Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA HARI 8

8
Bumalik ang Babae mula sa Sunem
1At#2 Ha. 4:8-37 sinabi ni Eliseo sa babae na ang anak ay kanyang muling binuhay, “Bumangon ka, at umalis kang kasama ang iyong sambahayan. Mangibang bayan ka kung saan ka makarating sapagkat tumawag ang Panginoon ng taggutom at ito ay darating sa lupain sa loob ng pitong taon.”
2Kaya't ang babae ay bumangon, at ginawa ang ayon sa salita ng tao ng Diyos. Siya'y umalis na kasama ang kanyang sambahayan, at nangibang bayan sa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong taon.
3At nangyari, sa katapusan ng ikapitong taon, pagbalik ng babae mula sa lupain ng mga Filisteo, siya'y humayo upang makiusap sa hari tungkol sa kanyang bahay at lupa.
4Ang hari noon ay nakikipag-usap kay Gehazi na lingkod ng tao ng Diyos, na sinasabi, “Sabihin mo sa akin ang lahat ng mga dakilang bagay na ginawa ni Eliseo.”
5At nangyari, samantalang kanyang sinasabi sa hari kung paanong kanyang ibinalik ang buhay ng patay, ang babae na ang anak ay kanyang muling binuhay ay nakiusap sa hari para sa kanyang bahay at lupa. Sinabi ni Gehazi, “Panginoon ko, O hari, ito ang babae, at ito ang kanyang anak na muling binuhay ni Eliseo.”
6Nang tanungin ng hari ang babae, ay isinalaysay niya ito sa kanya. Kaya't humirang ang hari ng isang pinuno para sa kanya na sinasabi, “Isauli mo ang lahat ng kanya, pati ang lahat ng bunga ng bukirin mula nang araw na kanyang iwan ang lupain hanggang ngayon.”
Si Eliseo at si Haring Ben-hadad ng Siria
7Si Eliseo ay pumunta sa Damasco samantalang si Ben-hadad na hari ng Siria ay may sakit. At nagsalita sa kanya, na sinasabi, “Ang tao ng Diyos ay naparito,”
8at sinabi ng hari kay Hazael, “Magdala ka ng isang kaloob, at humayo ka upang salubungin ang tao ng Diyos, at sumangguni ka sa Panginoon sa pamamagitan niya, na sinasabi, “Gagaling ba ako sa sakit na ito?”
9Kaya't umalis si Hazael upang salubungin siya, at nagdala siya ng kaloob, ng bawat mabuting bagay sa Damasco, na apatnapung pasang kamelyo. Nang siya'y dumating at tumayo sa harapan niya, ay sinabi niya, “Sinugo ako sa iyo ng anak mong si Ben-hadad na hari ng Siria, na sinasabi, ‘Gagaling ba ako sa sakit na ito?’”
10Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Humayo ka, sabihin mo sa kanya, ‘Ikaw ay tiyak na gagaling,’ subalit ipinakita sa akin ng Panginoon na siya'y tiyak na mamamatay.”
11Kanyang itinuon ang kanyang paningin at tumitig sa kanya, hanggang sa siya'y napahiya. At ang tao ng Diyos ay umiyak.
12At sinabi ni Hazael, “Bakit umiiyak ang aking panginoon?” At siya'y sumagot, “Sapagkat nalalaman ko ang kasamaan na iyong gagawin sa mga anak ni Israel. Ang kanilang mga tanggulan ay iyong susunugin ng apoy, at ang kanilang mga kabataang lalaki ay iyong papatayin ng tabak, at dudurugin ang kanilang mga bata, at iyong bibiyakin ang tiyan ng mga babaing buntis.”
13At#1 Ha. 19:15 sinabi ni Hazael, “Magagawa ba ng iyong lingkod na isang aso lamang ang ganitong napakalaking bagay?” At sumagot si Eliseo, “Ipinakita sa akin ng Panginoon na ikaw ay magiging hari sa Siria.”
14Pagkatapos ay iniwan niya si Eliseo at pumaroon sa kanyang panginoon, na nagsabi sa kanya, “Ano ang sinabi ni Eliseo sa iyo?” At siya'y sumagot, “Kanyang sinabi sa akin na tiyak na ikaw ay gagaling.”
15Subalit kinabukasan, kanyang kinuha ang munting kumot at binasa sa tubig, at iniladlad sa mukha niya hanggang siya'y namatay. At si Hazael ay naging hari na kapalit niya.
Si Haring Jehoram ng Juda
(2 Cro. 21:1-20)
16Nang ikalimang taon ni Joram na anak ni Ahab, na hari ng Israel, noong si Jehoshafat ay hari sa Juda, si Jehoram na anak ni Jehoshafat na hari ng Juda ay nagpasimulang maghari.
17Siya'y tatlumpu't dalawang taong gulang nang siya'y maging hari; at siya'y walong taong naghari sa Jerusalem.
18Siya'y lumakad sa landas ng mga hari ng Israel, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, sapagkat ang anak ni Ahab ay kanyang asawa. Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.
19Gayunma'y#1 Ha. 11:36 ayaw wasakin ng Panginoon ang Juda, alang-alang kay David na kanyang lingkod, yamang kanyang ipinangako na magbibigay siya ng isang ilawan sa kanya at sa kanyang mga anak magpakailanman.
20Sa#Gen. 27:40 kanyang mga araw ay naghimagsik ang Edom sa ilalim ng pamamahala ng Juda, at naglagay sila ng kanilang hari.
21Pagkatapos ay dumaan si Joram sa Seir kasama ang lahat niyang mga karwahe. Siya'y bumangon nang gabi, at pinatay niya at ng kanyang mga pinuno ang mga Edomita na nakapalibot sa kanya; ngunit ang kanyang mga tauhan ay tumakas sa kani-kanilang mga tolda.
22Sa gayo'y naghimagsik ang Edom laban sa pamumuno ng Juda, hanggang sa araw na ito. Ang Libna ay naghimagsik din nang panahon ding iyon.
23At ang iba pa sa mga gawa ni Joram, at ang lahat niyang ginawa, di ba nasusulat sa Aklat ng mga Kasaysayan#8:23 o Cronica. ng mga Hari ng Juda?
24At si Joram ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama nila sa lunsod ni David. Si Ahazias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Ahazias ng Juda
(2 Cro. 22:1-6)
25Nang ikalabindalawang taon ni Joram na anak ni Ahab, na hari ng Israel, nagsimulang maghari si Ahazias na anak ni Jehoram na hari sa Juda.
26Si Ahazias ay dalawampu't dalawang taong gulang nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Atalia na apo ni Omri na hari ng Israel.
27Siya'y lumakad din sa landas ng sambahayan ni Ahab, at gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, sapagkat siya'y manugang sa sambahayan ni Ahab.
28Siya'y sumama kay Joram na anak ni Ahab upang makipagdigma laban kay Hazael na hari ng Siria sa Ramot-gilead, na doon ay sinugatan ng mga taga-Siria si Joram.
29Si Haring Joram ay bumalik sa Jezreel upang magpagaling sa kanyang mga sugat na likha ng mga taga-Siria sa Rama nang siya'y lumaban kay Hazael na hari ng Siria. Si Ahazias na anak ni Jehoram, na hari ng Juda ay lumusong upang tingnan si Joram na anak ni Ahab sa Jezreel, sapagkat siya'y sugatan.

Kasalukuyang Napili:

II MGA HARI 8: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in