I MGA HARI 13
13
Si Jeroboam ay Pinaalalahanan ng Isang Propeta
1Dumating ang isang tao ng Diyos mula sa Juda ayon sa salita ng Panginoon sa Bethel. Si Jeroboam ay nakatayo sa tabi ng dambana upang magsunog ng insenso.
2Ang#2 Ha. 23:15, 16 lalaki ay sumigaw laban sa dambana ayon sa salita ng Panginoon, “O dambana, dambana, ganito ang sabi ng Panginoon: ‘Isang batang lalaki ang ipapanganak sa sambahayan ni David na ang pangalan ay Josias; at iaalay niya sa ibabaw mo ang mga pari ng matataas na dako, na nagsusunog ng insenso sa iyo, at mga buto ng mga taong susunugin sa ibabaw mo.’”
3At siya'y nagbigay ng tanda nang araw ding iyon na sinasabi, “Ito ang tanda na sinabi ng Panginoon, ‘Ang dambana ay mawawasak at ang mga abo na nasa ibabaw nito ay matatapon.’”
4Nang marinig ng hari ang salita ng tao ng Diyos na kanyang isinigaw laban sa dambana sa Bethel, iniunat ni Jeroboam ang kanyang kamay mula sa dambana, at sinabi, “Hulihin siya.” At ang kanyang kamay na kanyang iniunat laban sa kanya ay natuyo, anupa't hindi niya ito maibalik sa kanyang sarili.
5Ang dambana ay nawasak at ang mga abo ay natapon mula sa dambana, ayon sa tanda na ibinigay ng tao ng Diyos sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.
6Ang hari ay sumagot at sinabi sa tao ng Diyos, “Hilingin mo ngayon ang biyaya ng Panginoon mong Diyos, at idalangin mo ako, upang ang aking kamay ay bumalik sa kanyang sarili.” At idinalangin siya ng tao ng Diyos sa Panginoon, at ang kamay ng hari ay bumalik sa kanyang sarili, at naging gaya ng dati.”
7At sinabi ng hari sa tao ng Diyos, “Umuwi kang kasama ko, kumain ka, at bibigyan kita ng gantimpala.”
8Sinabi ng tao ng Diyos sa hari, “Kung ibibigay mo sa akin ang kalahati ng iyong bahay ay hindi ako hahayong kasama mo, o kakain man ako ng tinapay o iinom man ako ng tubig sa dakong ito.
9Sapagkat iyon ang iniutos sa akin ng salita ng Panginoon, ‘Huwag kang kakain ng tinapay, o iinom man ng tubig, ni babalik man sa daan na iyong pinanggalingan.’”
10Kaya't dumaan siya sa ibang daan, at hindi na bumalik sa daan na kanyang dinaanan patungo sa Bethel.
Ang Propeta ay Naakay sa Pagsuway
11Noon ay may naninirahang isang matandang propeta sa Bethel. Ang isa sa kanyang mga anak ay naparoon, at isinalaysay sa kanya ang lahat ng mga ginawa ng tao ng Diyos sa araw na iyon sa Bethel; ang mga salita na kanyang sinabi sa hari ay siya ring isinalaysay nila sa kanilang ama.
12Sinabi ng kanilang ama sa kanila, “Saan siya dumaan?” At itinuro sa kanya ng kanyang mga anak ang daang dinaraanan ng tao ng Diyos na nanggaling sa Juda.
13Sinabi niya sa kanyang mga anak, “Ihanda ninyo para sa akin ang asno.” Sa gayo'y kanilang inihanda ang asno para sa kanya at kanyang sinakyan.
14Kanyang sinundan ang tao ng Diyos at natagpuan niyang nakaupo sa ilalim ng isang puno ng ensina, at sinabi niya sa kanya, “Ikaw ba ang tao ng Diyos na nanggaling sa Juda?” At sinabi niya, “Ako nga.”
15Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanya, “Umuwi kang kasama ko, at kumain ka ng tinapay.”
16At sinabi niya, “Hindi ako makababalik na kasama mo, o makakapasok na kasama mo, ni makakakain man ng tinapay o makakainom man ng tubig na kasalo mo sa dakong ito.
