Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA HARI 10

10
Pinatay ang mga Anak ni Ahab
1Si Ahab ay may pitumpung anak na lalaki sa Samaria. Kaya't gumawa si Jehu ng mga sulat, at ipinadala sa Samaria, sa mga pinuno sa Jezreel, sa matatanda, at sa mga tagapag-alaga ng mga anak ni Ahab, na sinasabi,
2“Pagdating ng sulat na ito sa inyo, yamang ang mga anak ng inyong panginoon ay kasama ninyo, at mayroon kayong mga karwahe at mga kabayo, at mga lunsod na may kuta, at mga sandata,
3piliin ninyo ang pinakamahusay at ang pinakamarapat sa mga anak ng inyong panginoon at iupo ninyo sa trono ng kanyang ama, at ipaglaban ninyo ang sambahayan ng inyong panginoon.”
4Ngunit sila'y lubhang natakot, at nagsabi, “Tingnan ninyo, hindi nakatagal sa kanya ang dalawang hari; paano nga tayo makakatagal sa kanya?”
5Kaya't ang tagapamahala ng palasyo, at ang tagapamahala ng lunsod, gayundin ang matatanda, at ang mga tagapag-alaga, ay nagsugo kay Jehu, na nagsasabi, “Kami ay iyong mga lingkod, at gagawin namin ang lahat ng iyong iuutos sa amin. Hindi namin gagawing hari ang sinuman; gawin mo ang mabuti sa iyong paningin.”
6Nang magkagayo'y gumawa siya ng ikalawang sulat sa kanila, na nagsasabi, “Kung kayo'y nasa aking panig, at kung kayo'y handang sumunod sa akin, kunin ninyo ang mga ulo ng mga anak na lalaki ng inyong panginoon, at pumarito kayo sa akin sa Jezreel bukas sa ganitong oras.” Ang mga anak ng hari na binubuo ng pitumpung katao ay kasama ng mga pinuno sa lunsod na nag-aalaga sa kanila.
7Nang ang sulat ay dumating sa kanila, kanilang kinuha ang mga anak ng hari na binubuo ng pitumpung katao; at pinagpapatay sila, at inilagay ang kanilang mga ulo sa mga basket, at ipinadala sa kanya sa Jezreel.
8Nang dumating ang sugo at sinabi sa kanya, “Kanilang dinala ang mga ulo ng mga anak ng hari,” ay kanyang sinabi, “Ilagay ninyo sila ng dalawang bunton sa pasukan ng pintuang-bayan hanggang sa kinaumagahan.”
9Kinaumagahan, nang siya'y lumabas, siya'y tumayo at sinabi sa buong bayan, “Kayo'y mga walang sala. Ako ang nakipagsabwatan laban sa aking panginoon at pumatay sa kanya; ngunit sinong pumatay sa lahat ng ito?
10Talastasin ninyo ngayon na walang salita ng Panginoon ang mahuhulog sa lupa, na sinabi ng Panginoon tungkol sa sambahayan ni Ahab; sapagkat ginawa ng Panginoon ang kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Elias.”
11Kaya't#Hos. 1:4 pinatay ni Jehu ang lahat ng nalabi sa sambahayan ni Ahab sa Jezreel, ang lahat niyang mga pinuno, at ang kanyang mga malapit na kaibigan, at ang kanyang mga pari, hanggang sa wala siyang itinira.
Pinatay ang mga Kapatid ni Haring Ahazias
12Pagkatapos siya'y naghanda at nagtungo sa Samaria. Sa daan, samantalang siya'y nasa Bet-eked ng mga Pastol,
13nakasalubong ni Jehu ang mga kapatid ni Ahazias na hari ng Juda, at sinabi niya, “Sino kayo?” At sila'y nagsisagot, “Kami ay mga kapatid ni Ahazias, at kami ay nagsilusong upang dalawin ang mga anak ng hari at ang mga anak ng reyna.”
14Sinabi niya, “Hulihin ninyo silang buháy.” Kanilang hinuli silang buháy, at pinatay sila sa hukay ng Bet-eked; wala siyang itinirang buháy sa kanila na binubuo ng apatnapu't dalawang katao.
15Nang siya'y makaalis mula roon, nasalubong niya si Jonadab na anak ni Recab na dumarating upang salubungin siya. Kanyang binati siya at sinabi sa kanya, “Ang iyo bang puso ay tapat, gaya ng aking puso sa iyong puso?” At sumagot si Jonadab, “Oo.” At sinabi ni Jehu, “Kung gayon, iabot mo sa akin ang iyong kamay.” At iniabot niya sa kanya ang kanyang kamay. At isinama siya ni Jehu at isinakay sa karwahe.
16At kanyang sinabi, “Sumama ka sa akin at tingnan mo ang aking sigasig sa Panginoon.” Kaya't kanilang pinasakay sila sa kanyang karwahe.
17Nang siya'y dumating sa Samaria, kanyang pinatay ang lahat ng nalabi kay Ahab sa Samaria, hanggang sa kanyang malipol sila, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi kay Elias.
