Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA HARI 4

4
Tinulungan ni Eliseo ang Dukhang Balo
1Ang asawa ng isa sa mga anak ng mga propeta ay dumaing kay Eliseo, “Ang iyong lingkod na aking asawa ay patay na. Nalalaman mo na ang iyong lingkod ay takot sa Panginoon, ngunit ang nagpapautang ay naparito upang kunin ang aking dalawang anak upang maging mga alipin niya.”
2At sinabi ni Eliseo sa kanya, “Anong gagawin ko para sa iyo? Sabihin mo sa akin; anong mayroon ka sa bahay?” At sinabi niya, “Ang iyong lingkod ay walang anumang bagay sa bahay liban sa isang bangang langis.”
3Nang magkagayo'y sinabi niya, “Lumabas ka, manghiram ka ng mga sisidlan sa lahat mong mga kapitbahay, mga sisidlang walang laman at huwag iilan lamang.
4Pagkatapos ay pumasok ka, ikaw at ang iyong mga anak ay magsasara ng pintuan, at iyong salinan ang lahat ng sisidlang iyon; at kapag punô na ang isa, itabi mo iyon.”
5Kaya't iniwan siya, at siya at ang kanyang mga anak ay nagsara ng pintuan; at habang kanilang dinadala ang mga sisidlan sa kanya, kanyang sinasalinan.
6Nang mapuno ang mga sisidlan, sinabi niya sa kanyang anak, “Dalhan mo pa ako ng isang sisidlan.” At sinabi niya sa kanya, “Walang iba pang sisidlan.” Pagkatapos ay tumigil ang langis sa pagdaloy.
7Ang babae ay dumating at sinabi ito sa tao ng Diyos. Sumagot ito sa babae, “Humayo ka at ipagbili mo ang langis, at bayaran mo ang iyong mga utang, at ikaw at ang iyong mga anak ay mabubuhay sa nalabi.”
Si Eliseo at ang Babaing Mayaman Mula sa Sunem
8Isang araw, si Eliseo ay dumaan sa Sunem, na roon ay nakatira ang isang mayamang babae, na humimok sa kanya na kumain ng tinapay. Kaya't tuwing siya'y daraan doon ay pumupunta siya roon upang kumain ng tinapay.
9Sinabi niya sa kanyang asawa, “Tingnan mo, aking nahahalata na ito'y isang banal na tao ng Diyos na laging nagdaraan sa atin.
10Gumawa tayo ng isang maliit na silid na may dingding, at ating ipaglagay siya roon ng isang higaan, isang hapag, isang upuan, at ng isang ilawan, upang tuwing siya'y darating sa atin, siya'y makakatuloy doon.”
11Isang araw, nang siya'y dumating doon, siya'y pumasok sa silid at nagpahinga roon.
12Sinabi niya kay Gehazi na kanyang lingkod, “Tawagin mo ang Sunamitang ito.” Nang matawag niya, siya'y tumayo sa harapan niya.
13Sinabi niya sa kanya, “Sabihin mo sa kanya, Yamang ikaw ay nag-abala ng lahat ng ito para sa amin, ano nga ang magagawa para sa iyo? Ibig mo bang ipakiusap kita sa hari, o sa punong-kawal ng mga hukbo?” At siya'y sumagot, “Ako'y naninirahang kasama ang aking kababayan.”
14At kanyang sinabi, “Ano ang dapat gawin para sa babae?” At sumagot si Gehazi, “Sa katunayan, siya'y walang anak, at ang kanyang asawa ay matanda na.”
15Kanyang sinabi, “Tawagin mo siya.” Nang kanyang matawag siya, ang babae ay tumayo sa pintuan.
16Sinabi#Gen. 18:4 niya, “Sa panahong ito, sa pag-ikot ng panahon, ikaw ay yayakap sa isang anak na lalaki.” At kanyang sinabi, “Hindi, panginoon ko, ikaw na tao ng Diyos; huwag kang magsinungaling sa iyong lingkod.”
17Ang babae ay naglihi at nanganak ng isang lalaki nang panahong iyon, sa pag-ikot ng panahon, gaya ng sinabi ni Eliseo sa kanya.
18Isang araw, nang malaki na ang bata, siya'y umalis patungo sa kanyang ama na kasama ng mga manggagapas.
19Kanyang idinaing sa kanyang ama, “Ang ulo ko, ang ulo ko!” At sinabi ng kanyang ama sa kanyang utusan, “Dalhin mo siya sa kanyang ina.”
20Kanyang binuhat siya at dinala sa kanyang ina; ang bata'y nakaupo sa kanyang kandungan hanggang sa katanghaliang-tapat; at siya'y namatay.
21Pumanhik ang babae at inihiga ang bata sa higaan ng tao ng Diyos, at kanyang pinagsarhan siya ng pintuan at lumabas.
22At kanyang tinawag ang kanyang asawa, at sinabi, “Pasamahin mo sa akin ang isa sa mga utusan, at ang isa sa mga asno, upang ako'y madaling makatungo sa tao ng Diyos, at makabalik uli.”
23At kanyang sinabi, “Bakit ka pupunta sa kanya ngayon? Hindi bagong buwan o Sabbath man.” At kanyang sinabi, “Ayos lang.”#4:23 Sa Hebreo ay mabuti.
24Nang magkagayo'y siniyahan ng babae ang isang asno, at sinabi niya sa kanyang tauhan, “Patakbuhin mo at humayo ka, huwag mong pabagalin ang takbo para sa akin, malibang sabihin ko sa iyo.”