17Sapagkat sinabi sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, ‘Huwag kang kakain ng tinapay o iinom man ng tubig doon, o babalik man sa daan na iyong dinaanan.’”
18Sinabi niya sa kanya, “Ako man ay isang propetang gaya mo, at isang anghel ang nagsabi sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, ‘Ibalik mo siya na kasama mo sa iyong bahay, upang siya'y makakain ng tinapay at makainom ng tubig.’” Ngunit siya'y nagsinungaling sa kanya.
19Kaya't siya ay bumalik na kasama niya, at kumain ng tinapay sa kanyang bahay at uminom ng tubig.
20Samantalang sila'y nakaupo sa hapag, ang salita ng Panginoon ay dumating sa propeta na nagpabalik sa kanya.
21At siya'y sumigaw sa tao ng Diyos na nanggaling sa Juda, “Ganito ang sabi ng Panginoon: Sapagkat ikaw ay sumuway sa salita ng Panginoon, at hindi mo tinupad ang utos na iniutos ng Panginoon mong Diyos sa iyo,
22kundi ikaw ay bumalik at kumain ng tinapay, at uminom ng tubig sa dakong kanyang sinabi sa iyo na, ‘Huwag kang kumain ng tinapay, at huwag kang uminom ng tubig;’ ang iyong bangkay ay hindi darating sa libingan ng iyong mga ninuno.”
23Pagkatapos na makakain siya ng tinapay at makainom, inihanda niya ang asno para sa propeta na kanyang pinabalik.
24Habang siya'y papaalis, sinalubong siya ng isang leon sa daan at pinatay siya. Ang kanyang bangkay ay napahagis sa daan at ang asno ay nakatayo sa tabi nito; ang leon ay nakatayo rin sa tabi ng bangkay.
25May mga taong dumaan at nakita ang bangkay na nakahandusay sa daan at ang leon na nakatayo sa tabi ng bangkay. Sila'y humayo at isinalaysay iyon sa lunsod na tinitirhan ng matandang propeta.
26Nang marinig iyon ng propeta na nagpabalik sa kanya sa daan, sinabi niya: “Iyon ang tao ng Diyos na sumuway sa salita ng Panginoon, kaya't ibinigay siya ng Panginoon sa leon na lumapa at pumatay sa kanya ayon sa salitang sinabi ng Panginoon sa kanya.”
27Sinabi niya sa kanyang mga anak, “Ihanda ninyo para sa akin ang asno.” At inihanda nila iyon.
28Siya'y pumaroon at natagpuan ang kanyang bangkay na nakahandusay sa daan, at ang leon at ang asno ay nakatayo sa tabi ng bangkay. Hindi kinain ng leon ang bangkay, o nilapa man ang asno.
29Kinuha ng propeta ang bangkay ng tao ng Diyos, ipinatong sa asno, at ibinalik sa bayan ng matandang propeta upang tangisan at ilibing.
30Inilagay niya ang bangkay nito sa kanyang sariling libingan at kanilang tinangisan siya na sinasabi, “Ay, kapatid ko!”
31Pagkatapos na kanyang mailibing siya, sinabi niya sa kanyang mga anak, “Kapag ako'y namatay, ilibing ninyo ako sa puntod na pinaglibingan sa tao ng Diyos. Ilagay ninyo ang aking mga buto sa tabi ng kanyang mga buto.
32Sapagkat ang salita na kanyang isinigaw sa pamamagitan ng salita ng Panginoon laban sa dambana sa Bethel at laban sa mga bahay sa mga mataas na dako na nasa mga bayan ng Samaria ay tiyak na mangyayari.”
Ang mga Pari ni Jeroboam
33Pagkatapos ng bagay na ito, si Jeroboam ay hindi tumalikod sa kanyang masamang pamamaraan, bagkus ay muling humirang ng mga pari mula sa taong-bayan para sa matataas na dako; sinumang may ibig ay kanyang itinatalaga upang maging mga pari sa matataas na dako.
34Ang bagay na ito ay naging kasalanan sa sambahayan ni Jeroboam na sanhi ng kanilang pagkahiwalay at pagkapuksa mula sa ibabaw ng lupa.
Kasalukuyang Napili:
I MGA HARI 13: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001