Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA HARI 5

5
Gumaling si Naaman
1Si#Lu. 4:7 Naaman na punong-kawal ng hukbo ng hari ng Siria, ay dakilang lalaki sa harapan ng kanyang panginoon at iginagalang, sapagkat sa pamamagitan niya'y nagbigay ang Panginoon ng pagtatagumpay sa Siria. Siya ay isang makapangyarihang lalaki na may kagitingan, subalit siya'y ketongin.
2Ang mga taga-Siria, sa isa sa kanilang pagsalakay ay nagdala ng bihag na dalagita mula sa lupain ng Israel, at siya'y naglingkod sa asawa ni Naaman.
3Sinabi niya sa kanyang babaing panginoon, “Sana'y naroon ang aking panginoon na kasama ng propeta na nasa Samaria! Kanyang pagagalingin siya sa kanyang ketong.”
4Kaya't si Naaman ay pumasok at sinabi sa kanyang panginoon kung ano ang sinabi ng dalagitang mula sa lupain ng Israel.
5At sinabi ng hari ng Siria, “Humayo ka, at ako'y magpapadala ng sulat sa hari ng Israel.” Kaya't siya'y humayo at nagdala ng sampung talentong pilak, anim na libong pirasong ginto, at sampung magagarang bihisan.
6Kanyang dinala ang sulat sa hari ng Israel, na nagsasaad, “Kapag dumating sa iyo ang sulat na ito, alam mo na aking sinugo sa iyo si Naaman na aking lingkod upang iyong pagalingin siya mula sa kanyang ketong.”
7Nang mabasa ng hari ng Israel ang sulat, kanyang pinunit ang kanyang suot at nagsabi, “Ako ba'y Diyos upang pumatay at bumuhay, na ang lalaking ito ay nagsugo sa akin upang pagalingin ang taong ito sa kanyang ketong? Tingnan mo lamang at makikita mong siya'y naghahanap ng pag-aawayan namin.”
8Ngunit nang mabalitaan ni Eliseo na tao ng Diyos na pinunit ng hari ng Israel ang kanyang suot, siya'y nagsugo sa hari, na sinasabi, “Bakit mo hinapak ang iyong damit? Paparituhin mo siya sa akin at nang kanyang malaman na may isang propeta sa Israel.”
9Kaya't dumating si Naaman na dala ang kanyang mga kabayo at karwahe at huminto sa tapat ng pintuan ng bahay ni Eliseo.
10Si Eliseo ay nagpadala ng sugo sa kanya, na sinasabi, “Humayo ka at maligo sa Jordan ng pitong ulit. Ang iyong laman ay manunumbalik at ikaw ay magiging malinis.”
11Ngunit si Naaman ay nagalit, at umalis, na sinasabi, “Akala ko'y tiyak na lalabasin niya ako, at tatayo, at tatawag sa pangalan ng Panginoon niyang Diyos, at iwawasiwas ang kanyang kamay sa lugar at pagagalingin ang ketongin.
12Hindi ba ang Abana at ang Farpar, na mga ilog ng Damasco, ay higit na mabuti kaysa lahat ng tubig sa Israel? Hindi ba ako maaaring maligo sa mga iyon, at maging malinis?” Kaya't siya'y pumihit at umalis na galit na galit.
13Ngunit ang kanyang mga lingkod ay nagsilapit at sinabi sa kanya, “Ama ko, kung iniutos sa iyo ng propeta na gumawa ng mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? Lalo na nga kung sabihin niya sa iyo, ‘Maligo ka at maging malinis ka?’”
14Kaya't lumusong siya at pitong ulit na lumubog sa Jordan, ayon sa sinabi ng tao ng Diyos. Ang kanyang laman ay nanumbalik na gaya ng laman ng isang munting bata, at siya'y naging malinis.
15Pagkatapos, siya at ang buong pulutong niya ay bumalik sa tao ng Diyos. Siya'y dumating, tumayo sa harapan niya, at kanyang sinabi, “Ngayo'y nalalaman ko na walang Diyos sa buong daigdig maliban sa Israel; kaya't tanggapin mo ang kaloob ng iyong lingkod.”
16Ngunit kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, na aking pinaglilingkuran, hindi ako tatanggap ng anuman.” At ipinilit niya na ito'y kanyang kunin, ngunit siya'y tumanggi.
17At sinabi ni Naaman, “Kung hindi, hayaan mong bigyan ang iyong lingkod ng lupang kasindami ng mapapasan ng dalawang mola; sapagkat buhat ngayon ang iyong lingkod ay hindi na maghahandog ng handog na susunugin o alay man sa ibang mga diyos, kundi sa Panginoon.
18Sa bagay na ito'y patawarin nawa ng Panginoon ang iyong lingkod: kapag ang aking panginoon ay pumasok sa bahay ni Rimon upang sumamba roon, at siya'y humilig sa aking kamay, at ako'y yumukod sa bahay ni Rimon. Pagyukod ko sa bahay ni Rimon, patawarin nawa ng Panginoon ang iyong lingkod sa isang bagay na ito.”
19Sinabi niya sa kanya, “Humayo kang payapa.” Kaya't siya ay lumayo sa kanya sa di-kalayuan.
20Ngunit si Gehazi, na lingkod ni Eliseo na tao ng Diyos ay nagsabi, “Tingnan mo, pinalampas ng aking panginoon ang Naamang ito na taga-Siria, sa di pagtanggap mula sa kanyang mga kamay ng kanyang dala. Habang buháy ang Panginoon, hahabulin ko siya, at kukuha ako ng kahit ano sa kanya.”
21Kaya't sinundan ni Gehazi si Naaman. Nang makita ni Naaman na may humahabol sa kanya, siya'y bumaba sa karwahe upang salubungin siya at sinabi, “Lahat ba'y mabuti?”
22At kanyang sinabi, “Lahat ay mabuti. Sinugo ako ng aking panginoon upang sabihin na, ‘May kararating pa lamang sa akin mula sa lupaing maburol ng Efraim na dalawang binata sa mga anak ng mga propeta. Bigyan mo sila ng isang talentong pilak, at dalawang pampalit na bihisan.’”
23Sinabi ni Naaman, “Tanggapin mo sana ang dalawang talento.” Kanyang hinimok siya, at ibinalot ang dalawang talentong pilak sa dalawang supot, pati ang dalawang pampalit na bihisan, at ipinasan sa dalawa sa kanyang mga tauhan, na nagdala ng mga iyon sa harapan ni Gehazi.
24Nang siya'y dumating sa burol, kinuha niya ang mga iyon sa kanila at itinago niya sa bahay. Pinahayo niya ang mga lalaki at sila'y umalis.
25Siya'y pumasok at tumayo sa harapan ng kanyang panginoon. At sinabi ni Eliseo sa kanya, “Saan ka nanggaling, Gehazi?” At kanyang sinabi, “Ang iyong lingkod ay walang pinaroonan.”
26Ngunit kanyang sinabi sa kanya, “Hindi ba sumama ako sa iyo sa espiritu nang ang lalaki ay bumalik mula sa kanyang karwahe upang salubungin ka? Panahon ba upang tumanggap ng salapi at mga bihisan, ng mga olibohan at mga ubasan, ng mga tupa at mga baka, ng mga aliping lalaki at babae?
27Kaya't ang ketong ni Naaman ay kakapit sa iyo, at sa iyong binhi magpakailanman.” At siya'y umalis sa kanyang harapan na isang ketongin, na kasimputi ng niyebe.

Kasalukuyang Napili:

II MGA HARI 5: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in