Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I SAMUEL 10:1-16

I SAMUEL 10:1-16 ABTAG01

Nang magkagayo'y kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at ibinuhos ang langis sa ulo ni Saul at hinagkan siya; at sinabi, “Hindi ba hinirang ka ng PANGINOON upang maging pinuno sa kanyang mana? Pag-alis mo sa akin ngayon, masasalubong mo ang dalawang lalaki sa tabi ng libingan ni Raquel, sa nasasakupan ng Benjamin sa Selsa; sasabihin nila sa iyo, ‘Ang mga asno na iyong hinahanap ay natagpuan na at ngayon ay hindi na inaalala ng iyong ama ang mga asno at ang inaalala ay kayo na sinasabi, “Ano ang aking gagawin sa aking anak?”’ Kung magkagayo'y magpapatuloy ka mula roon, at darating ka sa ensina ng Tabor. Masasalubong ka roon ng tatlong lalaki na paahon sa Diyos sa Bethel; ang isa'y may dalang tatlong batang kambing, ang isa'y may dalang tatlong tinapay, at ang isa'y may dalang isang balat na sisidlan ng alak. Babatiin ka nila at bibigyan ka ng dalawang tinapay na iyong tatanggapin mula sa kanila. Pagkatapos ay darating ka sa burol ng Diyos na kinaroroonan ng isang himpilan ng mga Filisteo. Pagdating mo sa lunsod, makakasalubong ka ng isang pangkat ng mga propeta na lumulusong mula sa mataas na dako, na may alpa, pandereta, plauta, at lira sa harap nila; na nagpapahayag ng propesiya. Pagkatapos, ang Espiritu ng PANGINOON ay makapangyarihang lulukob sa iyo, at magsasalita ka ng propesiya na kasama nila at magiging ibang lalaki. Kapag ang mga tandang ito ay nangyari sa iyo, gawin mo ang anumang nakikita mong nararapat sapagkat ang Diyos ay kasama mo. Ikaw ay lulusong na una sa akin sa Gilgal; at, ako'y darating sa iyo upang maghandog ng mga handog na sinusunog, at mag-alay ng mga alay na handog pangkapayapaan. Maghihintay ka ng pitong araw hanggang sa ako'y dumating sa iyo at ipapakita ko sa iyo kung ano ang iyong gagawin.” Nang siya ay tumalikod upang iwan si Samuel ay binigyan siya ng Diyos ng ibang puso; at ang lahat na mga tandang ito ay nangyari sa araw na iyon. Pagdating nila sa Gibea, isang pangkat ng mga propeta ang sumalubong sa kanya; at ang Espiritu ng Diyos ay makapangyarihang sumakanya, at siya'y nagsalita ng propesiya kasama nila. Nang makita ng lahat ng nakakakilala sa kanya nang una kung paano siya magsalita ng propesiya kasama ng mga propeta, ang bayan ay nagsabi sa isa't isa, “Ano itong nangyari sa anak ni Kish? Si Saul ba ay isa na rin sa mga propeta?” Isang lalaking taga-roon ang sumagot at nagsabi, “At sino ang kanilang ama?” Kaya't naging kasabihan, “Si Saul ba ay isa na rin sa mga propeta?” Nang siya'y makatapos makapagsalita ng propesiya, siya'y pumunta sa isang mataas na dako. Sinabi ng tiyo ni Saul sa kanya at sa kanyang lingkod, “Saan kayo pumunta?” At kanyang sinabi, “Upang hanapin ang mga asno at nang ito ay hindi namin matagpuan ay pumunta kami kay Samuel.” Sinabi ng tiyo ni Saul, “Sabihin mo sa akin kung ano ang sinabi ni Samuel sa inyo.” Sinabi ni Saul sa kanyang tiyo, “Sinabi niyang maliwanag sa amin na ang mga asno ay natagpuan na.” Ngunit tungkol sa bagay ng kaharian na sinabi ni Samuel, hindi niya iyon sinabi sa kanya.