Pinatay ang mga Sumasamba kay Baal
18Pagkatapos ay tinipon ni Jehu ang buong bayan, at sinabi sa kanila, “Si Ahab ay naglingkod kay Baal ng kaunti, ngunit si Jehu ay maglilingkod sa kanya ng marami.
19Ngayon nga'y tawagin ninyo sa akin ang lahat ng propeta ni Baal, ang lahat ng mga sumasamba sa kanya, at ang lahat niyang mga pari; walang sinuman ang mawawala, sapagkat mayroon akong dakilang handog na iaalay kay Baal. Sinumang wala roon ay hindi mabubuhay.” Ngunit ito'y ginawa ni Jehu na may katusuhan upang kanyang malipol ang mga sumasamba kay Baal.
20Iniutos ni Jehu, “Magdaos kayo ng isang taimtim na pagpupulong para kay Baal.” At kanilang ipinahayag iyon.
21Nagpasugo si Jehu sa buong Israel, at ang lahat ng sumasamba kay Baal ay nagsidating, kaya't walang taong naiwan na hindi dumating. Sila'y pumasok sa bahay ni Baal; at ang templo ni Baal ay napuno mula sa isang dulo hanggang sa kabila.
22Sinabi niya sa katiwala ng silid-bihisan, “Ilabas mo ang lahat ng mga kasuotang para sa lahat ng sumasamba kay Baal.” Kaya't inilabas niya ang mga kasuotan para sa kanila.
23Sina Jehu at Jonadab na anak ni Recab ay pumasok sa bahay ni Baal, at kanyang sinabi sa mga sumasamba kay Baal, “Maghanap kayo at tiyakin ninyo na wala kayo ritong kasamang lingkod ng Panginoon, kundi mga sumasamba kay Baal lamang.”
24At sila'y nagsipasok upang mag-alay ng mga handog at ng mga handog na sinusunog. Si Jehu naman ay nagtalaga ng walumpung lalaki sa labas, at sinabi, “Ang taong magpapatakas sa sinumang mga taong ibinigay ko sa inyong mga kamay, ang kanyang buhay ay ibibigay bilang kapalit.”
25Kaya't pagkatapos niyang makapag-alay ng mga handog na sinusunog, sinabi ni Jehu sa bantay at sa mga punong-kawal, “Kayo'y pumasok at patayin ninyo sila; huwag patatakasin ang sinuman.” Pinatay sila ng mga bantay at mga punong-kawal sa pamamagitan ng talim ng tabak at inihagis sila sa labas ng mga bantay at ng mga punong-kawal; pagkatapos ay pumasok sila sa loob ng bahay ni Baal,
26at kanilang inilabas ang mga haligi ng bahay ni Baal, at sinunog ito.
27At kanilang winasak ang haligi ni Baal, at winasak ang bahay ni Baal, at ginawang tapunan ng dumi hanggang sa araw na ito.
28Sa gayon pinawi ni Jehu si Baal mula sa Israel.
29Gayunma'y#1 Ha. 12:28-30 hindi humiwalay si Jehu sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dito'y ibinunsod niya sa pagkakasala ang Israel, samakatuwid ay ang mga guyang ginto na nasa Bethel at Dan.
30Sinabi ng Panginoon kay Jehu, “Sapagkat ikaw ay gumawa ng mabuti sa paggawa ng matuwid sa aking paningin, at iyong ginawa sa sambahayan ni Ahab ang ayon sa lahat ng nasa aking puso, ang iyong mga anak sa ikaapat na salinlahi ay uupo sa trono ng Israel.”
31Ngunit si Jehu ay hindi maingat sa paglakad ng kanyang buong puso sa kautusan ng Panginoong Diyos ng Israel. Siya'y hindi humiwalay sa mga kasalanan ni Jeroboam, na dito'y ibinunsod niya sa pagkakasala ang Israel.
Ang Kamatayan ni Jehu
32Nang mga araw na iyon ay pinasimulan ng Panginoon na putulan ng mga bahagi ang Israel. Ginapi sila ni Hazael sa buong nasasakupan ng Israel,
33mula sa Jordan patungong silangan, ang buong lupain ng Gilead, ang mga Gadita, ang mga Rubenita, ang mga Manasita, mula sa Aroer na nasa libis ng Arnon, na ito'y ang Gilead at ang Basan.
34Ang iba pang mga gawa ni Jehu, at ang lahat ng kanyang ginawa, at ang lahat niyang kagitingan, di ba ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan#10:34 o Cronica. ng mga Hari ng Israel?
35At si Jehu ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno at kanilang inilibing siya sa Samaria. At si Jehoahaz na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
36At ang panahong naghari si Jehu sa Israel sa Samaria ay dalawampu't walong taon.

Kasalukuyang Napili:

II MGA HARI 10: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in