25Kaya't humayo siya at dumating sa tao ng Diyos sa bundok ng Carmel. Nang matanaw siya ng tao ng Diyos mula sa malayo na siya ay dumarating, kanyang sinabi kay Gehazi na kanyang lingkod, “Tingnan mo, naroon ang Sunamita;
26tumakbo ka agad upang salubungin siya, at iyong sabihin sa kanya, Mabuti ka ba? Mabuti ba ang iyong asawa? Mabuti ba ang bata?” At siya'y sumagot, “Mabuti.”
27Nang siya'y dumating sa tao ng Diyos sa burol, siya'y humawak sa kanyang mga paa. At lumapit si Gehazi upang ilayo siya. Ngunit sinabi ng tao ng Diyos, “Hayaan mo siya, sapagkat siya'y nasa mapait na pagkabahala; at ito ay inilihim ng Panginoon sa akin, at hindi sinabi sa akin.”
28Nang magkagayo'y sinabi niya, “Ako ba'y humiling ng isang anak sa aking panginoon? Di ba sinabi ko, Huwag mo akong dayain?”
29Sinabi niya kay Gehazi, “Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at hawakan mo ang aking tungkod sa iyong kamay, at humayo ka. Kung ikaw ay makakasalubong ng sinumang tao, huwag mo siyang batiin; at kung ang sinuman ay bumati sa iyo, huwag mo siyang sagutin. At ipatong mo ang aking tungkod sa mukha ng bata.”
30At sinabi ng ina ng bata, “Habang buháy ang Panginoon, at ikaw ay nabubuhay, hindi kita iiwan.” Kaya't siya'y tumindig at sumunod sa kanya.
31Si Gehazi ay nauna sa kanila at ipinatong ang tungkod sa mukha ng bata; ngunit walang tunog o palatandaan ng buhay. Kaya't siya'y bumalik upang salubungin siya, at sinabi sa kanya, “Ang bata'y hindi pa nagigising.”
32Nang si Eliseo ay dumating sa bahay, nakita niyang ang bata ay patay at nakahiga sa kanyang higaan.
33Kaya't siya'y pumasok at sinarhan ang pintuan sa kanilang dalawa, at nanalangin sa Panginoon.
34Pagkatapos,#1 Ha. 17:21 siya'y sumampa at dumapa sa ibabaw ng bata, at idinikit ang kanyang bibig sa bibig nito, at ang kanyang mga mata sa mga mata nito, at ang kanyang mga kamay sa mga kamay nito; at habang siya'y nakadapa sa kanya, ang laman ng bata ay uminit.
35Muli siyang tumayo at minsang lumakad sa bahay na paroo't parito, at sumampa, at dumapa sa ibabaw niya. At ang bata'y pitong ulit na bumahin, at iminulat ng bata ang kanyang mga mata.
36Tinawag niya si Gehazi, at sinabi, “Tawagin mo ang babaing Sunamita.” Kaya't kanyang tinawag siya. Nang siya'y lumapit sa kanya, sinabi niya, “Kunin mo ang iyong anak.”
37Siya'y pumasok at nagpatirapa sa kanyang mga paa at yumukod sa lupa. Pagkatapos ay kinuha niya ang kanyang anak at umalis.
Dalawa Pang Kababalaghan
38Nang si Eliseo ay bumalik sa Gilgal, may taggutom sa lupain. Habang ang mga anak ng mga propeta ay nakaupo sa harapan niya, sinabi niya sa kanyang lingkod, “Isalang mo ang malaking palayok, at ipagluto mo ng pagkain ang mga anak ng mga propeta.”
39Ang isa sa kanila ay lumabas sa parang upang manguha ng mga gulayin, at nakakita ng isang baging na ligaw. Namitas siya roon hanggang sa ang kanyang kandungan ay napuno ng ligaw na bunga. Siya'y bumalik at pinagputul-putol ang mga iyon sa palayok ng pagkain, na hindi nalalaman kung ano ang mga iyon.
40Kanilang inihain ang ilan upang kainin ng mga tao. Subalit nang sila'y kumakain ng niluto, sila'y nagsisigaw, “O tao ng Diyos, may kamatayan sa palayok.” Hindi nila makain iyon.
41Ngunit kanyang sinabi, “Magdala rito ng kaunting harina.” Iyon ay kanyang inilagay sa palayok, at kanyang sinabi, “Ihain ninyo sa mga tao ninyo upang sila'y makakain.” At hindi na nagkaroon pa ng anumang nakakasama sa palayok.
42Dumating ang isang lalaki mula sa Baal-salisa, na may dala para sa tao ng Diyos na tinapay mula sa mga unang bunga, dalawampung tinapay na sebada, at mga sariwang uhay ng trigo na nasa kanyang sako. At sinabi ni Eliseo, “Ibigay mo sa mga tao, upang sila'y makakain.”
43Ngunit sinabi ng kanyang lingkod, “Paano ko ito maihahain sa harapan ng isandaang katao?” Kaya't kanyang inulit, “Ibigay mo sa mga tao upang sila'y makakain, sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sila'y kakain, at may matitira pa.’”
44Kaya't inihain niya ang mga iyon sa harapan nila. Sila'y kumain, at mayroong natira, ayon sa salita ng Panginoon.

Kasalukuyang Napili:

II MGA HARI 4: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in