Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Samuel 1:1-28

1 Samuel 1:1-28 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Sa Ramataim-zofim, isang bayan sa kaburulan ng Efraim ay may nakatirang lalaki na nagngangalang Elkana. Siya'y anak ni Jeroham at apo ni Elihu na mula sa sambahayan ni Tohu at mula sa angkan ni Zuf na Efrateo. Dalawa ang asawa ni Elkana, sina Ana at Penina. May mga anak si Penina ngunit si Ana ay wala. Taun-taon, pumupunta si Elkana sa Shilo upang sumamba at mag-alay ng mga handog kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Naglilingkod doon bilang mga pari ni Yahweh ang mga anak ni Eli na sina Hofni at Finehas. Tuwing maghahandog si Elkana, binibigyan niya ng tig-iisang bahagi si Penina at ang mga anak nito. Ngunit mga natatanging bahagi ang ibinibigay niya kay Ana sapagkat mahal na mahal niya ito bagama't hindi ipinahintulot ni Yahweh na ito'y magkaanak. Si Ana ay palaging kinukutya ni Penina dahil hindi niloob ni Yahweh na magkaroon siya ng anak. Ito'y ginagawa ni Penina taun-taon, tuwing pupunta sila sa bahay ni Yahweh. Labis naman itong dinaramdam ni Ana kaya't napapaiyak siya at hindi makakain. Kaya't nilalapitan siya ni Elkana at tinatanong, “Ana, bakit umiiyak ka na naman at ayaw mong kumain? Bakit ka nalulungkot? Hindi pa ba ako higit kaysa sa sampung anak na lalaki para sa iyo?” Minsan, matapos silang kumain sa Shilo, malungkot na pumunta si Ana at nanalangin sa bahay ni Yahweh. Nagkataong nakaupo sa may pintuan ng bahay ni Yahweh ang paring si Eli. Buong pait na lumuluha si Ana at taimtim na nanalangin kay Yahweh. Ganito ang kanyang panalangin: “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, kung papakinggan ninyo ang inyong abang lingkod at inyo pong kahahabagan, kung hindi ninyo ako pababayaan, sa halip ay pagkakalooban ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo at habang buhay na siya'y nakalaan sa inyo; hindi ko ipapaputol ang kanyang buhok.” Habang nananalangin si Ana, ang bibig niya'y pinagmamasdan ni Eli. Gumagalaw ang kanyang mga labi ngunit hindi naririnig ang kanyang tinig sapagkat siya'y nananalangin lamang sa sarili. Dahil dito, inakala ni Eli na siya'y lasing. Kaya, lumapit ito at sinabi sa kanya, “Tama na 'yang paglalasing mo! Tigilan mo na ang pag-inom ng alak at magpakatino ka na!” “Hindi po ako lasing,” sagot ni Ana. “Ni hindi po ako tumitikim ng alak. Ang damdamin ko po'y naghihirap at idinudulog ko kay Yahweh ang aking kalagayan. Huwag po sana ninyong isipin na ang inyong lingkod ay masamang babae. Ipinapahayag ko lamang ang matinding paghihirap ng aking damdamin.” Dahil dito, sinabi ni Eli, “Ipanatag mo ang iyong sarili at umuwi ka na. Ang Diyos ng Israel ang tutugon sa iyong kahilingan.” Sumagot si Ana, “Magkatotoo po sana ang inyong sinabi tungkol sa akin.” Pagkasabi niyon, bumalik sa kanilang tinutuluyan at kumaing wala na ang bigat ng kanyang kalooban. Kinabukasan, maagang-maaga silang sumamba kay Yahweh, at pagkatapos ay umuwi na sa Rama. Sinipingan ni Elkana si Ana, at dininig ni Yahweh ang dalangin nito. Nagbuntis siya at dumating ang araw na siya'y nagsilang ng isang sanggol na lalaki. Samuel ang ipinangalan niya rito sapagkat ang sabi niya, “Hiningi ko siya kay Yahweh.” Pagkalipas ng isang taon, si Elkana at ang kanyang sambahayan ay muling nagpunta sa Shilo upang ialay kay Yahweh ang taunang handog at upang tupdin ang kanyang panata. Sinabi ni Ana kay Elkana, “Hindi na muna ako sasama sa inyo ngayon. Hihintayin ko na ang panahong maaari na siyang mahiwalay sa akin. Paglaki niya, dadalhin ko siya sa bahay ni Yahweh at doon na siya titira sa buong buhay niya.” Sinabi ni Elkana, “Gawin mo kung ano ang inaakala mong mabuti. Hintayin mo na siyang lumaki at tulungan ka nawa ni Yahweh upang matupad ang pangako mo sa kanya.” Kaya naiwan si Ana at inalagaan ang kanyang anak. Nang lumaki na si Samuel, dinala siya ng kanyang ina sa bahay ni Yahweh sa Shilo. Nagdala pa siya ng isang torong tatlong taon, limang salop ng harina at alak na nakalagay sa sisidlang balat. Matapos ihandog ang baka, dinala nila kay Eli ang bata. Sinabi ni Ana, “Kung natatandaan ninyo, ako po ang babaing nakita ninyong nakatayo rito noon at nanalangin kay Yahweh. Hiniling ko sa kanya na ako'y pagkalooban ng anak at binigyan nga niya ako. Kaya naman po inihahandog ko siya kay Yahweh upang maglingkod sa kanya habang buhay.” Pagkatapos nito, sinamba nila si Yahweh.

