Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I SAMUEL 10

10
1Nang magkagayo'y kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at ibinuhos ang langis sa ulo ni Saul#10:1 Sa Hebreo ay niya. at hinagkan siya; at sinabi, “Hindi ba hinirang ka ng Panginoon upang maging pinuno sa kanyang mana?
2Pag-alis mo sa akin ngayon, masasalubong mo ang dalawang lalaki sa tabi ng libingan ni Raquel, sa nasasakupan ng Benjamin sa Selsa; sasabihin nila sa iyo, ‘Ang mga asno na iyong hinahanap ay natagpuan na at ngayon ay hindi na inaalala ng iyong ama ang mga asno at ang inaalala ay kayo na sinasabi, “Ano ang aking gagawin sa aking anak?”’
3Kung magkagayo'y magpapatuloy ka mula roon, at darating ka sa ensina ng Tabor. Masasalubong ka roon ng tatlong lalaki na paahon sa Diyos sa Bethel; ang isa'y may dalang tatlong batang kambing, ang isa'y may dalang tatlong tinapay, at ang isa'y may dalang isang balat na sisidlan ng alak.
4Babatiin ka nila at bibigyan ka ng dalawang tinapay na iyong tatanggapin mula sa kanila.
5Pagkatapos ay darating ka sa burol ng Diyos na kinaroroonan ng isang himpilan ng mga Filisteo. Pagdating mo sa lunsod, makakasalubong ka ng isang pangkat ng mga propeta na lumulusong mula sa mataas na dako, na may alpa, pandereta, plauta, at lira sa harap nila; na nagpapahayag ng propesiya.
6Pagkatapos, ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lulukob sa iyo, at magsasalita ka ng propesiya na kasama nila at magiging ibang lalaki.
7Kapag ang mga tandang ito ay nangyari sa iyo, gawin mo ang anumang nakikita mong nararapat sapagkat ang Diyos ay kasama mo.
8Ikaw ay lulusong na una sa akin sa Gilgal; at, ako'y darating sa iyo upang maghandog ng mga handog na sinusunog, at mag-alay ng mga alay na handog pangkapayapaan. Maghihintay ka ng pitong araw hanggang sa ako'y dumating sa iyo at ipapakita ko sa iyo kung ano ang iyong gagawin.”
Si Saul, Kasama ng Ibang mga Propeta
9Nang siya ay tumalikod upang iwan si Samuel ay binigyan siya ng Diyos ng ibang puso; at ang lahat na mga tandang ito ay nangyari sa araw na iyon.
10Pagdating nila sa Gibea, isang pangkat ng mga propeta ang sumalubong sa kanya; at ang Espiritu ng Diyos ay makapangyarihang sumakanya, at siya'y nagsalita ng propesiya kasama nila.
11Nang makita ng lahat ng nakakakilala sa kanya nang una kung paano siya magsalita ng propesiya kasama ng mga propeta, ang bayan ay nagsabi sa isa't isa, “Ano itong nangyari sa anak ni Kish? Si Saul ba ay isa na rin sa mga propeta?”
12Isang#1 Sam. 19:23, 24 lalaking taga-roon ang sumagot at nagsabi, “At sino ang kanilang ama?” Kaya't naging kasabihan, “Si Saul ba ay isa na rin sa mga propeta?”
13Nang siya'y makatapos makapagsalita ng propesiya, siya'y pumunta sa isang mataas na dako.
14Sinabi ng tiyo ni Saul sa kanya at sa kanyang lingkod, “Saan kayo pumunta?” At kanyang sinabi, “Upang hanapin ang mga asno at nang ito ay hindi namin matagpuan ay pumunta kami kay Samuel.”
15Sinabi ng tiyo ni Saul, “Sabihin mo sa akin kung ano ang sinabi ni Samuel sa inyo.”
16Sinabi ni Saul sa kanyang tiyo, “Sinabi niyang maliwanag sa amin na ang mga asno ay natagpuan na.” Ngunit tungkol sa bagay ng kaharian na sinabi ni Samuel, hindi niya iyon sinabi sa kanya.
Si Saul ay Ipinagbunyi Bilang Hari
17At tinipon ni Samuel ang bayan sa Panginoon sa Mizpa
18at sinabi niya sa mga anak ni Israel, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Iniahon ko ang Israel mula sa Ehipto, at pinalaya ko kayo sa kamay ng mga taga-Ehipto, at sa kamay ng lahat ng mga kaharian na nagpahirap sa inyo.’
19Ngunit itinakuwil ninyo sa araw na ito ang inyong Diyos na nagligtas sa inyo mula sa lahat ng inyong kapahamakan at mga kapighatian. Sinabi ninyo sa kanya, ‘Hindi, kundi maglagay ka sa amin ng isang hari.’ Ngayon nga'y humarap kayo sa Panginoon ayon sa inyu-inyong mga lipi, at ayon sa inyong mga libu-libo.”
20Sa gayo'y pinalapit ni Samuel ang lahat ng mga lipi, at ang lipi ni Benjamin ang nakuha sa palabunutan.
21Kanyang inilapit ang lipi ni Benjamin ayon sa kanyang mga angkan; at ang angkan ni Matri ay siyang napili. Si Saul na anak ni Kish ay siyang napili ngunit nang kanilang hanapin siya ay hindi natagpuan.
22Kaya't muli nilang itinanong sa Panginoon, “May lalaki pa bang pupunta rito?” At ang Panginoon ay sumagot, “Tingnan mo, siya'y nagtago sa mga dala-dalahan.”
23Sila'y tumakbo at kanilang kinuha siya mula roon. Nang siya'y tumayo sa gitna ng taong-bayan, siya ay mas mataas kaysa sinuman sa taong-bayan, mula sa kanyang mga balikat pataas.
24Sinabi ni Samuel sa buong bayan, “Nakikita ba ninyo siya na pinili ng Panginoon? Walang gaya niya sa buong bayan.” Ang buong bayan ay sumigaw at nagsabi, “Mabuhay ang hari!”
25Pagkatapos ay sinabi ni Samuel sa taong-bayan ang mga karapatan at katungkulan ng hari; at isinulat niya sa isang aklat at inilagay sa harap ng Panginoon. Pinauwi ni Samuel ang buong bayan, bawat tao sa kanyang bahay.
26Si Saul man ay umuwi sa kanyang bahay sa Gibea; at humayong kasama niya ang mga mandirigma na ang mga puso ay kinilos ng Diyos.
27Ngunit sinabi ng ilang hamak na tao, “Paano tayo ililigtas ng taong ito?” At kanilang hinamak siya at hindi nila dinalhan ng kaloob. Ngunit siya'y hindi umimik.

Kasalukuyang Napili:

I SAMUEL 10: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in