May isang lalaking taga-Ramataim-zofim sa lupaing maburol ng Efraim na ang pangalan ay Elkana na anak ni Jeroham, na anak ni Eliu, na anak ni Tohu, na anak ni Zuf na Efraimita.
Siya'y may dalawang asawa. Ang pangalan ng isa'y Ana at ang isa pa ay Penina. Si Penina ay may mga anak ngunit si Ana ay walang anak.
Ang lalaking ito ay pumupunta taun-taon mula sa kanyang lunsod upang sumamba at maghandog sa PANGINOON ng mga hukbo sa Shilo, na doon ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas ay mga pari ng PANGINOON.
Kapag dumarating ang araw na si Elkana ay naghahandog, kanyang binibigyan ng mga bahagi si Penina na kanyang asawa at ang lahat ng kanyang mga anak na lalaki at babae;
ngunit si Ana ay binibigyan niya ng dobleng bahagi sapagkat minamahal niya si Ana, kahit na sinarhan ng PANGINOON ang kanyang bahay-bata.
Siya ay labis na ginagalit ng kanyang kaagaw upang inisin siya, sapagkat sinarhan ng PANGINOON ang kanyang bahay-bata.
Gayon ang nangyayari taun-taon. Tuwing pupunta siya sa bahay ng PANGINOON ay ginagalit niya si Ana. Kaya't si Ana ay tumangis at ayaw kumain.
Sinabi ni Elkana na kanyang asawa, “Ana, bakit ka umiiyak? Bakit hindi ka kumakain? At bakit nalulungkot ang iyong puso? Hindi ba ako'y higit pa sa iyo kaysa sampung anak?”
Tumindig si Ana, pagkatapos na sila'y makakain at makainom sa Shilo. Noon, si Eli na pari ay nakaupo sa upuan niya sa tabi ng haligi ng pintuan ng templo ng PANGINOON.
Si Ana ay labis na nabagabag at nanalangin sa PANGINOON.
Siya'y gumawa ng ganitong panata: “O PANGINOON ng mga hukbo, kung tunay na iyong titingnan ang pagdurusa ng iyong lingkod, at aalalahanin ako at hindi kalilimutan ang iyong lingkod, kundi iyong pagkakalooban ang iyong lingkod ng anak na lalaki, aking ibibigay siya sa PANGINOON sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay, at walang pang-ahit na daraan sa kanyang ulo.”
Habang siya'y patuloy sa pananalangin sa harapan ng PANGINOON, pinagmamasdan ni Eli ang kanyang bibig.
Si Ana ay tahimik na nananalangin; tanging ang kanyang mga labi ang gumagalaw, ngunit ang kanyang tinig ay hindi naririnig. Kaya't inakala ni Eli na siya'y lasing.
Kaya't sinabi ni Eli sa kanya, “Hanggang kailan ka magiging lasing? Alisin mo ang iyong alak.”
Ngunit sumagot si Ana, “Hindi, panginoon ko. Ako'y isang babaing lubhang naguguluhan. Hindi ako nakainom ng alak o inuming nakakalasing, kundi aking ibinubuhos ang aking kaluluwa sa harapan ng PANGINOON.
Huwag mong ituring na babaing hamak ang iyong lingkod, sapagkat ako'y nagsasalita mula sa aking malaking pagkabalisa at pagkayamot.”
Nang magkagayo'y sumagot si Eli at sinabi, “Humayo kang payapa at ipagkaloob nawa sa iyo ng Diyos ng Israel ang kahilingan na idinulog mo sa kanya.”
At sinabi niya, “Makatagpo nawa ang iyong lingkod ng biyaya sa iyong paningin.” Sa gayo'y nagpatuloy ng kanyang lakad ang babae at kumain, at ang kanyang mukha'y hindi na malungkot.
Kinaumagahan, maaga silang bumangon at sumamba sa PANGINOON, pagkatapos ay umuwi sa kanilang bahay sa Rama. At nakilala ni Elkana si Ana na kanyang asawa, at inalala siya ng PANGINOON.
Sa takdang panahon, si Ana ay naglihi at nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Samuel. Sapagkat sinabi niya, “Hiningi ko siya sa PANGINOON.”
At ang lalaking si Elkana at ang buong sambahayan niya ay naglakbay upang maghandog sa PANGINOON ng taunang alay at upang tuparin ang kanyang panata.
Ngunit si Ana ay hindi naglakbay sapagkat sinabi niya sa kanyang asawa, “Sa sandaling ang bata'y maihiwalay sa pagsuso ay dadalhin ko siya upang siya'y humarap sa PANGINOON, at manatili roon magpakailanman.”
Sinabi sa kanya ni Elkana na kanyang asawa, “Gawin mo ang inaakala mong pinakamabuti sa iyo. Maghintay ka hanggang sa maihiwalay mo siya sa pagsuso; lamang, nawa'y pagtibayin ng PANGINOON ang kanyang salita.” Kaya't nanatili ang babae at inalagaan ang kanyang anak hanggang sa kanyang naihiwalay siya sa pagsuso.
Nang kanyang maihiwalay na siya sa pagsuso, kanyang isinama siya na may dalang tatlong guyang lalaki, at isang efang harina, at alak sa isang sisidlang balat; at kanyang dinala siya sa bahay ng PANGINOON sa Shilo; at ang anak ay bata pa.
Pagkatapos ay kanilang pinatay ang guyang lalaki at dinala ang bata kay Eli.
Sinabi niya, “O panginoon ko! Habang ikaw ay buháy, aking panginoon, ako ang babaing nakatayo noon sa iyong harapan na dumadalangin sa PANGINOON.
Dahil sa batang ito ako ay nanalangin, at ipinagkaloob sa akin ng PANGINOON ang aking kahilingan na idinulog sa kanya.
Kaya't ipinapahiram ko siya sa PANGINOON; habang siya'y nabubuhay, siya ay ipinahiram sa PANGINOON.” At doon ay sumamba siya sa PANGINOON.