II MGA TAGA CORINTO 4
4
Kayamanan sa Sisidlang-lupa
1Dahil dito, sa pagkakaroon namin ng ministeryong ito sa pamamagitan ng aming tinanggap na habag, kami ay hindi pinanghihinaan ng loob.
2Kundi itinatakuwil namin ang mga kahiyahiyang bagay na nakatago. Kami ay tumatangging gumawa ng katusuhan o gamitin sa pandaraya ang salita ng Diyos, kundi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan ay ipinapakilala namin ang aming sarili sa bawat budhi ng mga tao sa harapan ng Diyos.
3At kahit ang aming ebanghelyo ay natatalukbungan pa, ito ay may talukbong lamang sa mga napapahamak.
4Sa kanilang kalagayan, binulag ng diyos ng sanlibutang ito ang pag-iisip ng mga hindi mananampalataya, upang huwag nilang makita ang liwanag ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Diyos.
5Sapagkat hindi namin ipinangangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon, at kami ay inyong mga lingkod dahil kay Cristo.
6Sapagkat#Gen. 1:3 ang Diyos ang nagsabi, “Magningning ang ilaw sa kadiliman,” na siyang tumatanglaw sa aming mga puso upang magbigay-liwanag sa pagkakilala sa kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Jesu-Cristo.
7Ngunit taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, upang ipakita na ang nag-uumapaw na kapangyarihan ay mula sa Diyos, at hindi mula sa amin.
8Sa bawat panig ay pinagmamalupitan kami, subalit hindi nadudurog, nililito subalit hindi nawawalan ng pag-asa;
9pinag-uusig, subalit hindi pinababayaan; inilulugmok, subalit hindi napupuksa;
10na laging tinataglay sa katawan ang kamatayan ni Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag din sa aming katawan.
11Sapagkat habang nabubuhay, kami ay laging ibinibigay sa kamatayan dahil kay Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag sa aming laman na may kamatayan.
12Kaya't ang kamatayan ay gumagawa sa amin, subalit ang buhay ay sa inyo.
13Yamang#Awit 116:10 (LXX) tayo ay mayroong parehong espiritu ng pananampalataya, na ayon sa bagay na nasusulat, “Sumampalataya ako, kaya't ako ay nagsasalita,” kami rin ay sumasampalataya, kaya't kami ay nagsasalita;
14na aming nalalaman na ang bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin na kasama ni Jesus, at dadalhin kaming kasama ninyo sa kanyang harapan.
15Sapagkat ang lahat ng mga bagay ay alang-alang sa inyo, upang ang biyaya, habang parami nang parami ang mga taong naaabot nito, ay magparami ng pagpapasalamat sa ikaluluwalhati ng Diyos.
Pamumuhay sa Pananampalataya
16Kaya't kami ay hindi pinanghihinaan ng loob, bagamat ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, ang aming panloob na pagkatao ay binabago sa araw-araw.
17Sapagkat inihahanda tayo nitong magaan at panandaliang kapighatian para sa walang hanggan at di-masukat na kaluwalhatian,
18sapagkat hindi kami tumitingin sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay may katapusan, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.
Kasalukuyang Napili:
II MGA TAGA CORINTO 4: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001