Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA HARI 5:9-15

II MGA HARI 5:9-15 ABTAG01

Kaya't dumating si Naaman na dala ang kanyang mga kabayo at karwahe at huminto sa tapat ng pintuan ng bahay ni Eliseo. Si Eliseo ay nagpadala ng sugo sa kanya, na sinasabi, “Humayo ka at maligo sa Jordan ng pitong ulit. Ang iyong laman ay manunumbalik at ikaw ay magiging malinis.” Ngunit si Naaman ay nagalit, at umalis, na sinasabi, “Akala ko'y tiyak na lalabasin niya ako, at tatayo, at tatawag sa pangalan ng PANGINOON niyang Diyos, at iwawasiwas ang kanyang kamay sa lugar at pagagalingin ang ketongin. Hindi ba ang Abana at ang Farpar, na mga ilog ng Damasco, ay higit na mabuti kaysa lahat ng tubig sa Israel? Hindi ba ako maaaring maligo sa mga iyon, at maging malinis?” Kaya't siya'y pumihit at umalis na galit na galit. Ngunit ang kanyang mga lingkod ay nagsilapit at sinabi sa kanya, “Ama ko, kung iniutos sa iyo ng propeta na gumawa ng mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? Lalo na nga kung sabihin niya sa iyo, ‘Maligo ka at maging malinis ka?’” Kaya't lumusong siya at pitong ulit na lumubog sa Jordan, ayon sa sinabi ng tao ng Diyos. Ang kanyang laman ay nanumbalik na gaya ng laman ng isang munting bata, at siya'y naging malinis. Pagkatapos, siya at ang buong pulutong niya ay bumalik sa tao ng Diyos. Siya'y dumating, tumayo sa harapan niya, at kanyang sinabi, “Ngayo'y nalalaman ko na walang Diyos sa buong daigdig maliban sa Israel; kaya't tanggapin mo ang kaloob ng iyong lingkod.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa II MGA HARI 5:9-15