1 Samuel 1:1-28 Ang Salita ng Dios (ASND)

May isang lalaking mula sa angkan ni Zuf na ang pangalan ay Elkana. Nakatira siya sa Rama, sa maburol na lupain ng Efraim. Anak siya ni Jeroham na anak ni Elihu. Si Elihu ay anak naman ni Tohu na anak ni Zuf, na mula sa lahi ni Efraim. Si Elkana ay may dalawang asawa. Sila ay sina Hanna at Penina. May mga anak si Penina pero si Hanna ay wala. Taun-taon, pumupunta si Elkana at ang sambahayan niya sa Shilo upang sumamba at maghandog sa PANGINOONG Makapangyarihan. Ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas ang mga pari ng PANGINOON sa Shilo. Sa tuwing maghahandog si Elkana, hinahati niya ang ibang bahagi ng kanyang handog para kay Penina at sa mga anak niya. Pero doble ang bahagi na ibinibigay niya kay Hanna dahil mahal niya ito kahit hindi siya nagkakaanak, dahil ginawa siyang baog ng Dios. At dahil hindi nga siya magkaanak, lagi siyang iniinis at hinihiya ni Penina na kanyang karibal. Ganito ang laging nangyayari taun-taon. Sa tuwing pupunta si Hanna sa bahay ng PANGINOON, iniinis siya ni Penina hanggang sa umiyak na lang siya at hindi na kumain. Sinasabi ni Elkana sa kanya, “Bakit ka umiiyak? Bakit ayaw mong kumain? Bakit ka malungkot? Mas mahalaga ba para sa iyo ang sampung anak kaysa sa akin?” Minsan, pagkatapos nilang kumain sa bahay ng PANGINOON sa Shilo, tumayo si Hanna at nanalangin nang umiiyak dahil sa labis na kalungkutan. Nakaupo noon ang pari na si Eli sa may pintuan ng bahay ng PANGINOON. Nangako si Hanna sa PANGINOON. Sinabi niya, “O PANGINOONG Makapangyarihan, tingnan po ninyo ang aking paghihirap. Alalahanin ninyo ang inyong lingkod at huwag ninyo akong kalimutan. Kung bibigyan nʼyo po ako ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo para maglingkod sa inyo sa buong buhay niya. At bilang tanda nang lubos niyang pagsunod sa inyo, hindi ko po pagugupitan ang kanyang buhok.” Habang patuloy siyang nananalangin sa PANGINOON, nakita ni Eli na bumubuka ang bibig ni Hanna pero hindi naririnig ang kanyang boses. Inakala ni Eli na lasing si Hanna, kaya sinabi niya sa kanya, “Hanggang kailan ka maglalasing? Tigilan mo na ang pag-inom!” Sumagot si Hanna, “Hindi po ako lasing, at hindi po ako nakainom ng kahit anong klase ng inumin. Ibinubuhos ko lang po sa PANGINOON ang paghihirap na aking nararamdaman. Huwag po ninyong isipin na masama akong babae. Nananalangin po ako rito dahil sa labis na kalungkutan.” Sinabi ni Eli, “Sige, umuwi kang mapayapa. Sanaʼy ipagkaloob ng Dios ng Israel ang hinihiling mo sa kanya.” Sumagot si Hanna, “Salamat po sa kabutihan ninyo sa akin.” Pagkatapos ay umalis na siya at kumain, at nawala na ang lungkot sa kanyang mukha. Kinabukasan, maagang bumangon si Elkana at ang kanyang pamilya, at silaʼy sumamba sa PANGINOON. Pagkatapos ay umuwi sila sa bahay nila sa Rama. Sinipingan ni Elkana si Hanna at sinagot ng PANGINOON ang panalangin ni Hanna na bigyan siya ng anak. At dumating ang panahon na nagbuntis siya at nanganak ng isang lalaki. Pinangalanan niya itong Samuel, dahil sinabi niya, “Hiningi ko siya sa PANGINOON.” Muling dumating ang panahon na si Elkana at ang