Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I SAMUEL 1:19-28

I SAMUEL 1:19-28 ABTAG01

Kinaumagahan, maaga silang bumangon at sumamba sa PANGINOON, pagkatapos ay umuwi sa kanilang bahay sa Rama. At nakilala ni Elkana si Ana na kanyang asawa, at inalala siya ng PANGINOON. Sa takdang panahon, si Ana ay naglihi at nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Samuel. Sapagkat sinabi niya, “Hiningi ko siya sa PANGINOON.” At ang lalaking si Elkana at ang buong sambahayan niya ay naglakbay upang maghandog sa PANGINOON ng taunang alay at upang tuparin ang kanyang panata. Ngunit si Ana ay hindi naglakbay sapagkat sinabi niya sa kanyang asawa, “Sa sandaling ang bata'y maihiwalay sa pagsuso ay dadalhin ko siya upang siya'y humarap sa PANGINOON, at manatili roon magpakailanman.” Sinabi sa kanya ni Elkana na kanyang asawa, “Gawin mo ang inaakala mong pinakamabuti sa iyo. Maghintay ka hanggang sa maihiwalay mo siya sa pagsuso; lamang, nawa'y pagtibayin ng PANGINOON ang kanyang salita.” Kaya't nanatili ang babae at inalagaan ang kanyang anak hanggang sa kanyang naihiwalay siya sa pagsuso. Nang kanyang maihiwalay na siya sa pagsuso, kanyang isinama siya na may dalang tatlong guyang lalaki, at isang efang harina, at alak sa isang sisidlang balat; at kanyang dinala siya sa bahay ng PANGINOON sa Shilo; at ang anak ay bata pa. Pagkatapos ay kanilang pinatay ang guyang lalaki at dinala ang bata kay Eli. Sinabi niya, “O panginoon ko! Habang ikaw ay buháy, aking panginoon, ako ang babaing nakatayo noon sa iyong harapan na dumadalangin sa PANGINOON. Dahil sa batang ito ako ay nanalangin, at ipinagkaloob sa akin ng PANGINOON ang aking kahilingan na idinulog sa kanya. Kaya't ipinapahiram ko siya sa PANGINOON; habang siya'y nabubuhay, siya ay ipinahiram sa PANGINOON.” At doon ay sumamba siya sa PANGINOON.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa I SAMUEL 1:19-28