Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA HARI 14

14
Ang Pahayag ni Ahias Laban kay Jeroboam
1Nang panahong iyon si Abias na anak ni Jeroboam ay nagkasakit.
2Sinabi ni Jeroboam sa kanyang asawa, “Bumangon ka at magbalatkayo upang huwag kang makilala na asawa ni Jeroboam, at pumunta ka sa Shilo. Naroon si Ahias na propeta na nagsalita tungkol sa akin na ako'y magiging hari sa bayang ito.
3Magdala ka ng sampung malalaking tinapay, mga munting tinapay, isang bangang pulot, at pumaroon ka sa kanya. Kanyang sasabihin sa iyo kung ano ang mangyayari sa bata.”
4Gayon nga ang ginawa ng asawa ni Jeroboam; tumindig siya at pumunta sa Shilo, at dumating sa bahay ni Ahias. Si Ahias noon ay hindi na nakakakita sapagkat ang kanyang mga mata'y malabo na dahil sa kanyang katandaan.
5At sinabi ng Panginoon kay Ahias, “Ang asawa ni Jeroboam ay darating upang magtanong sa iyo tungkol sa kanyang anak; sapagkat siya'y maysakit. Ganito't gayon ang iyong sasabihin sa kanya.” Sapagkat mangyayari na nang siya'y dumating siya'y nagkukunwari na ibang babae.
6Nang marinig ni Ahias ang ingay ng kanyang mga paa, pagpasok niya sa pintuan ay sinabi niya, “Pumasok ka, asawa ni Jeroboam. Bakit ka nagkukunwaring iba? Sapagkat ako'y pinagbilinan ng mabibigat na balita para sa iyo.
7Humayo ka at sabihin mo kay Jeroboam, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Sapagkat itinaas kita sa gitna ng bayan, at ginawa kitang pinuno sa aking bayang Israel,
8at inagaw ko ang kaharian mula sa sambahayan ni David at ibinigay sa iyo; gayunma'y hindi ka naging gaya ng lingkod kong si David, na sumunod sa aking mga utos, at sumunod sa akin ng kanyang buong puso, na ginagawa lamang ang matuwid sa aking mga paningin.
9Ngunit ikaw ay gumawa ng kasamaang higit kaysa lahat ng nauna sa iyo. Ikaw ay humayo at gumawa para sa sarili mo ng mga ibang diyos, at mga larawang hinulma, upang galitin at inihagis mo ako sa iyong likuran.
10Kaya't#1 Ha. 15:29 ako'y magdadala ng kasamaan sa sambahayan ni Jeroboam. Aking ititiwalag kay Jeroboam ang bawat lalaki, bilanggo at malaya sa Israel, at aking lubos na lilipulin ang sambahayan ni Jeroboam, kung paanong sinusunog ng isang tao ang dumi, hanggang sa ito'y maubos.
11Sinumang kamag-anak ni Jeroboam na mamatay sa loob ng bayan ay kakainin ng mga aso; at sinumang mamatay sa kaparangan ay kakainin ng mga ibon sa himpapawid, sapagkat ito ang sinabi ng Panginoon.’
12Kaya't humanda ka, umuwi ka sa iyong bahay. Pagpasok ng iyong mga paa sa lunsod, mamamatay ang bata.
13Tatangisan siya ng buong Israel, at ililibing siya; sapagkat siya lamang mula kay Jeroboam ang darating sa libingan. Sapagkat siya'y kinatagpuan sa sambahayan ni Jeroboam ng bagay na mabuti sa Panginoon, sa Diyos ng Israel.
14Bukod dito'y ang Panginoon ay magtitindig para sa kanyang sarili ng isang hari sa Israel, na siyang wawasak sa sambahayan ni Jeroboam ngayon. At mula ngayon,
15parurusahan ng Panginoon ang Israel, gaya ng isang tambo na iwinawasiwas sa tubig. Kanyang bubunutin ang Israel mula rito sa mabuting lupa na ibinigay niya sa kanilang mga magulang, at ikakalat sila sa kabila ng Eufrates; sapagkat kanilang ginawa ang kanilang mga Ashera at ginalit ang Panginoon.
16At kanyang pababayaan ang Israel dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam na kanyang ipinagkasala at naging sanhi ng pagkakasala ng Israel.”
17Pagkatapos ay tumindig ang asawa ni Jeroboam at umalis at dumating sa Tirsa. Pagdating niya sa pintuan ng bahay, ang bata ay namatay.
18Inilibing at tinangisan siya ng buong Israel, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Ahias na propeta.
19Ngayon, ang iba pa sa mga gawa ni Jeroboam, kung paanong siya'y nakipagdigma, at kung paanong siya'y naghari, ay nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng Kasaysayan#14:19 o Cronica. ng mga hari ng Israel.
20Ang mga araw na naghari si Jeroboam ay dalawampu't dalawang taon. Siya'y natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Nadab na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Rehoboam ay Naghari sa Juda
(2 Cro. 11:5–12:15)
21Si Rehoboam na anak ni Solomon ay naghari sa Juda. Si Rehoboam ay apatnapu't isang taon nang siya'y magsimulang maghari, at siya'y naghari ng labimpitong taon sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ng Panginoon mula sa lahat ng mga lipi ng Israel, upang ilagay ang kanyang pangalan doon. Ang kanyang ina ay si Naama na Ammonita.
22Gumawa ang Juda ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at kanilang ibinunsod siya sa paninibugho sa pamamagitan ng mga kasalanan na kanilang ginawa, na higit kaysa lahat ng ginawa ng kanilang mga magulang.
23Sapagkat#2 Ha. 17:9, 10 sila'y nagtayo rin para sa kanila ng matataas na dako, ng mga haligi, at mga Ashera sa bawat mataas na burol at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy.
24Nagkaroon#Deut. 23:17 din ng mga sodomita#14:24 o mga lalaking nagbibili ng panandaliang aliw. ang lupain. Sila'y gumawa ng ayon sa lahat ng kasuklamsuklam ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.
25Nang#2 Cro. 12:2-8 ikalimang taon ni Haring Rehoboam, si Shishac na hari ng Ehipto ay umahon laban sa Jerusalem.
26Kanyang#1 Ha. 10:16, 17; 2 Cro. 9:15, 16 tinangay ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari; ang mga iyon ay kanyang tinangay na lahat. Tinangay rin niya ang lahat ng kalasag na ginto na ginawa ni Solomon.
27Si Haring Rehoboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso na kahalili ng mga iyon, at ipinagkatiwala sa mga kamay ng mga pinuno ng bantay na nag-iingat ng pintuan ng bahay ng hari.
28Tuwing pumapasok ang hari sa bahay ng Panginoon, dinadala ang mga iyon ng bantay, at ibinabalik sa silid ng mga bantay.
29Ngayon ang iba pa sa mga gawa ni Rehoboam at ang lahat ng bagay na kanyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan#14:29 o Cronica. ng mga hari ng Juda?
30At nagkaroon ng patuloy na paglalaban sina Rehoboam at Jeroboam.
31At si Rehoboam ay natulog at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno, sa lunsod ni David. Ang kanyang ina ay si Naama na Ammonita. At si Abiam na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.

Kasalukuyang Napili:

I MGA HARI 14: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in