buo niyang pamilya ay maghahandog sa PANGINOON gaya ng ginagawa nila taun-taon. Ito rin ang panahon na maghahandog siya bilang pagtupad sa panata niya sa PANGINOON. Pero hindi sumama si Hanna. Sinabi niya sa kanyang asawa, “Kapag naawat na ang sanggol sa pagsuso sa akin, dadalhin ko siya sa bahay ng PANGINOON para ihandog sa kanya. Doon na siya titira sa buong buhay niya.” Sumagot si Elkana, “Gawin mo kung ano ang sa tingin moʼy mabuti. Dito ka na lang muna hanggang sa maawat mo na ang sanggol. Tulungan ka sana ng PANGINOON na matupad ang ipinangako mo sa kanya.” Kaya nagpaiwan si Hanna at inalagaan ang kanyang anak. Nang maawat na ang bata, dinala siya ni Hanna sa bahay ng PANGINOON sa Shilo. Nagdala rin siya ng tatlong taong gulang na toro, kalahating sako ng harina at katas ng ubas na nakalagay sa balat na sisidlan. Matapos katayin ang toro, dinala nila si Samuel kay Eli. Sinabi ni Hanna kay Eli, “Kung natatandaan nʼyo po, ako ang babaeng tumayo rito noon na nanalangin sa PANGINOON. Hiningi ko po ang batang ito sa PANGINOON at ibinigay niya ang kahilingan ko. Kaya ngayon, ihahandog ko po siya sa PANGINOON. Maglilingkod po ang batang ito sa PANGINOON sa buong buhay niya.” Pagkatapos ay sumamba sila sa PANGINOON.

1 Samuel 1:1-28 Ang Biblia (TLAB)

May isa ngang lalake na taga Ramathaim-sophim, sa lupaing maburol ng Ephraim, at ang pangalan niya'y Elcana, na anak ni Jeroham, na anak ni Eliu, na anak ni Thohu, na anak ni Suph na Ephraimita: At siya'y may dalawang asawa; ang pangalan ng isa'y Ana, at ang pangalan ng isa'y Peninna: at si Peninna ay may mga anak nguni't si Ana ay walang anak. At ang lalaking ito ay umaahon sa taon-taon mula sa kaniyang bayan upang sumamba at maghain sa Panginoon ng mga hukbo sa Silo. At ang dalawang anak ni Eli, na si Ophni at si Phinees, na mga saserdote sa Panginoon, ay nangandoon. At pagka dumarating ang araw na si Elcana ay naghahain, ay kaniyang binibigyan ng mga bahagi si Peninna na kaniyang asawa, at ang lahat ng kaniyang mga anak na lalake at babae: Nguni't si Ana ay binibigyan niya ng ibayong bahagi: sapagka't minamahal niya si Ana, bagaman sinarhan ng Panginoon ang kaniyang bahay-bata. At minumungkahi siyang mainam ng kaniyang kaagaw upang yamutin siya, sapagka't sinarhan ng Panginoon ang kaniyang bahay-bata. At gayon ang ginagawa niya sa taon-taon, na pagka inaahon niya ang bahay ng Panginoon ay minumungkahi niyang gayon ang isa; kaya't siya'y umiiyak, at hindi kumakain. At sinabi ni Elcana na kaniyang asawa sa kaniya, Ana, bakit ka umiiyak? at bakit hindi ka kumakain? at bakit nagdadalamhati ang iyong puso? hindi ba ako mabuti sa iyo kay sa sangpung anak? Sa gayo'y bumangon si Ana pagkatapos na makakain sila sa Silo at pagkatapos na sila'y makainom. Ngayo'y si Eli na saserdote ay nakaupo sa upuan niya sa siping ng haligi ng pintuan ng templo ng Panginoon. At siya'y nanalangin sa Panginoon ng buong paghihinagpis ng kaluluwa, at tumangis na mainam. At siya'y nanata ng isang panata, at nagsabi, Oh Panginoon ng mga hukbo, kung tunay na iyong lilingunin ang pagkapighati ng iyong lingkod, at aalalahanin mo at hindi mo kalilimutan