Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I SAMUEL 1

1
Si Elkana at ang Kanyang Sambahayan sa Shilo
1May isang lalaking taga-Ramataim-zofim sa lupaing maburol ng Efraim na ang pangalan ay Elkana na anak ni Jeroham, na anak ni Eliu, na anak ni Tohu, na anak ni Zuf na Efraimita.
2Siya'y may dalawang asawa. Ang pangalan ng isa'y Ana at ang isa pa ay Penina. Si Penina ay may mga anak ngunit si Ana ay walang anak.
3Ang lalaking ito ay pumupunta taun-taon mula sa kanyang lunsod upang sumamba at maghandog sa Panginoon ng mga hukbo sa Shilo, na doon ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas ay mga pari ng Panginoon.
4Kapag dumarating ang araw na si Elkana ay naghahandog, kanyang binibigyan ng mga bahagi si Penina na kanyang asawa at ang lahat ng kanyang mga anak na lalaki at babae;
5ngunit si Ana ay binibigyan niya ng dobleng bahagi sapagkat minamahal niya si Ana, kahit na sinarhan ng Panginoon ang kanyang bahay-bata.
6Siya ay labis na ginagalit ng kanyang kaagaw upang inisin siya, sapagkat sinarhan ng Panginoon ang kanyang bahay-bata.
7Gayon ang nangyayari taun-taon. Tuwing pupunta siya sa bahay ng Panginoon ay ginagalit niya si Ana. Kaya't si Ana ay tumangis at ayaw kumain.
8Sinabi ni Elkana na kanyang asawa, “Ana, bakit ka umiiyak? Bakit hindi ka kumakain? At bakit nalulungkot ang iyong puso? Hindi ba ako'y higit pa sa iyo kaysa sampung anak?”
Si Ana at Eli
9Tumindig si Ana, pagkatapos na sila'y makakain at makainom sa Shilo. Noon, si Eli na pari ay nakaupo sa upuan niya sa tabi ng haligi ng pintuan ng templo ng Panginoon.
10Si Ana#1:10 Sa Hebreo ay Siya. ay labis na nabagabag at nanalangin sa Panginoon.
11Siya'y#Bil. 6:5 gumawa ng ganitong panata: “O Panginoon ng mga hukbo, kung tunay na iyong titingnan ang pagdurusa ng iyong lingkod, at aalalahanin ako at hindi kalilimutan ang iyong lingkod, kundi iyong pagkakalooban ang iyong lingkod ng anak na lalaki, aking ibibigay siya sa Panginoon sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay, at walang pang-ahit na daraan sa kanyang ulo.”
12Habang siya'y patuloy sa pananalangin sa harapan ng Panginoon, pinagmamasdan ni Eli ang kanyang bibig.
13Si Ana ay tahimik na nananalangin; tanging ang kanyang mga labi ang gumagalaw, ngunit ang kanyang tinig ay hindi naririnig. Kaya't inakala ni Eli na siya'y lasing.
14Kaya't sinabi ni Eli sa kanya, “Hanggang kailan ka magiging lasing? Alisin mo ang iyong alak.”
15Ngunit sumagot si Ana, “Hindi, panginoon ko. Ako'y isang babaing lubhang naguguluhan. Hindi ako nakainom ng alak o inuming nakakalasing, kundi aking ibinubuhos ang aking kaluluwa sa harapan ng Panginoon.
16Huwag mong ituring na babaing hamak ang iyong lingkod, sapagkat ako'y nagsasalita mula sa aking malaking pagkabalisa at pagkayamot.”
17Nang magkagayo'y sumagot si Eli at sinabi, “Humayo kang payapa at ipagkaloob nawa sa iyo ng Diyos ng Israel ang kahilingan na idinulog mo sa kanya.”
18At sinabi niya, “Makatagpo nawa ang iyong lingkod ng biyaya sa iyong paningin.” Sa gayo'y nagpatuloy ng kanyang lakad ang babae at kumain, at ang kanyang mukha'y hindi na malungkot.
Ipinanganak at Itinalaga si Samuel
19Kinaumagahan, maaga silang bumangon at sumamba sa Panginoon, pagkatapos ay umuwi sa kanilang bahay sa Rama. At nakilala ni Elkana si Ana na kanyang asawa, at inalala siya ng Panginoon.
20Sa takdang panahon, si Ana ay naglihi at nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Samuel.#1:20 Samakatuwid ay hiningi sa Diyos. Sapagkat sinabi niya, “Hiningi ko siya sa Panginoon.”
21At ang lalaking si Elkana at ang buong sambahayan niya ay naglakbay upang maghandog sa Panginoon ng taunang alay at upang tuparin ang kanyang panata.
22Ngunit si Ana ay hindi naglakbay sapagkat sinabi niya sa kanyang asawa, “Sa sandaling ang bata'y maihiwalay sa pagsuso ay dadalhin ko siya upang siya'y humarap sa Panginoon, at manatili roon magpakailanman.”
23Sinabi sa kanya ni Elkana na kanyang asawa, “Gawin mo ang inaakala mong pinakamabuti sa iyo. Maghintay ka hanggang sa maihiwalay mo siya sa pagsuso; lamang, nawa'y pagtibayin ng Panginoon ang kanyang salita.” Kaya't nanatili ang babae at inalagaan ang kanyang anak hanggang sa kanyang naihiwalay siya sa pagsuso.
24Nang kanyang maihiwalay na siya sa pagsuso, kanyang isinama siya na may dalang tatlong guyang lalaki, at isang efang harina, at alak sa isang sisidlang balat; at kanyang dinala siya sa bahay ng Panginoon sa Shilo; at ang anak ay bata pa.
25Pagkatapos ay kanilang pinatay ang guyang lalaki at dinala ang bata kay Eli.
26Sinabi niya, “O panginoon ko! Habang ikaw ay buháy, aking panginoon, ako ang babaing nakatayo noon sa iyong harapan na dumadalangin sa Panginoon.
27Dahil sa batang ito ako ay nanalangin, at ipinagkaloob sa akin ng Panginoon ang aking kahilingan na idinulog sa kanya.
28Kaya't ipinapahiram ko siya sa Panginoon; habang siya'y nabubuhay, siya ay ipinahiram sa Panginoon.” At doon ay sumamba siya sa Panginoon.

Kasalukuyang Napili:

I SAMUEL 1: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya