Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II SAMUEL 16

16
Sina David at Ziba
1Nang#2 Sam. 9:9, 10 si David ay makalampas ng kaunti sa tuktok, sinalubong siya ni Ziba na lingkod ni Mefiboset na may isang pares na magkatuwang na asno na may pasang dalawandaang tinapay, isandaang kumpol na pasas, isandaang prutas sa tag-araw, at alak sa isang sisidlang balat.
2Sinabi ng hari kay Ziba, “Bakit ka nagdala ng mga ito?” Sumagot si Ziba, “Ang mga asno ay upang sakyan ng sambahayan ng hari; ang tinapay at ang prutas sa tag-araw ay upang makain ng mga kabataan, at ang alak ay upang mainom ng napapagod sa ilang.”
3Sinabi#2 Sam. 19:25-27 ng hari, “Nasaan ang anak ng iyong panginoon?” At sinabi ni Ziba sa hari, “Siya'y nakatira sa Jerusalem; sapagkat kanyang sinabi, ‘Ngayo'y ibabalik sa akin ng sambahayan ng Israel ang kaharian ng aking ama.’”
4Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Ziba, “Narito, ang lahat ng pag-aari ni Mefiboset ay sa iyo na ngayon.” At sinabi ni Ziba, “Ako'y yumuyukod; makatagpo nawa ako ng biyaya sa paningin mo, panginoon kong hari.”
Sina David at Shimei
5Nang dumating si Haring David sa Bahurim, may lumabas na isang lalaki mula sa angkan ng sambahayan ni Saul, na ang pangala'y Shimei, na anak ni Gera. Habang siya'y lumalabas, siya'y patuloy na nagmumura.
6Kanyang pinagbabato si Haring David at ang lahat ng kanyang mga lingkod. Ang buong bayan, at ang lahat ng mga mandirigma ay nasa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa.
7Ganito ang sinasabi ni Shimei habang siya'y nagmumura, “Lumayas ka, lumayas ka, ikaw na mamamatay-tao, ikaw na taong walang kabuluhan!
8Ipinaghiganti sa iyo ng Panginoon ang lahat ng dugo ng sambahayan ni Saul na siya mong pinalitan sa pagiging hari. At ibinigay ng Panginoon ang kaharian sa kamay ni Absalom na iyong anak. Tingnan mo, dinatnan ka ng pagkawasak sapagkat ikaw ay mamamatay-tao.”
9Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai na anak ni Zeruia sa hari, “Bakit lalaitin nitong asong patay ang aking panginoong hari? Patawirin mo ako, at pupugutin ko ang kanyang ulo.”
10Subalit sinabi ng hari, “Anong pakialam ko sa inyo, kayong mga anak ni Zeruia? Kung siya'y nanlalait sapagkat sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Laitin mo si David,’ sino nga ang magsasabi, ‘Bakit ka gumawa ng ganyan?’”
11At sinabi ni David kay Abisai at sa lahat niyang mga lingkod, “Ang aking buhay ay tinutugis ng sarili kong anak; gaano pa nga kaya ang Benjaminitang ito? Bayaan ninyo siya, hayaan ninyo siyang manlait sapagkat inutusan siya ng Panginoon.
12Marahil ay titingnan ng Panginoon ang aking paghihirap, at gagantihan ako ng mabuti ng Panginoon sa panlalait sa akin sa araw na ito.”
13Kaya't nagpatuloy ng paglakad si David at ang kanyang mga tauhan, samantalang si Shimei ay humayo sa tagiliran ng bundok sa tapat niya. Habang humahayo, kanyang nilalait, binabato at sinasabuyan ng alabok si David.
14At ang hari at ang mga taong kasama niya ay pagod na dumating at nagpahinga siya roon.
Si Absalom sa Jerusalem
15Samantala, si Absalom at ang buong bayan ng Israel ay dumating sa Jerusalem, at si Ahitofel ay kasama niya.
16Nang si Husai na Arkita, na kaibigan ni David, ay dumating kay Absalom, sinabi ni Husai kay Absalom, “Mabuhay ang hari, mabuhay ang hari.”
17Sinabi ni Absalom kay Husai, “Ito ba ang katapatan mo sa iyong kaibigan? Bakit hindi ka sumama sa iyong kaibigan?”
18Sinabi ni Husai kay Absalom, “Hindi, kundi kung sinong piliin ng Panginoon, ng bayang ito, at ng lahat ng lalaki sa Israel, sa kanya ako sasama, at sa kanya ako mananatili.
19At saka, kanino ako maglilingkod? Hindi ba sa kanyang anak? Kung paanong ako'y naglingkod sa iyong ama, ay maglilingkod ako sa iyo.”
20Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom kay Ahitofel, “Ibigay ninyo ang inyong payo, ano ang ating gagawin?”
21At sinabi ni Ahitofel kay Absalom, “Sipingan mo ang mga asawang-lingkod ng iyong ama na kanyang iniwan upang pangalagaan ang bahay. Mababalitaan ng buong Israel na pinasama mo ang iyong sarili sa iyong ama. Kung magkagayo'y lalakas ang mga kamay ng lahat ng kasama mo.”
22Kaya't#2 Sam. 12:11, 12 ipinagtayo nila si Absalom ng isang tolda sa bubungan ng bahay; at sinipingan ni Absalom ang mga asawang-lingkod ng kanyang ama sa paningin ng buong Israel.
23Nang mga araw na iyon, ang payong ibinibigay ni Ahitofel ay para na ring ang isang tao ay sumangguni sa salita ng Diyos. Kaya't lahat ng payo ni Ahitofel ay pinapahalagahan, maging ni David o ni Absalom.

Kasalukuyang Napili:

II SAMUEL 16: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in