Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA CRONICA 34:1-18

II MGA CRONICA 34:1-18 ABTAG01

Si Josias ay walong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng tatlumpu't isang taon sa Jerusalem. Kanyang ginawa ang matuwid sa paningin ng PANGINOON, at lumakad sa mga landas ni David na kanyang ninuno, at hindi siya lumiko sa kanan o sa kaliwa. Sapagkat sa ikawalong taon ng kanyang paghahari, samantalang siya'y bata pa, kanyang pinasimulang hanapin ang Diyos ni David na kanyang ninuno. At sa ikalabindalawang taon ay kanyang pinasimulang linisin ang Juda at Jerusalem sa matataas na dako, mga sagradong poste, mga larawang inukit, at mga larawang hinulma. At kanilang winasak ang mga dambana ng mga Baal sa kanyang harapan; at kanyang ibinagsak ang mga dambana ng insenso na nasa ibabaw nila. Ang mga sagradong poste, mga larawang inukit, at mga larawang hinulma ay kanyang pinagputul-putol, dinurog, at isinabog sa mga libingan ng naghandog sa kanila. Sinunog din niya ang mga buto ng mga pari sa kanilang mga dambana, at nilinis ang Juda at ang Jerusalem. At sa mga bayan ng Manases, Efraim, at Simeon, hanggang sa Neftali, sa kanilang mga guho sa palibot, ay kanyang winasak ang mga dambana at dinurog ang mga sagradong poste at mga larawang inukit hanggang maging alabok, at pinagputul-putol ang lahat ng dambana ng insenso sa buong lupain ng Israel. Pagkatapos ay bumalik siya sa Jerusalem. Sa ikalabingwalong taon ng kanyang paghahari, nang kanyang malinis na ang lupain at ang bahay, ay kanyang sinugo si Safan na anak ni Azalia, at si Maasias na tagapamahala ng lunsod, at si Joah na anak ni Joahaz na tagapagtala, upang kumpunihin ang bahay ng PANGINOON niyang Diyos. Sila'y pumunta kay Hilkias na pinakapunong pari at ibinigay ang salapi na dinala sa bahay ng Diyos na nalikom ng mga Levita at mga bantay sa pintuan mula sa kamay ng Manases at ng Efraim, at sa lahat ng nalabi sa Israel, Juda, Benjamin, at sa mga naninirahan sa Jerusalem. Iyon ay kanilang ibinigay sa mga manggagawang namamahala sa bahay ng PANGINOON; at ibinigay iyon ng mga manggagawa na gumagawa sa bahay ng PANGINOON upang kumpunihin at isaayos ang bahay. Ibinigay nila iyon sa mga karpintero at sa mga tagapagtayo upang ibili ng mga batong tinabas, at ng mga trosong panghalang at mga biga para sa mga gusaling hinayaang magiba ng mga hari ng Juda. At matapat na ginawa ng taong-bayan ang gawain. Inilagay na mga tagapamahala sa kanila sina Jahat at Obadias na mga Levita, mula sa mga anak ni Merari; at sina Zacarias at Mesulam, mula sa mga anak ng mga Kohatita upang mangasiwa. Ang mga Levita, na pawang bihasa sa mga kagamitang panugtog, ay namahala sa mga tagabuhat ng mga pasan at pinamamahalaan ang lahat ng gumagawa sa bawat uri ng paglilingkod; at ang ibang mga Levita ay mga manunulat, mga pinuno, at mga bantay-pinto. Samantalang kanilang inilalabas ang salaping ipinasok sa bahay ng PANGINOON, natagpuan ni Hilkias na pari ang aklat ng kautusan ng PANGINOON na ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Sinabi ni Hilkias kay Safan na kalihim, “Aking natagpuan ang aklat ng kautusan sa bahay ng PANGINOON.” At ibinigay ni Hilkias ang aklat kay Safan. Dinala ni Safan ang aklat sa hari, at bukod dito'y iniulat pa sa hari, “Lahat ng ipinamahala sa iyong mga lingkod ay kanilang ginagawa. Kanilang kinuhang lahat ang salaping natagpuan sa bahay ng PANGINOON at ibinigay ito sa kamay ng mga tagapamahala at mga manggagawa.” At sinabi ni Safan na kalihim sa hari, “Si Hilkias na pari ay nagbigay sa akin ng isang aklat.” At binasa ito ni Safan sa harapan ng hari.