Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I SAMUEL 30:18-30

I SAMUEL 30:18-30 ABTAG01

Binawi ni David ang lahat ng nakuha ng mga Amalekita, at iniligtas ni David ang kanyang dalawang asawa. Walang nawawala, kahit hamak o dakila man, kahit mga anak na lalaki o babae man, kahit samsam man, kahit anumang bagay na nakuha nila sa kanila; ibinalik na lahat ni David. Kinuha rin ni David ang lahat ng kawan at bakahan at dinala nang una sa ibang mga hayop. Sinasabi ng mga tao, “Ito'y samsam ni David.” At dumating si David sa dalawandaang lalaki na pagod na pagod upang makasunod kay David, na naiwan sa batis ng Besor. Sila'y lumabas upang salubungin si David at ang mga taong kasama niya. Nang mapalapit si David sa taong-bayan, siya'y nagpugay sa kanila. Nang magkagayo'y sumagot ang lahat ng masasamang tao, at mga taong mababang uri na lumabang kasama ni David, “Sapagkat hindi sila lumabang kasama namin, hindi namin sila bibigyan ng samsam na aming nabawi, maliban sa bawat lalaki na makukuha niya ang kanyang asawa at ang kanyang mga anak at umalis.” Ngunit sinabi ni David, “Mga kapatid ko, huwag ninyong gagawin ang gayon sa ibinigay sa atin ng PANGINOON. Kanyang iningatan tayo at ibinigay sa ating kamay ang pulutong na dumating laban sa atin. Sino ang makikinig sa inyo sa bagay na ito? Sapagkat kung gaano ang bahagi ng lumusong sa labanan ay gayundin ang bahagi ng naiwan sa dala-dalahan. Sila'y magkakaroon ng pare-parehong bahagi.” Mula noon, ginawa niya iyon na isang tuntunin at batas para sa Israel hanggang sa araw na ito. Nang dumating si David sa Siclag, siya'y nagpadala ng bahagi ng mga samsam sa kanyang mga kaibigan, ang matatanda ng Juda, na sinasabi, “Narito ang isang kaloob sa inyo mula sa samsam ng mga kaaway ng PANGINOON;” iyon ay para sa Bethel, sa Ramot ng Negeb, sa nasa Jatir; sa Aroer, sa Sifmot, sa Estemoa; sa Rachal, sa mga lunsod ng mga Jerameelita, sa mga lunsod ng mga Kineo; sa Horma, sa Chorasan, sa Atach

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya