Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II SAMUEL 15

15
Si Absalom ay Nagsimula ng Paghihimagsik
1At nangyari pagkatapos nito, naghanda si Absalom ng isang karwahe at mga kabayo, at limampung lalaking tatakbo na nauuna sa kanya.
2Nakagawian na ni Absalom na bumangong maaga at tumayo sa tabi ng daan sa pintuang-bayan. Kapag ang isang tao ay may dalang usapin upang idulog sa hari para hatulan, tatawagin siya ni Absalom, at sasabihin, “Taga-saang bayan ka?” At kapag kanyang sinabi, “Ang iyong lingkod ay mula sa ganito o sa ganoong lipi ng Israel,”
3ay sasabihin ni Absalom sa kanya, “Tingnan mo, ang iyong usapin ay mabuti at matuwid; ngunit walang itinalaga ang hari upang pakinggan ka.”
4Bukod dito ay sinabi ni Absalom, “O naging hukom sana ako sa lupain! Kung gayon, ang bawat taong may usapin o ipinaglalaban ay lalapit sa akin at siya'y aking bibigyan ng katarungan.”
5At tuwing may taong lalapit upang magbigay-galang sa kanya, kanyang iniuunat ang kanyang kamay at hinahawakan siya, at hinahagkan.
6Gayon ang ginawa ni Absalom sa buong Israel na lumalapit sa hari upang hatulan; sa gayon naagaw ni Absalom ang puso ng mga tao ng Israel.
7At nangyari sa katapusan ng apat#15:7 Sa ibang mga kasulatan ay apatnapu. na taon, sinabi ni Absalom sa hari, “Hinihiling ko sa iyo na hayaan mo akong umalis at tuparin ko ang aking panata sa Panginoon, sa Hebron.
8Sapagkat ang iyong lingkod ay gumawa ng isang panata samantalang ako'y naninirahan sa Geshur sa Aram,#15:8 o Syria. na sinasabi, ‘Kung tunay na dadalhin akong muli ng Panginoon sa Jerusalem ay sasamba ako sa Panginoon.’”
9Sinabi ng hari sa kanya, “Humayo kang payapa.” Kaya't tumindig siya at pumunta sa Hebron.
10Ngunit si Absalom ay nagsugo ng mga espiya sa lahat ng mga lipi ng Israel, na sinasabi, “Pagkarinig ninyo ng tunog ng trumpeta ay inyo ngang sasabihin, ‘Si Absalom ay hari sa Hebron!’”
11Sumama kay Absalom ang dalawandaang lalaki na mga inanyayahang panauhin mula sa Jerusalem at sila'y pumaroong walang kamalay-malay, at walang nalalamang anuman.
12Samantalang si Absalom ay naghahandog, ipinasugo niya si Ahitofel na Gilonita na tagapayo ni David mula sa kanyang bayang Gilo. Ang pagsasabwatan ay lumakas at ang mga taong kasama ni Absalom ay patuloy na dumarami.
Tumakas si David mula sa Jerusalem
13Dumating ang isang sugo kay David, na nagsasabi, “Ang mga puso ng mga Israelita ay nasa panig na ni Absalom.”
14At sinabi ni David sa lahat ng kanyang mga lingkod na kasama niya sa Jerusalem, “Humanda kayo, at tayo'y tumakas sapagkat kung hindi ay hindi tayo makakatakas kay Absalom. Magmadali kayo, baka madali niya tayong abutan at bagsakan tayo ng masama, at sugatan ang lunsod ng talim ng tabak.”
15At sinabi ng mga lingkod ng hari sa hari, “Ang iyong mga lingkod ay handang gawin ang anumang ipasiya ng aming panginoong hari.”
16Kaya't umalis ang hari at ang buong sambahayan niya ay sumunod sa kanya. At nag-iwan ang hari ng sampung asawang-lingkod upang pangalagaan ang bahay.
17Humayo ang hari at ang taong-bayan na kasunod niya, at sila'y huminto sa huling bahay.
18Lahat niyang mga lingkod ay dumaan sa harapan niya; at ang lahat ng mga Kereteo, mga Peleteo, mga Geteo, at ang animnaraang lalaking sumunod sa kanya mula sa Gat ay dumaan sa harapan ng hari.
19Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Itai na Geteo, “Bakit pati ikaw ay sumasama sa amin? Bumalik ka at manatili kang kasama ng hari; sapagkat ikaw ay dayuhan at ipinatapon mula sa iyong tahanan.
