Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Cronica 34:1-18

2 Cronica 34:1-18 ASND

Si Josia ay walong taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 31 taon. Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng PANGINOON at sumunod siya sa pamumuhay ng ninuno niyang si David. At hindi siya tumigil sa paggawa ng tama. Nang ikawalong taon ng paghahari niya, habang bata pa siya, nagsimula siyang dumulog sa Dios ng kanyang ninunong si David. At noong 12 taon ng paghahari niya, nilinis niya ang Juda at Jerusalem sa pamamagitan ng pagpapagiba ng mga sambahan sa matataas na lugar, ng mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, ng mga dios-diosan at mga imahen. Ipinagiba rin niya ang mga altar para kay Baal at ang mga altar na pagsusunugan ng insenso sa tabi nito. Ipinadurog niya ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, ang mga dios-diosan at ang mga larawan, at isinabog sa libingan ng mga taong naghandog sa mga ito. Ipinasunog din niya ang mga buto ng mga pari na dayuhan sa mga altar na pinaghahandugan ng mga ito. Sa ganitong paraan, nilinis niya ang Juda at Jerusalem. Ganito rin ang ginawa niya sa mga bayan ng Manase, Efraim, Simeon, at hanggang sa Naftali, pati sa gibang mga bayan sa paligid nito. Ipinagiba niya ang mga altar at ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, at ipinadurog ang mga dios-diosan at ang mga altar na pagsusunugan ng insenso. Pagkatapos niyang gawin ito sa buong Israel, umuwi siya sa Jerusalem. Sa ika-18 taon ng paghahari ni Josia, matapos niyang ipalinis ang lupain at ang templo, nagpasya siyang ipaayos ang templo ng PANGINOON na kanyang Dios. Ipinagkatiwala niyang ipagawa ito sa kanyang kalihim na si Shafan, na anak ni Azalia, sa gobernador ng Juda na si Maaseya, at sa tagapamahala ng mga kasulatan ng kaharian na si Joa, na anak ni Joahaz. Silaʼy pumunta kay Hilkia na punong pari para ibigay ang pera na dinala ng mga tao sa templo ng Dios. Ang pera ay kinolekta ng mga Levita na nagbabantay sa pintuan ng templo mula sa mga mamamayan ng Manase, Efraim, at sa natitirang mga mamamayan ng Israel, at sa mga mamamayan ng Juda at Benjamin, pati na sa Jerusalem. Pagkatapos, ibinigay ang pera sa mga tao na pinagkatiwalaang mamahala sa pag-aayos ng templo ng PANGINOON, at ginamit nila ito sa pag-upa ng mga manggagawa. Ang ibang pera ay ibinigay nila sa mga manggagawa para ibili ng mga batong tabas na at ng mga kahoy para sa biga ng templo na pinabayaang magiba ng mga hari ng Juda. Naging matapat ang mga manggagawa sa kanilang trabaho. Pinamahalaan sila ng apat na Levita na sina Jahat at Obadias, na mula sa angkan ni Merari, at Zacarias at Meshulam, na mula sa angkan ni Kohat. Nasa ilalim ng kanilang pamamahala ang mga manggagawa na may ibaʼt ibang trabaho. Mahuhusay magsitugtog ng mga instrumento ang mga Levita, at ang iba sa kanilaʼy mga kalihim, mga dalubhasa sa pagsulat ng mga dokumento, at mga tagapagbantay ng mga pintuan ng templo. Habang kinukuha ang pera na kinolekta sa templo ng PANGINOON, nakita ni Hilkia na pari ang Aklat ng Kautusan ng PANGINOON na ibinigay sa mga Israelita sa pamamagitan ni Moises. Ibinalita niya kay Shafan, na kalihim ng hari, na nakita niya ang Aklat ng Kautusan sa templo ng PANGINOON. Pagkatapos, ibinigay niya ito kay Shafan, at dinala ito ni Shafan sa hari. Sinabi niya agad sa hari, “Kaming mga opisyal ay ginawa ang lahat ng ipinagawa nʼyo sa amin. Kinuha namin ang pera sa templo ng PANGINOON at ibinigay sa mga pinagkatiwalaan sa pag-aayos ng templo.” Sinabi pa niya sa hari, “May ibinigay sa aking aklat si Hilkia na pari.” At binasa niya ito sa harapan ng hari.