Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II SAMUEL 15:13-37

II SAMUEL 15:13-37 ABTAG01

Dumating ang isang sugo kay David, na nagsasabi, “Ang mga puso ng mga Israelita ay nasa panig na ni Absalom.” At sinabi ni David sa lahat ng kanyang mga lingkod na kasama niya sa Jerusalem, “Humanda kayo, at tayo'y tumakas sapagkat kung hindi ay hindi tayo makakatakas kay Absalom. Magmadali kayo, baka madali niya tayong abutan at bagsakan tayo ng masama, at sugatan ang lunsod ng talim ng tabak.” At sinabi ng mga lingkod ng hari sa hari, “Ang iyong mga lingkod ay handang gawin ang anumang ipasiya ng aming panginoong hari.” Kaya't umalis ang hari at ang buong sambahayan niya ay sumunod sa kanya. At nag-iwan ang hari ng sampung asawang-lingkod upang pangalagaan ang bahay. Humayo ang hari at ang taong-bayan na kasunod niya, at sila'y huminto sa huling bahay. Lahat niyang mga lingkod ay dumaan sa harapan niya; at ang lahat ng mga Kereteo, mga Peleteo, mga Geteo, at ang animnaraang lalaking sumunod sa kanya mula sa Gat ay dumaan sa harapan ng hari. Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Itai na Geteo, “Bakit pati ikaw ay sumasama sa amin? Bumalik ka at manatili kang kasama ng hari; sapagkat ikaw ay dayuhan at ipinatapon mula sa iyong tahanan. Kahapon ka lamang dumating, at ngayon ay gagawin ba kitang lagalag na kasama namin, samantalang hindi ko alam kung saan pupunta? Bumalik ka, at ibalik mo ang iyong mga kapatid; at nawa'y pagpakitaan ka ng PANGINOON ng tapat na pag-ibig at katapatan.” Ngunit sumagot si Itai sa hari, “Habang buháy ang PANGINOON at buháy ang aking panginoong hari, saanman naroroon ang aking panginoong hari, maging sa kamatayan o sa buhay, ay doroon din ang iyong lingkod.” At sinabi ni David kay Itai, “Kung gayon ay humayo ka at magpatuloy.” At si Itai na Geteo ay nagpatuloy, pati ang lahat niyang mga tauhan, at ang lahat ng mga batang kasama niya. At ang buong lupain ay umiyak nang malakas habang ang buong bayan ay dumaraan, at ang hari ay tumawid sa batis ng Cedron, at ang buong bayan ay tumawid sa daan patungo sa ilang. Dumating si Abiatar, pati si Zadok at ang lahat na Levitang kasama niya na dala ang kaban ng tipan ng Diyos. Kanilang inilapag ang kaban ng Diyos hanggang sa ang buong bayan ay makalabas sa lunsod. Sinabi ng hari kay Zadok, “Ibalik mo ang kaban ng Diyos sa lunsod. Kapag ako'y nakatagpo ng biyaya sa mga mata ng PANGINOON, ibabalik niya ako at ipapakita sa akin ang kaban at gayundin ang kanyang tahanan. Ngunit kung sabihin niyang ganito, ‘Hindi kita kinalulugdan;’ ako'y naririto, gawin niya sa akin ang inaakala niyang mabuti.” Sinabi rin ng hari kay Zadok na pari, “Nakikita mo ba? Bumalik kang payapa sa lunsod, kasama ang iyong dalawang anak, si Ahimaaz na iyong anak at si Jonathan na anak ni Abiatar. Tingnan mo, ako'y maghihintay sa mga tawiran sa ilang hanggang sa may dumating na salita na mula sa inyo upang ipabatid sa akin.” Kaya't dinala muli nina Zadok at Abiatar sa Jerusalem ang kaban ng Diyos at sila'y nanatili roon. Ngunit umahon si David sa ahunan sa Bundok ng mga Olibo, na umiiyak habang siya'y umaahon. Ang kanyang ulo ay may takip at lumalakad siya na walang suot ang paa; at ang buong bayan na kasama niya ay may takip ang ulo, at sila'y umahon at umiiyak habang umaahon. At ibinalita kay David, “Si Ahitofel ay isa sa mga kasabwat na kasama ni Absalom.” Sinabi ni David, “O PANGINOON, hinihiling ko sa iyo, gawin mong kahangalan ang payo ni Ahitofel.” Nang si David ay makarating sa tuktok na doon ay sinasamba ang Diyos, si Husai na Arkita ay sumalubong sa kanya na ang damit ay punit at may lupa sa kanyang ulo. Sinabi ni David sa kanya, “Kapag ikaw ay nagpatuloy na kasama ko, ikaw ay magiging pasanin ko. Ngunit kung ikaw ay babalik sa lunsod, at sasabihin mo kay Absalom, ‘Ako'y magiging iyong lingkod, O hari. Kung paanong ako'y naging lingkod ng iyong ama nang panahong nakaraan ay gayon magiging lingkod mo ako ngayon;’ kung magkagayo'y iyong mapapawalang-saysay para sa akin ang payo ni Ahitofel. At hindi ba kasama mo roon si Zadok at si Abiatar na mga pari? Kaya't anumang marinig mo sa sambahayan ng hari, iyong sabihin kay Zadok at kay Abiatar na mga pari. Kasama nila roon ang kanilang dalawang anak, si Ahimaaz na anak ni Zadok, at si Jonathan na anak ni Abiatar. Sa pamamagitan nila ay inyong ipadadala sa akin ang bawat bagay na inyong maririnig.” Kaya't si Husai na kaibigan ni David ay dumating sa lunsod; samantalang si Absalom ay pumapasok sa Jerusalem.