Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Hari 18:36-46

1 Hari 18:36-46 ASND

Nang oras na ng paghahandog, lumapit si Propeta Elias sa altar at nanalangin. Sinabi niya, “PANGINOON, Dios ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob, patunayan ninyo sa araw na ito, na kayo ang Dios ng Israel at ako ang inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito ayon sa utos ninyo. PANGINOON, dinggin nʼyo po ako, para malaman ng mga tao na kayo ang PANGINOON, ang Dios, at nais nʼyo silang magbalik-loob sa inyo.” Dumating agad ang apoy na galing sa PANGINOON, at sinunog nito ang handog, ang gatong, ang mga bato at ang lupa, at natuyo ang kanal. Nang makita ito ng lahat ng tao, nagpatirapa sila at sinabi, “Ang PANGINOON ang siyang Dios! Ang PANGINOON ang siyang Dios!” Iniutos agad ni Elias sa mga tao, “Dakpin ninyo ang mga propeta ni Baal. Dapat walang makatakas sa kanila!” Dinakip ang lahat ng propeta ni Baal at dinala nila Elias sa Lambak ng Kishon at pinagpapatay. Sinabi ni Elias kay Ahab, “Humayo ka, kumain at uminom, dahil paparating na ang malakas na ulan.” Kaya humayo si Ahab para kumain at uminom, pero si Elias ay umakyat sa bundok ng Carmel at nanalangin, na nakaluhod at nakayuko sa lupa. Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang utusan, “Umakyat ka at tumingin sa dagat.” At sinunod ito ng utusan. Pagbalik niya kay Elias, sinabi niya, “Wala po akong nakikita.” Pitong beses na sinabi ni Elias na bumalik siya at tumingin. Nang ikapitong pagbalik niya, sinabi niya kay Elias, “May nakita po akong ulap na maitim na kasinlaki ng palad ng tao, na pumapaibabaw mula sa laot.” Kaya sinabi ni Elias, “Humayo ka at sabihin kay Ahab na sumakay siya sa kanyang karwahe at umuwi bago pa siya maabutan ng ulan.” Di nagtagal, dumilim ang langit dahil sa makapal na ulap. Humangin at umulan nang malakas, at sumakay si Ahab sa karwahe at pumunta sa Jezreel. Pinalakas ng PANGINOON si Elias. Ibinigkis niya sa baywang ang balabal niya at tumakbo, at nauna pa kay Ahab papunta sa Jezreel.