ang iyong lingkod, kundi iyong pagkakalooban ang iyong lingkod ng anak na lalake, ay akin ngang ibibigay sa Panginoon sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay, at walang pangahit na daraan sa kaniyang ulo. At nangyari, habang siya'y nananatili ng pananalangin sa harap ng Panginoon, ay pinagmamasdan ni Eli ang kaniyang bibig. Si Ana nga'y nagsasalita sa kaniyang puso; ang kaniya lamang mga labi ang gumagalaw, nguni't ang kaniyang tinig ay hindi naririnig: kaya't inakala ni Eli na siya'y lasing. At sinabi ni Eli sa kaniya, Hanggang kailan magiging lasing ka? ihiwalay mo ang iyong alak sa iyo. At sumagot si Ana, at nagsabi, Hindi, panginoon ko, ako'y isang babae na may diwang mapanglaw: hindi ako nakainom ng alak o inuming nakalalasing, kundi aking inihayag ang aking kaluluwa sa harap ng Panginoon. Huwag mong ibilang na babaing hamak ang iyong lingkod: sapagka't sa kasaganaan ng aking daing at ng aking pagkaduwahagi ay nagsalita ako hanggang ngayon. Nang magkagayo'y sumagot si Eli, at nagsabi, Yumaon kang payapa: at ipagkaloob nawa sa iyo ng Dios ng Israel ang iyong hiling na hinihingi mo sa kaniya. At sinabi niya, Makasumpong nawa ang iyong lingkod ng biyaya sa iyong paningin. Sa gayo'y nagpatuloy ng kaniyang lakad ang babae at kumain, at ang kaniyang mukha'y hindi na malumbay. At sila'y bumangong maaga ng kinaumagahan, at sumamba sa Panginoon, at bumalik, at umuwi sa kanilang bahay sa Ramatha; at nakilala ni Elcana si Ana na kaniyang asawa; at inalaala siya ng Panginoon. At nangyari, nang sumapit ang panahon, na si Ana ay naglihi, at nanganak ng isang lalake; at tinawag ang pangalan niya na Samuel, na sinasabi, Sapagka't aking hiningi siya sa Panginoon. At ang lalaking si Elcana, at ang buong sangbahayan niya, ay nagsiahon upang maghandog sa Panginoon ng hain sa taon-taon, at ganapin ang kaniyang panata. Nguni't si Ana ay hindi umahon; sapagka't sinabi niya sa kaniyang asawa, Hindi ako aahon hanggang sa ang bata'y mahiwalay sa suso; at kung magkagayo'y aking dadalhin siya, upang siya'y pakita sa harap ng Panginoon, at tumahan doon magpakailan man. At sinabi ni Elcana na kaniyang asawa sa kaniya, Gawin mo ang inaakala mong mabuti; maghintay ka hanggang sa maihiwalay mo siya sa suso; pagtibayin lamang ng Panginoon ang kaniyang salita. Sa gayo'y naghintay ang babae, at pinasuso ang kaniyang anak, hanggang sa naihiwalay niya sa suso. At nang kaniyang maihiwalay na sa suso, ay kaniyang iniahon, na may dala siyang tatlong guyang lalake, at isang epang harina, at isang sisidlang balat ng alak, at dinala niya siya sa bahay ng Panginoon sa Silo: at ang anak ay sanggol. At kanilang pinatay ang guyang lalake, at dinala ang bata kay Eli. At sinabi niya, Oh panginoon ko, alangalang sa buhay ng iyong kaluluwa, panginoon ko, ako ang babaing tumayo sa siping mo rito, na nanalangin sa Panginoon. Dahil sa batang ito ako nanalangin; at ipinagkaloob sa akin ng Panginoon ang aking hiling na aking hiningi sa kaniya: Kaya't aking ipinagkakaloob naman sa Panginoon habang siya'y nabubuhay ay ipinagkakaloob ko siya sa Panginoon. At siya ay sumamba sa Panginoon doon.