20Kahapon ka lamang dumating, at ngayon ay gagawin ba kitang lagalag na kasama namin, samantalang hindi ko alam kung saan pupunta? Bumalik ka, at ibalik mo ang iyong mga kapatid; at nawa'y pagpakitaan ka ng Panginoon ng tapat na pag-ibig at katapatan.”
21Ngunit sumagot si Itai sa hari, “Habang buháy ang Panginoon at buháy ang aking panginoong hari, saanman naroroon ang aking panginoong hari, maging sa kamatayan o sa buhay, ay doroon din ang iyong lingkod.”
22At sinabi ni David kay Itai, “Kung gayon ay humayo ka at magpatuloy.” At si Itai na Geteo ay nagpatuloy, pati ang lahat niyang mga tauhan, at ang lahat ng mga batang kasama niya.
23At ang buong lupain ay umiyak nang malakas habang ang buong bayan ay dumaraan, at ang hari ay tumawid sa batis ng Cedron, at ang buong bayan ay tumawid sa daan patungo sa ilang.
Si Zadok, Abiatar, at si Husai ay Pinabalik
24Dumating si Abiatar, pati si Zadok at ang lahat na Levitang kasama niya na dala ang kaban ng tipan ng Diyos. Kanilang inilapag ang kaban ng Diyos hanggang sa ang buong bayan ay makalabas sa lunsod.
25Sinabi ng hari kay Zadok, “Ibalik mo ang kaban ng Diyos sa lunsod. Kapag ako'y nakatagpo ng biyaya sa mga mata ng Panginoon, ibabalik niya ako at ipapakita sa akin ang kaban at gayundin ang kanyang tahanan.
26Ngunit kung sabihin niyang ganito, ‘Hindi kita kinalulugdan;’ ako'y naririto, gawin niya sa akin ang inaakala niyang mabuti.”
27Sinabi rin ng hari kay Zadok na pari, “Nakikita mo ba? Bumalik kang payapa sa lunsod, kasama ang iyong dalawang anak, si Ahimaaz na iyong anak at si Jonathan na anak ni Abiatar.
28Tingnan mo, ako'y maghihintay sa mga tawiran sa ilang hanggang sa may dumating na salita na mula sa inyo upang ipabatid sa akin.”
29Kaya't dinala muli nina Zadok at Abiatar sa Jerusalem ang kaban ng Diyos at sila'y nanatili roon.
30Ngunit umahon si David sa ahunan sa Bundok ng mga Olibo, na umiiyak habang siya'y umaahon. Ang kanyang ulo ay may takip at lumalakad siya na walang suot ang paa; at ang buong bayan na kasama niya ay may takip ang ulo, at sila'y umahon at umiiyak habang umaahon.
31At ibinalita kay David, “Si Ahitofel ay isa sa mga kasabwat na kasama ni Absalom.” Sinabi ni David, “O Panginoon, hinihiling ko sa iyo, gawin mong kahangalan ang payo ni Ahitofel.”
32Nang si David ay makarating sa tuktok na doon ay sinasamba ang Diyos, si Husai na Arkita ay sumalubong sa kanya na ang damit ay punit at may lupa sa kanyang ulo.
33Sinabi ni David sa kanya, “Kapag ikaw ay nagpatuloy na kasama ko, ikaw ay magiging pasanin ko.
34Ngunit kung ikaw ay babalik sa lunsod, at sasabihin mo kay Absalom, ‘Ako'y magiging iyong lingkod, O hari. Kung paanong ako'y naging lingkod ng iyong ama nang panahong nakaraan ay gayon magiging lingkod mo ako ngayon;’ kung magkagayo'y iyong mapapawalang-saysay para sa akin ang payo ni Ahitofel.
35At hindi ba kasama mo roon si Zadok at si Abiatar na mga pari? Kaya't anumang marinig mo sa sambahayan ng hari, iyong sabihin kay Zadok at kay Abiatar na mga pari.
36Kasama nila roon ang kanilang dalawang anak, si Ahimaaz na anak ni Zadok, at si Jonathan na anak ni Abiatar. Sa pamamagitan nila ay inyong ipadadala sa akin ang bawat bagay na inyong maririnig.”
37Kaya't si Husai na kaibigan ni David ay dumating sa lunsod; samantalang si Absalom ay pumapasok sa Jerusalem.

Kasalukuyang Napili:

II SAMUEL 15: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in