nanginginig mula sa kanilang mga kublihan.
47“Ang Panginoon ay buháy; at ang aking malaking bato'y papurihan;
at dakilain ang Diyos, ang malaking bato ng aking kaligtasan,
48ang Diyos na ipinaghiganti ako
ang mga bayan ay inilagay sa ilalim ko,
49na siyang naglabas sa akin mula sa aking mga kaaway;
sa ibabaw ng aking mga kaaway ako'y iyong tinanghal,
iniligtas mo ako sa mga taong mahilig sa karahasan.
50“Dahil#Ro. 15:9 dito'y pupurihin kita, O Panginoon, sa gitna ng mga bansa,
at aawitan ko ang iyong pangalan ng mga pagdakila.
51Dakilang pagtatagumpay ang sa kanyang hari'y ibinibigay,#22:51 Sa ibang kasulatan ay Siya ay isang tore ng kaligtasan.
at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanyang hinirang,#22:51 o binuhusan ng langis.
kay David at sa kanyang binhi magpakailanman.”

Kasalukuyang Napili:

II SAMUEL 22: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in