1 Samuel 1:1-28 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)

Sa Ramataim-zofim, isang bayan sa kaburulan ng Efraim ay may nakatirang lalaki na nagngangalang Elkana. Siya'y anak ni Jeroham at apo ni Elihu na mula sa sambahayan ni Tohu at mula sa angkan ni Zuf na Efrateo. Dalawa ang asawa ni Elkana, sina Ana at Penina. May mga anak si Penina ngunit si Ana ay wala. Taun-taon, pumupunta si Elkana sa Shilo upang sumamba at mag-alay ng mga handog kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Naglilingkod doon bilang mga pari ni Yahweh ang mga anak ni Eli na sina Hofni at Finehas. Tuwing maghahandog si Elkana, binibigyan niya ng tig-iisang bahagi si Penina at ang mga anak nito. Ngunit mga natatanging bahagi ang ibinibigay niya kay Ana sapagkat mahal na mahal niya ito bagama't hindi ipinahintulot ni Yahweh na ito'y magkaanak. Si Ana ay palaging kinukutya ni Penina dahil hindi niloob ni Yahweh na magkaroon siya ng anak. Ito'y ginagawa ni Penina taun-taon, tuwing pupunta sila sa bahay ni Yahweh. Labis naman itong dinaramdam ni Ana kaya't napapaiyak siya at hindi makakain. Kaya't nilalapitan siya ni Elkana at tinatanong, “Ana, bakit umiiyak ka na naman at ayaw mong kumain? Bakit ka nalulungkot? Hindi pa ba ako higit kaysa sa sampung anak na lalaki para sa iyo?” Minsan, matapos silang kumain sa Shilo, malungkot na pumunta si Ana at nanalangin sa bahay ni Yahweh. Nagkataong nakaupo sa may pintuan ng bahay ni Yahweh ang paring si Eli. Buong pait na lumuluha si Ana at taimtim na nanalangin kay Yahweh. Ganito ang kanyang panalangin: “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, kung papakinggan ninyo ang inyong abang lingkod at inyo pong kahahabagan, kung hindi ninyo ako pababayaan, sa halip ay pagkakalooban ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo at habang buhay na siya'y nakalaan sa inyo; hindi ko ipapaputol ang kanyang buhok.” Habang nananalangin si Ana, ang bibig niya'y pinagmamasdan ni Eli. Gumagalaw ang kanyang mga labi ngunit hindi naririnig ang kanyang tinig sapagkat siya'y nananalangin lamang sa sarili. Dahil dito, inakala ni Eli na siya'y lasing. Kaya, lumapit ito at sinabi sa kanya, “Tama na 'yang paglalasing mo! Tigilan mo na ang pag-inom ng alak at magpakatino ka na!” “Hindi po ako lasing,” sagot ni Ana. “Ni hindi po ako tumitikim ng alak. Ang damdamin ko po'y naghihirap at idinudulog ko kay Yahweh ang aking kalagayan. Huwag po sana ninyong isipin na ang inyong lingkod ay masamang babae. Ipinapahayag ko lamang ang matinding paghihirap ng aking damdamin.” Dahil dito, sinabi ni Eli, “Ipanatag mo ang iyong sarili at umuwi ka na. Ang Diyos ng Israel ang tutugon sa iyong kahilingan.” Sumagot si Ana, “Magkatotoo po sana ang inyong sinabi tungkol sa akin.” Pagkasabi niyon, bumalik sa kanilang tinutuluyan at kumaing wala na ang bigat ng kanyang kalooban. Kinabukasan, maagang-maaga silang sumamba kay Yahweh, at pagkatapos ay umuwi na sa Rama. Sinipingan ni Elkana si Ana, at dininig ni Yahweh ang dalangin nito. Nagbuntis siya at dumating ang araw na siya'y nagsilang ng isang sanggol na lalaki. Samuel ang ipinangalan niya rito sapagkat ang sabi niya, “Hiningi ko siya kay Yahweh.” Pagkalipas ng isang taon, si Elkana at ang kanyang sambahayan ay muling nagpunta sa Shilo upang ialay kay Yahweh ang taunang handog at upang tupdin ang kanyang panata. Sinabi ni Ana kay Elkana, “Hindi na muna ako sasama sa inyo ngayon. Hihintayin ko na ang panahong maaari na siyang mahiwalay sa akin. Paglaki niya, dadalhin ko siya sa bahay ni Yahweh at doon na siya titira sa buong buhay niya.” Sinabi ni Elkana, “Gawin mo kung ano ang inaakala mong mabuti. Hintayin mo na siyang lumaki at tulungan ka nawa ni Yahweh upang matupad ang pangako mo sa kanya.” Kaya naiwan si Ana at inalagaan ang kanyang anak. Nang lumaki na si Samuel, dinala siya ng kanyang ina sa bahay ni Yahweh sa Shilo. Nagdala pa siya ng isang torong tatlong taon, limang salop ng harina at alak na nakalagay sa sisidlang balat. Matapos ihandog ang baka, dinala nila kay Eli ang bata. Sinabi ni Ana, “Kung natatandaan ninyo, ako po ang babaing nakita ninyong nakatayo rito noon at nanalangin kay Yahweh. Hiniling ko sa kanya na ako'y pagkalooban ng anak at binigyan nga niya ako. Kaya naman po inihahandog ko siya kay Yahweh upang maglingkod sa kanya habang buhay.” Pagkatapos nito, sinamba nila si Yahweh.

1 Samuel 1:1-28 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)