Ang matanda, sa hinirang na ginang at sa kanyang mga anak, na aking iniibig sa katotohanan, at hindi lamang ako, kundi pati ang lahat ng mga nakakaalam ng katotohanan,
dahil sa katotohanan na nananatili sa atin, at sasaatin magpakailanman:
Sumaatin nawa ang biyaya, kahabagan, at kapayapaang mula sa Diyos Ama at kay Jesu-Cristo, ang Anak ng Ama, sa katotohanan at sa pag-ibig.
Ako'y labis na nagalak na aking natagpuan ang ilan sa iyong mga anak na lumalakad sa katotohanan, ayon sa utos na ating tinanggap mula sa Ama.
Ngunit ngayo'y hinihiling ko sa iyo, ginang, na hindi para bang sinusulatan kita ng isang bagong utos, kundi ang ating tinanggap buhat nang pasimula, na tayo'y mag-ibigan sa isa't isa.
At ito ang pag-ibig, na tayo'y lumakad ayon sa kanyang mga utos. Ito ang utos, na gaya ng inyong narinig nang pasimula, na doon kayo'y lumakad.
Maraming mandaraya na lumitaw sa sanlibutan, yaong mga hindi kumikilala na si Jesu-Cristo ay naparito sa laman; ito ang mandaraya at ang anti-Cristo.
Ingatan ninyo ang inyong sarili, upang huwag ninyong maiwala ang mga bagay na aming pinagpaguran, kundi upang tumanggap kayo ng lubos na gantimpala.
Ang sinumang lumalampas at hindi nananatili sa aral ni Cristo, ay hindi kinaroroonan ng Diyos; ang nananatili sa aral ay kinaroroonan ng Ama at gayundin ng Anak.
Kung sa inyo'y dumating ang sinuman at hindi dala ang aral na ito, huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, at huwag ninyo siyang batiin,
sapagkat ang bumabati sa kanya ay nakikibahagi sa kanyang masasamang gawa.
Kahit na marami akong bagay na isusulat sa inyo, minabuti kong huwag ng gumamit ng papel at tinta, kundi inaasahan kong pumariyan sa inyo at makipag-usap nang harapan, upang malubos ang ating kagalakan.
Ang mga anak ng iyong hinirang na kapatid na babae ay bumabati sa iyo.