Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA HARI 7

7
1Ngunit sinabi ni Eliseo, “Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon. Ganito ang sabi ng Panginoon: Bukas sa ganitong oras, ang isang takal ng piling harina ay ipagbibili ng isang siklo, at ang dalawang takal ng sebada sa isang siklo sa pintuang-bayan ng Samaria.”
2Nang magkagayon, ang punong-kawal na sa kanyang kamay ay nakahilig ang hari, ay sumagot sa tao ng Diyos, “Kung mismong ang Panginoon ang gagawa ng mga dungawan sa langit, ito na kaya iyon?” Ngunit kanyang sinabi, “Makikita mo iyon ng iyong mga mata, ngunit hindi ka kakain mula roon.”
Umalis ang Hukbo ng Siria
3Noon ay mayroong apat na ketongin sa pasukan ng pintuang-bayan; at kanilang sinabi sa isa't isa, “Bakit nauupo tayo rito hanggang sa tayo'y mamatay?
4Kung ating sabihin, ‘Pumasok tayo sa lunsod,’ ang taggutom ay nasa lunsod, at mamamatay tayo roon; at kung tayo'y uupo rito, tayo'y mamamatay rin. Kaya't tayo na, pumunta tayo sa kampo ng mga taga-Siria. Kung ililigtas nila ang ating buhay, tayo'y mabubuhay; at kung tayo'y patayin nila, talagang tayo'y mamamatay.”
5Kaya't sila'y nagsitindig nang magtatakip-silim upang pumunta sa kampo ng mga taga-Siria. Ngunit nang sila'y dumating sa hangganan ng kampo ng mga taga-Siria ay walang tao roon.
6Sapagkat ipinarinig ng Panginoon sa hukbo ng mga taga-Siria ang dagundong ng mga karwahe, ng mga kabayo, at ang dagundong ng isang malaking hukbo, kaya't sinabi nila sa isa't isa, “Inupahan ng hari ng Israel laban sa atin ang mga hari ng mga Heteo, at ang mga hari ng mga Ehipcio upang sumalakay sa atin.”
7Kaya't sila'y nagsitakas nang takipsilim at iniwan ang kanilang mga tolda, ang kanilang mga kabayo, asno, at iniwan ang buong kampo sa dati nitong kaayusan at tumakas dahil sa kanilang buhay.
8Nang ang mga ketonging ito ay dumating sa gilid ng kampo, sila'y pumasok sa isang tolda, kumain at uminom, at nagsikuha ng pilak, ginto, at bihisan, at humayo at itinago ang mga iyon. Muli silang bumalik at pumasok sa ibang tolda, at kumuha ng mga bagay roon, at umalis at itinago ang mga iyon.
9Pagkatapos ay sinabi nila sa isa't isa, “Hindi tama ang ginagawa natin. Ang araw na ito ay araw ng mabuting balita. Kung tayo'y mananahimik at maghihintay ng liwanag sa kinaumagahan, parusa ang aabot sa atin. Tayo na ngayon, umalis na tayo at ating sabihin sa sambahayan ng hari.”
10Kaya't sila'y umalis at tinawag ang mga bantay-pinto ng lunsod at kanilang sinabi sa kanila, “Kami ay pumunta sa kampo ng mga taga-Siria, ngunit walang taong makikita o maririnig doon, liban sa mga nakataling kabayo, mga nakataling asno, at ang mga tolda sa dati nilang kaayusan.”
11At nagbalita ang mga bantay-pinto, at napabalita iyon sa loob ng sambahayan ng hari.
12Ang hari ay bumangon nang gabi, at sinabi sa kanyang mga lingkod, “Sasabihin ko sa inyo ngayon kung ano ang ginawa ng mga taga-Siria laban sa atin. Kanilang nalalaman na tayo'y gutom. Kaya't sila'y nagsilabas ng kampo upang kumubli sa parang, na iniisip na, ‘Kapag sila'y nagsilabas sa lunsod, kukunin natin silang buháy at papasok tayo sa lunsod.’”
13Sinabi ng isa sa kanyang mga lingkod, “Hayaan mong ang ilang tauhan ay kumuha ng lima sa mga kabayong nalalabi, yamang ang mga nalalabi rito ay magiging gaya rin lamang ng buong karamihan ng Israel na nangamatay na. Tayo'y magsugo at ating tingnan.”
14Kaya't sila'y nagsikuha ng dalawang lalaking naka-karwahe at sila ay sinugo ng hari upang tingnan ang hukbo ng mga taga-Siria, na sinasabi, “Humayo kayo at tingnan ninyo.”
15Kaya't kanilang sinundan sila hanggang sa Jordan; nakakalat sa buong daan ang mga kasuotan at mga kasangkapan na inihagis ng mga taga-Siria sa kanilang pagmamadali. Kaya't ang mga sugo ay bumalik at nagsalaysay sa hari.
16Pagkatapos ang taong-bayan ay lumabas at sinamsaman ang kampo ng mga taga-Siria. Kaya't ang isang takal ng mainam na harina ay naipagbili ng isang siklo, at ang dalawang takal ng sebada ay isang siklo, ayon sa salita ng Panginoon.
17At inihabilin ng hari sa punong-kawal na sinasandalan ng kanyang kamay sa pangangasiwa sa pintuang-bayan, at pinagtatapakan siya ng taong-bayan sa pintuang-bayan, kaya't siya'y namatay na gaya ng sinabi ng tao ng Diyos nang pumunta ang hari sa kanya.
18At nangyari, gaya ng sinabi ng tao ng Diyos sa hari, na sinasabi, “Ang dalawang takal ng sebada ay maipagbibili ng isang siklo, at ang isang takal ng mainam na harina ay isang siklo, bukas sa mga ganitong oras sa pintuang-bayan ng Samaria;”
19ang punong-kawal ay sumagot sa tao ng Diyos, at nagsabi, “Kung mismong ang Panginoon ay gagawa ng mga durungawan sa langit, mangyayari ba ang gayong bagay?” At kanyang sinabi, “Makikita mo iyon ng iyong mga mata, ngunit hindi ka kakain mula roon.”
20Kaya't iyon ang nangyari sa kanya, sapagkat tinapakan siya ng taong-bayan hanggang sa namatay sa pintuang-bayan.

Kasalukuyang Napili:

II MGA HARI 7: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in