Sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, si Elias na propeta ay lumapit, at nagsabi, “O PANGINOON, Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel. Ipakilala mo sa araw na ito, na ikaw ay Diyos sa Israel, at ako ay iyong lingkod, at aking ginawa ang lahat ng bagay na ito sa iyong pag-uutos.
Sagutin mo ako, O PANGINOON. Sagutin mo ako, upang malaman ng bayang ito na ikaw PANGINOON ay Diyos, at iyong pinanunumbalik ang kanilang mga puso.”
Nang magkagayo'y ang apoy ng PANGINOON ay bumagsak at tinupok ang handog na sinusunog, ang kahoy, mga bato, alabok, at dinilaan ang tubig na nasa hukay.
Nang makita iyon ng buong bayan, sila'y nagpatirapa at kanilang sinabi, “Ang PANGINOON ang siyang Diyos; ang PANGINOON ang siyang Diyos.”
At sinabi ni Elias sa kanila, “Hulihin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag hayaang makatakas ang sinuman sa kanila.” At kanilang dinakip sila; sila'y ibinaba ni Elias sa batis ng Kison at pinatay roon.
Sinabi ni Elias kay Ahab, “Umahon ka, kumain ka at uminom sapagkat may hugong ng rumaragasang ulan.”
Kaya't umahon si Ahab upang kumain at uminom. Si Elias ay umakyat sa tuktok ng Carmel; siya'y yumukod sa lupa at inilagay ang kanyang mukha sa pagitan ng kanyang mga tuhod.
Kanyang sinabi sa kanyang lingkod, “Umahon ka ngayon, tumingin ka sa dagat.” At siya'y umahon at tumingin, at sinabi, “Wala akong nakikita.” At kanyang sinabi, “Humayo ka ng pitong ulit.”
Sa ikapitong pagkakataon, ay kanyang sinabi, “Tingnan mo, may lumitaw na isang ulap mula sa dagat na kasinliit ng kamay ng isang lalaki.” At kanyang sinabi, “Humayo ka. Sabihin mo kay Ahab, ‘Ihanda mo ang iyong karwahe, at ikaw ay lumusong baka mapigil ka ng ulan.’”
Pagkaraan ng ilang sandali, ang langit ay nagdilim sa ulap at hangin, at nagkaroon ng malakas na ulan. At si Ahab ay sumakay at pumunta sa Jezreel.
Ngunit ang kamay ng PANGINOON ay na kay Elias. Kanyang binigkisan ang kanyang mga balakang at tumakbong nauuna kay Ahab sa pasukan ng Jezreel.